top of page
Search

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 11, 2021



Tuluyan nang nagtapos noong Linggo ang Tokyo 2020 Games na idineklarang ‘most challenging Olympic journey’ dahil sa isang taong pagkakaantala at pagdaan sa mga banta ng kanselasyon dulot ng pandemya.


Ngunit ang naturang Tokyo Olympics ay maituturing na pinakamaganda at pinakatagumpay sa loob ng 97 taong pakikilahok ng Pilipinas dahil sa wakas ay binago ng atletang Pinoy ang ating landas sa palakasan at ngayon ay nakaukit na tayo sa kasaysayan.


Ang napakahabang panahong pananabik ng bawat Pilipino na magkaroon tayo ng medalyang ginto sa Olympics ay ating nakamit matapos na matugunan ng ating mga bayaning atletang nagbuwis ng dugo at pawis para lamang sa dating napakailap na karangalan.


Hindi lamang ginto ang ating naiuwi dahil may karagdagan pa itong dalawang silver at isang bronze medal dahilan upang makamit natin ang highest ranking country sa buong Southeast Asia. Ito rin ang pinakamaraming medalyang ating napanalunan mula 1932.


Si Carlo Paalam na kahit naunahan sa unang round ng pakikipagbakbakan kay Galal Yafai ng Great Britain ay nakuha pa ring lumaban hanggang sa huli, ngunit bahagya na itong kinapos ng kapalaran ngunit nasungkit pa rin ang silver medal.


Tinutukan ng marami nating kababayan ang laban ni Paalam at nakuha nito ang simpatya ng maraming Pilipino dahil mula sa pagiging basurero ay nakuha niyang tumayo upang makapag-uwi ng karangalan sa bansa.


Sa Kasumigaseki east course, hindi binitawan ni Yuka Saso ang ating bandila mula sa 47th place binuno niya ng todo at tumalon ng 38 posisyon para matapos sa 9th place na nagpamangha sa lahat dahil sa sunud-sunod na markadong hataw ng eagle at apat na birdies sa huling pitong butas.


Tumabla itong si Saso sa anim na puwestong pangsiyam sa natapos nitong Sabado na women’s golf individual at nitong Linggo ng gabi sa 32nd Summer Olympic Games 2020+1 sa Tokyo, Japan.


Mula rito ay agad na lulusob itong si Saso sa Europe upang muling pumalo sa 72nd Ladies Professional Golf Association 2020 21st leg US$1.5M (75M) 5th Trust Golf Women’s Scottish Open sa Fife, Scotland sa Aug 12 hanggang 15.


Nabigo man ang 'Pinas na muling masungkit ang ikalawa sanang gintong medalya ay hindi naman nating malilimutan ang ika-apat na araw ng kumpitisyon nang masungkit ni Hidilyn Diaz ang gold medal sa women’s 55-kg sa weightlifting.


Si Nesthy Petecio na isa rin sa tinutukan ng ating mga kababayan ay sinasabi ng mga eksperto sa larangan ng boksing na mas maganda ang ipinakita niyang laban kumpara sa kaniyang nakatunggali na panay yakap lamang ang ginawa ngunit higit na kinatigan ng kapalaran.


Magkagayun man ay napakatamis pa rin ng naging tagumpay na ito ni Petecio na bukod sa pagbubunyi ng kaniyang mga kaanak at mga kalugar ay buong giting din siyang ipinagmamalaki ng ating bansa na nag-uwi ng silver medal.


Malaking ambag din ang ginawang pagsisikap ni Eumir Marcial na nakipagbakbakan sa men’s middleweight division ngunit sadyang mailap ang medalyang ginto ngunit naiuwi naman niya ang bronze medal kasabay ng kaniyang pangakong pagbubutihin pa niya sa susunod na Olympic kung papalarin pang makasama.


Kung ating gugunitain ay itong si Jose Villanueva ang kauna-unahang nag-uwi ng bronze medal sa ating bansa mula sa Los Angeles noong 1932 at nasundan ito ng kaniyang anak na si Anthony na una namang nag-uwi ng silver medal mula sa Tokyo noong 1964.


Si Leopoldo Serrantes ay nakapag-uwi rin ng bronze medal noong 1988 mula naman sa Seoul at si Rhoel Velasco ay nakatangay din ng bronze mula sa Barcelona noong 1992 bago pa ito nasundan ng ikalawa nating silver na naiuwi naman ni Onyok Velasco mula sa Atlanta noong 1996.


