top of page
Search

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Feb. 3, 2025



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Ilang panahon tayong mawawala at pansamantalang hindi ninyo mababasa ang pitak na ito bilang bahagi ng ating pagsunod sa Commission on Elections (Comelec) sa patas at parehas na pangangampanya — kung saan kumakandidato tayo bilang senador.


Hindi lang naman ako, maging ang mga TV hosts, artista at mga kolumnista ay inaatasang tumigil muna sa kani-kanilang ginagawa upang hindi nila magamit ang kanilang impluwensya sa nalalapit na kampanya.


Mami-miss ko kayong lahat ngunit kailangan nating tumalima sa ipinatutupad na mga panuntunan hinggil sa kampanya at eleksyon. Gayunpaman, ang panahong ito ay ilalaan natin para mas personal na makalapit sa inyo, at tiyak na sa inyong tiwala at pagmamahal, muli niyo akong makakasama sa Senado.


Ang pansamantalang pagsasara ng sesyon ng Senado ang hudyat ng aking mas pinaigting na pakikipag-ugnayan sa ating mga kababayan. Higit pa tayong magiging abala sa pag-iikot sa iba’t ibang bahagi ng bansa, na mula noon ay lagi naman nating ginagawa hindi lamang sa panahon ng sakuna.


Hindi naman bago sa atin ang mga tulad nito lalo pa nga at tatlong dekada na tayo sa larangan ng serbisyo-publiko. Gaya ng dati, wala naman tayong sasabihin sa kampanya kundi ang pagsisikap natin para makapag-akda ng higit dalawang libong panukalang batas at resolusyon na pinakikinabangan at pakikinabangan pa ng ating mga kababayan.


Alam naman ng lahat kung paano natin itinaguyod ang mga senior citizens, ang ating mga manggagawa, mga mag-aaral at guro, mga kawani ng pamahalaan, mga bayaning OFWs at mga healthcare workers – patunay na hindi tayo basta nagbutas lang ng upuan sa Senado. Buong giting kong kayang ipagmalaki na seryoso akong nagtrabaho — at napakarami nating nagawa bukod pa sa mga natulungan natin at nabago na buhay.


Hindi lamang sa Anak Ng Teteng ako pansamantalang magpapaalam dahil kahapon ay ang Season 3 finale na rin ng “Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis” na nagtala naman ng mataas na rating. Labis na tinutukan kagabi, Pebrero 2, ang napakaganda at action-packed final episode. Ang inyong lingkod ang gumanap na si Police Major Bartolome Reynaldo o Tolome at si Beauty Gonzalez naman bilang Gloria. At marami nga ang nagpigil-hininga dahil sa mga eksenang naganap sa kasalang Tolome (Sen. Bong) at Gloria (Beauty) nang dumating ang panganib bago pa man nasabi ni Gloria ang “I do.” 


Hindi lang ang mga kasama ko sa “Walang Matigas” ang aking mami-miss kundi maging ang istorya ng buhay mag-asawa nina Tolome at Gloria na lalo pang pinaganda ng ginawang pagligtas ni Tolome kay Gloria na naging masaya rin ang wakas.


Ang tagumpay ng palabas ay resulta ng pinagsama-samang husay ng buong cast tulad nina Carmi Martin bilang Lucing, Jestoni Alarcon bilang Chief Gener Alberto, Liezel Lopez bilang Jacqueline “Jacq” Dela Torre, Niño Muhlach bilang Lieutenant Sylvester Salonga, Dennis Padilla bilang Police Major Vincent Policarpio, Maey Bautista bilang Candida, Raphael Landicho bilang Kiko, at Jeffrey Tam bilang Onofre “Bunso” Batumbakal.


Nagdagdag kulay din ang iba pang mga nakasama natin sa “Walang Matigas” na sina Jillian Ward na gumanap bilang Dra. Barbara Hidalgo, Gloria Diaz bilang si Nadia, Leo Martinez bilang Adonis, Sid Lucero bilang Jeffrey "Jepoy" Guzman, Jon Lucas bilang Homer, Jay Manalo bilang Pancho Blanco, Ryan Eigenmann bilang Rico, Faith Da Silva bilang Janice, Roxie Smith bilang Aira Dela Cruz, Long Mejia bilang Darak, Boss Toyo, Neil Ryan Sese, King Gutierrez bilang Arturo, at Joko Diaz bilang si Diego.


Sa lahat ng sumubaybay, nagmahal at tumangkilik hanggang sa season finale ng “Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis” na idinirek ni Direk Enzo Williams, ang aking taos-pusong pasasalamat, lalo na sa GMA Network na laging may mga magagandang proyekto para sa atin.


Sa nagdaang tatlong season ng “Walang Matigas”, dama pa rin natin ang pagmamahal sa atin ng mga kababayan, at batid nating marami sa ating mga tagasuporta na nais pa rin tayong nakikita bilang artista. Kung kaya kapag may pagkakataon ay hindi naman tayo tumitigil sa pag-aartista. Dahil kundi sa pag-aartista na minana pa natin sa ating ama ay wala tayo ngayon sa ating kinalalagyan.