Hindi rin natin dapat malimutan ang pagsisikap ng iba pang Tokyo Olympians na sina Elreen Ando (weightlifting), Kurt Barbosa (taekwondo), Margielyn Didal (skateboarding), Luke Gebbie at Remedy Rule (swimming), Kristina Knott at Ernest John Obiena (athletics), Bianca Pagdanganan at Juvic Pagunsan (parehong golf), Jayson Valdez (shooting), Kiyome Watanabe (judo) at Carlos Yulo (gymnastics) at ang boksingerong si Irish Magno.


Kabilang sila sa nakipagdigma para iwagayway ang ating bandila upang maabot natin sa kauna-unahang pagkakataon ang ika-50 puwesto sa overall na lubhang napakalayo sa ating 0-0-0- tallies na ating iminarka sa nagdaang limang Olympiads mula sa 2000 sa Sydney hanggang sa London noong 2012.


Dahil dito ay nakatakda ring tumanggap ng P500,000 bawat isa ang mga non-Olympic medalists mula sa pamunuan ng Philippine Olympic Committee (POC) at iba pang nais magbigay ng pabuya sa kanilang kagitingan.


Sana ang tagumpay nating ito ay magsilbing kislap sa madilim na pinagdaanan natin sa larangan ng palakasan at tuluyan nang magliwanag upang mas marami pang medalya ang ating maiuuwi sa mga susunod pang kumpitisyon.


Sa mga bayaning atletang Pilipino, mission accomplished!


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 09, 2021



Nasa ikaapat na araw na tayo mula nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa buong Metro Manila at ilang piling lugar na ang sinimulan noong Agosto 6 hanggang 20 kaya unti-unti nang nararamdaman ang pagsisikip ng sinturon ng marami sa ating mga kababayan.


Kung dati-rati ay ang tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang ating kinakalampag sa pamamahagi ng ayuda ay hindi na ngayon dahil direkta na itong ibibigay sa mga Local Government Units (LGUs) upang mas mapabilis ang proseso.


Matagal nang hinihiling ng mga LGUs na direkta nang iatang sa kanilang pamamahala ang pamamahagi ng ayuda dahil sa kanilang pananaw ay nagbubunga lamang ito ng kung anu-anong suliranin kung idadaan pa ito sa DSWD tulad ng mga naunang pamamahagi ng ayuda.


Dahil dumarami ang mga panawagan mula sa LGUs ay pinagbigyan sila ng pamahalaan sa pagkakataong ito at sana naman ay ipakita nilang mas magiging maayos ang pamamahagi at mas makasisigurong makararating ng maayos sa mga nangangailangan ang inaasahang ayuda.


Hindi lang katiyakan ang ating ipinapaalala sa pamamahagi ng ayuda kung hindi ang karagdagang bilis upang sa mas maagang panahon ay makarating sa ating mga kababayan ang tulong na lubha nilang kailangan sa panahong ito ng lockdown.


Kung sa maagang panahon ay maipamamahagi agad ang ayuda ay maiibsan ang paglabas-labas ng ilan sa ating mga kababayan na ang tanging pakay lamang ay maghanap ng makakain para sa kanilang mga mahal sa buhay.


Sa ganitong paraan ay malaking tulong din ito sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) upang tugunan ang iba pang problema sa kasalukuyang ECQ sa halip na nauubos ang panahon sa pagsaway sa mga pagala-gala sa labas ng tahanan.


Bago pa ipatupad ang ECQ ay mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagpahayag na lahat ng apektadong indibidwal sa Metro Manila ay tatanggap ng P1-K bawat isa at hanggang P4-K naman depende sa laki ng bilang ng bawat pamilya.


At habang isinusulat natin ang artikulong ‘to, ang ipinangakong cash aid para sa mga residente ng Metro Manila ay nakahanda na para ipamahagi matapos na ang Department of Budget and Management (DBM) ay inilabas na ang P10.89 bilyong pondo para rito.


Mahalaga ang maayos na kooperasyon ng National Government at ng mga Local Government Units (LGUs) upang hindi na maulit pa ang mga naunang karanasan ng anomalya at pagkakamali sa pamamahagi ng ayuda.


Alam naman nating napakaraming tauhan ng Barangay ang sinampahan ng kaso ng Department of Interior and Local Government (DILG) noong nakaraang bigayan ng ayuda dahil sa dami ng reklamong kanilang natanggap na sana ay hindi na maulit pa sa panahong ito.


Hindi biro ang dalawang linggong lockdown na hindi basta makalabas ng bahay ang ating mga kababayan, partikular ang mga kababayan nating kailangang gumala para kumita o ‘yung tinatawag nating isang kahig-isang tuka — ang tiyak na nawalan ng hanapbuhay.


Wala namang problema kung ayuda lang ang pag-uusapan dahil may sapat naman pondo ang pamahalaan para sa mga apektado nating kababayan at kaya namang maghanap ng supplemental budget sakaling kulangin pa ito ayon mismo sa Malakanyang.


Tiniyak din ng Palasyo na sakaling hindi pa sumapat ang ipamamahaging cash aid ay nakahanda ang pamahalaan na kumuha ng karagdagang pondo mula sa savings at dividends ng government-owned and controlled corporations.


Sabi nga ng Pangulo, huwag ipatupad ang ECQ kung wala rin lang sapat na pondo para ipamahagi sa lahat ng mga kababayan nating maaapektuhan ng ECQ hindi lang sa Metro Manila kung hindi maging sa mga naka-lockdown ding lugar.


Dahil ipinatupad at umiiral na ang ECQ, ibig sabihin ay huwag mag-alala ang ating mga kababayan dahil handang-handa ang pamahalaan hinggil dito at walang maikakatuwiran ang LGUs na hindi sapat ang hawak nilang pondo.


Umaasa tayong mairaraos natin ng maayos ang dalawang linggong lockdown at sana, kahit nakararanas na tayo ng pagdagsa ng mga pasyente sa ilan nating pagamutan ay mabawasan na ito dahil sa isinasagawa nating pagsasakripisyo sa ilalim ng ECQ.


Kaya ang tanging pakiusap natin sa mga LGUs ay tutukang mabuti ang pamamahagi ng ayuda at bahala kayo kung digital cash aid distribution o face to face ang isasagawa ninyong pamamahagi basta ang mahalaga ay makarating sa nangangailangan ang ayuda.


Huwag sanang sirain ng mga LGUs ang ibinigay sa kanilang tiwala ng pamahalaan na sila na mismo ang direktang mamahala sa pamamahagi ng ayuda at ngayon ninyo ipakita na mas higit kayong karapat-dapat kumpara sa naunang sistema.


Alalahanin nating hindi magiging matagumpay ang dalawang linggong ECQ na ito kung nagkakagulo ang mga tao dahil sa kumakalam ang mga tiyan dahil tiyak na lalabas at labas ang ating mga kababayan para humanap ng pang-ampat sa nararamdamang gutom.


Tutal nakalaan at para sa taumbayan naman ang inihandang ayuda, ibigay na ng mas maaga at huwag nang gawing kawawa pa ang ating mga kababayan!


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 04, 2021



Sa napakaraming negatibong epekto ng palpak na serbisyo ng internet sa bansa ay maituturing na isa sa pinakamatindi ang ginawang pagpapatiwakal ng isang estudyante dahil sa napakabagal na koneksiyon ng internet ay hindi ito nakakuha ng eksaminasyon.


Isang lalaking estudyante ng University of Eastern Philippines (UEP) sa Northern Samar ang nagpakamatay matapos na hindi ikonsidera ng kanyang dalawang guro na makakuha siya ng online examination dahil hindi umabot ang kanyang requirements.


Ang estudyante ng Department of Criminology, College of Arts and Communications ay natagpuang wala ng buhay nitong nakaraang Hulyo 27 dahil lamang sa pagkakaantala ng dalawang minuto ng kailangang requirements.


“Sir, nakikiusap po ako. Pasensiya na po, sir, ang signal talaga po rito sa amin, mahina dahil barangay lang po kami. Naka-send naman po ako on time, nag-sending lang po.”


Ito mismo ang chat ng nasawing estudyante sa kanyang mga guro na inilabas ng Northern Samar News and Information na isinalin sa tagalog dahil sa inihayag ito sa wikang Samareño.


Kumbaga hindi ito basta inanggulo lang para pasamain ang palpak na serbisyo ng internet sa bansa dahil ito mismo ang pinag-ugatan ng lahat kaya nasira ang buhay ng estudyante na pag-asa sana ng kanyang mga mahal sa buhay.