Pero sa ating mga tagasubaybay, huwag kayong malungkot dahil ipinapangako ko na muli akong magbabalik pagkatapos ng eleksyon.


Sa atin namang mga tagahanga na nais pa rin tayong nakikitang nakikipagbakbakan sa pelikula, sisikapin nating mabigyan ng oras ang inyong pinakahihintay.


At higit sa lahat sa ating mga tagasuporta sa “Aksyon sa Tunay Na Buhay” ay makakadaupang palad naman ninyo ako sa darating na kampanya at makaaasa kayong tuloy pa rin ako -- lalo na sa aking pagiging lingkod-bayan.  


Tuloy tayo sa kandidatura bilang senador at nasa mga kamay ninyong lahat ang aking kapalaran — at naniniwala akong palagi naman ninyo akong sinusuportahan kaya ngayon pa lamang ay nagpapasalamat na ako sa inyong lahat.


Kita-kita uli tayo sa pagbabalik ko sa BULGAR sa column na Anak Ng Teteng, sa pagbabalik ko sa pelikula at telebisyon, higit sa lahat sa pagbabalik ko sa Senado. Mami-miss ko kayong lahat, mahal ko kayo! Huwag n’yo akong kalimutan, hanggang sa muli!

 

Anak Ng Teteng!


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Jan. 29, 2025



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Nakakadismaya ang natanggap nating mga reklamo mula sa mga lolo at lola na tila ba itinataboy kapag nagpapalista sila para sa mga benepisyo sa ating batas na Expanded Centenarians Law.


Ayon sa mga natanggap nating reklamo, may mga lolo at lola na gumagastos sa pamasahe at nagbibiyahe nang malayo para sadyain ang pagpaparehistro sana. Imbes na ikatuwa ang pagpunta, napapalitan pa ng lungkot dahil sinasabihan daw ang iba sa kanila na walang budget para rito. ‘Yung iba naman daw, ni hindi man lang kinuha ang kanilang mga detalye at basta pinapabalik na lang kung malapit na ang birthday.


Huwag naman ganu’n. Ang laki ng utang na loob natin sa mga lolo at lola na may malaking ambag sa ating lipunan lalo na nu’ng kabataan nila. Marami sa mga tinatamasa natin ngayon ay bunga ng dugo’t pawis nila. Kaya sa mga lolo at lola na pupunta sa mga opisina ng National Commission of Senior Citizens (NCSC), huwag naman silang itaboy. Ang minimum na puwede n’yong gawin ay hingin ang kanilang mga personal na detalye, turuan at tulungan na maka-comply sa mga requirement kung may kulang pa sila.


Patuloy nating pinapaalalahanan ang NCSC na huwag ipagpapaliban ang pagpapatupad ng Republic Act No. 11982 o ang Expanded Centenarians Act.


Hindi naman tayo tumitigil sa pakikipag-ugnayan sa NCSC. Sa katotohanan, noong budget season nga sa Senado, personal natin silang hinarap upang hingin ang kanilang commitment na agarang ma-implement ang batas na ito. Makailang beses din tayong nakipag-usap sa Department of Budget and Management (DBM) para garantisado ang pondo. 


Kaya nga malakas ang loob natin na sabihin na sa parte natin, ginawa natin ang lahat ng ating makakakaya -- una para maisabatas ‘yan sa kabila ng mga agam-agam ng ilan noong simula at pangalawa, para mapondohan ‘yan sa 2025 GAA. ‘Ika ko nga, batas na y’an, may budget na sila, walang kahit anong excuse ang magiging acceptable pa kung hindi mapapakinabangan ‘yan ngayong taon.


Bilang ahensyang nangunguna pagdating sa pagtataguyod ng mga programang para sa kapakanan ng senior citizens sa ating bansa, inaasahan ng lahat ang agarang pagkilos ng NCSC upang maisakatuparan ang kanilang mandato na walang iba kundi isulong ang benepisyo ng ating mga senior citizen. Matagal nang naghihintay ang mga lolo at lola sa dagdag ayudang ito – na halos isang taon na nga mula nang napirmahan at naging ganap nang batas. 


Ang Expanded Centenarians Act ay magbibigay ng P10,000 cash gifts sa bawat senior citizen na aabot sa 80, 85, 90 at 95-anyos, samantalang ang mga centenarian o ang mga aabot ng 100 taong gulang ay patuloy na makakatanggap ng P100,000. 


Wala nang dahilan ang NCSC para hindi ito maipatupad. Daan-libong mga lolo at lola ang makikinabang sa ilalim ng batas. Sa madaling sabi, daan-libo rin ang aaray kung hindi nila matatanggap ang nakatakdang cash gifts para sa kanila. 


Makulit na kung makulit, pero hindi talaga natin tatantanan ang NCSC hanggang hindi nila fully implemented ang batas na ‘yan. In fact, paulit-ulit natin silang kinakausap -- maging personal at sa telepono, para makahingi ng up-to-date report sa mga plano nila. Sabi ko nga sa kanila, kailangang plantsado na ‘yan bago matapos ang January 2025. 