Bago pa nangyari ang insidenteng ito ay isinumite natin ang Senate Bill 911 dahil sa hiling ng marami nating kababayan na panahon na umano para magkaroon ng maayos na information and communications technology infrastructure sa ating bansa.


Dahil dito ay dumalo tayo sa isinagawang webinar sa Senado hinggil sa “Open Access in Data Transmission Act” na inorganisa ng Senate Economic Planning Office at nilahukan ng independent ICT policy researcher at kapwa ko public servants.


Bilang isa sa may akda ng Open Access in Data Transmission Act ay tinutukan nating mabuti ang pakikinig sa ginanap na talakayan at naramdaman natin ang pagnanasa ng marami nating kababayan na maisaayos na ang lahat hinggil dito.


At sa pinakahuling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulo Rodrigo Duterte ay isa ito sa mga pinakahihintay ng marami nating kababayan na tila nakaligtaang mabanggit, ngunit naniniwala tayong hindi pinababayaan ng pamahalaan ang suliraning ito.


Sa ikalimang SONA kasi ng Pangulo ay nagbanta ito na kanyang kukumpiskahin ang mga airwave at linya ng mga higanteng telecommunications company (telcos) kung hindi magbabago ang palpak nilang serbisyo.


Maging ang ilang Kongresista ay nagpahayag na nang sunud-sunod na panawagan at direktang pinakikiusapan na ang Globe at PLDT-Smart na magkusa na silang ayusin ang kanilang serbisyo dahil kung hindi ay bubuhayin na umano ng Kamara ang imbestigasyon laban sa mga ito.


Layon umano ng ilang Kongresista na direktang marinig sa kinatawan ng mga telcos kung ano ang kanilang kongkretong plano para pagandahin ang napakapangit na serbisyo ng internet sa bansa na sobrang kailangang-kailangan na ng taumbayan.


Nalulungkot tayo dahil umabot pa tayo sa puntong itinuturing ng ‘Berdugo ng Taumbayan’ ang mga telcos na sa halip na magbigay ng karampatang serbisyo ay nananamantala pa umano sa gitna ng dinaranas nating pandemya.


Ngayon ay mas lalo pang titibay ang bansag na ‘Berdugo ng Taumbayan’ ang mga telcos dahil may kumitil na ng sariling buhay dahil lamang sa napahamak sa bukod sa napakamahal ay napakabagal pang serbisyo ng internet.


Alam ba ninyong sa kabila na ang ating bansa ang isa sa may pinakamabagal na internet connection ay itinuturing pa rin tayong social media capital of the world dahil sa dami ng mga gumagamit nito sa ating mga kababayan.


Sa kasalukuyan ay nakaaalarma na ang tumataas na kaso ng pagpapatiwakal dahil kamakailan lamang ay may tatlong estudyante rin sa high school na may mga edad na 13, 14 at 16 na mula sa Bato, Palo at Baybay City sa lalawigan ng Leyte ayon sa pagkakasunud-sunod ang nag-suicide rin.


Nasundan pa ito ng 19-anyos na high school student na nagpakamatay naman sa pamamagitan nang pagbibigti mula naman sa Lalawigan ng Albay.


Sa panahong ito ay nakikiusap tayo sa ilang mga guro na sana ay mas maging maunawain sa kalagayan ng mga mag-aaral at huwag basta na lamang isa-isantabi na lamang ang kanilang kalagayan dahil lahat tayo apektado ng pandemya sa iba’t-ibang paraan.


Sa pamamagitan lamang nang pag-uunawaan at pagtutulungan sa isa’t isa ay pare-pareho tayong makaaahon lalo pa at nasa panahon na naman tayo nang paghihigpit dahil sa mas nakakahawang Delta variant ng COVID-19.


Hindi man lahat ng dahilan nang kanilang pagpapatiwakal ay may kaugnayan sa mabagal ng serbisyo ng internet ngunit kumpirmadong nadagdagan ang kaso nang pagpapatiwakal ng mga mag-aaral dahil sa napakabagal o minsan ay pawala-wala pang koneksiyon ng internet.


Sana naman ay matinag na ang damdamin ng mga telcos na ito, na pagdating sa advertisements ay ang huhusay pero sa totoong buhay ay walang kabuhay-buhay!


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page