Ang iniiwasan natin eh, ‘yung wala na si lolo at lola saka pa lang gagawin ang pamimigay ng cash gifts. Sa mga ganitong pagkakataon kasi, time is of the essence at bawat segundo ng delay, ay hadlang sa pag-e-enjoy sana nila ng munting regalo na ito.


Pasensya na rin sa NCSC kung pinupukpok ko kayo hinggil dito dahil lubhang malapit sa akin ang mga lolo at lola natin kaya nga sinikap nating tutukan at isulong itong Expanded Centenarians Law. Kung paanong hindi natatapos ang mga ginagawa ng inyong lingkod sa pagsasabatas nito at sa pagsisigurado na mapondohan ito, ganu’n din ang inaasahan natin sa NCSC na hindi natatapos sa plano at listahan ang obligasyon nila. 


Marami pa tayong pangarap para sa mga senior citizen na sana ay maisakatuparan sa lalong madaling panahon hangga’t nandiyan pa sila.

May kasabihan nga na aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo. Kaya sa NCSC, sana ay kumilos na tayo.


Anak Ng Teteng!


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Jan. 27, 2025



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Hindi bago ang isyu ng pornograpiya sa ating lipunan. Sa katotohanan, simula nang sumibol ang internet, naging kasing dali na nga ng pagpindot sa keyboard at mouse ang paglaganap ng tila kanser na maituturing sa ating lipunan na ito.


Higit isang dekada na ang lumipas simula nang maglabas ang National Telecommunications Commission (NTC) ng Guidelines para sa mga Internet Service Providers (ISPs) sa pagpapatupad ng Republic Act (RA) 9775 na kilala rin bilang Anti-Child Pornography Act of 2009 – ang batas na naglalayong bigyang proteksyon ang mga kabataan laban sa mga pang-aabuso sa kanila, lalo sa panahon ngayon na sa isang click lamang ay puri at dangal na nila ang nakasalalay. 


Batay sa guidelines, minandato na ang lahat ng ISPs ay lagyan ng available technology program o software na maaaring humarang o sumala sa lahat ng websites na nagtataglay ng child pornography materials. Ang ISPs ay dapat na makabitan ng nabanggit na features sa loob ng 120 araw mula sa pagkakasumite ng listahan ng kahit tatlong magandang klase ng teknolohiya sa Inter-Agency Council Against Child Pornography para sa pagsusuri.


Sa kabila nito, batay sa report ng United Nations Children’s Fund (UNICEF), sa taong 2021 nga lang ay nasa 2 milyong kabataang Pilipino ang naging biktima ng sexual abuse at exploitation. Ayon pa sa organisasyong International Justice Mission, noong 2022, tinatayang 1 sa 100 batang Pilipino ang nabiktima ng online sexual exploitation -- o halos kalahating-daang milyong kabataang Pinoy. Noong nakaraang taon naman ay napaulat ang Pilipinas bilang top global source ng child pornography. At nagtala rin ang Globe Telecom Inc. noong 2024 ng 61% na pagtaas ng mga blocked sites, at 51% na pagtaas ng mga child porn URLs sa unang bahagi pa lamang ng taon.


Sinasabing ang biglang pagdami ng mga kaso ng online sexual abuse and exploitation sa mga kabataan ay nagsimula noong panahon ng pandemya. Pandemic within a pandemic nga itong ituring lalo noong kasagsagan ng kaso ng COVID-19. Ayon din sa UNICEF, billion-dollar industry talaga ang child pornography at ang mga batang Pinoy talaga ang paboritong inilalako at pinagsasamantalahan online, na may mga insidente pa na mismong mga magulang ang nagtutulak na gumawa ng kalaswaan sa harap ng camera.


Parang apoy na naglalagablab, patuloy ang paglaganap ng kanser ng lipunang ito na tumutupok sa buhay at kinabukasan ng ating mga kabataan. Ultimo nga daw sanggol na ilang buwang gulang pa lamang ay pinagkakakitaan na ng mga masasamang loob.

Malaking bagay na maituturing sa labang ito kontra pornograpiya ang filter na nabanggit para kahit paano ay maibsan ang napakabilis na pagpasok sa mga websites na ito.


Meron din naman tayong cybercrime operatives sa Philippine National Police (PNP), maging sa sa National Bureau of Investigation (NBI), na maaaring aktibong makipagtulungan sa NTC na labanan ang pornograpiya.


Aminado naman ang NBI na sadyang napakalawak na ng sexual exploitation sa bansa at tinawag na nga nila itong cottage industry at napakarami ng ‘cybersex dens’ ang mga sinalakay sa magkakahiwalay na lugar.


Ang PNP Anti-Cybercrime Unit ay may pahayag din na ang Pilipinas ay isa na umanong billion dollar global child cybersex industry dahil sa sobrang kahirapan lalo pa noong panahon ng pandemya.


Halos ganito rin ang nilalaman ng ulat ng States of the World’s Children na pinamagatang “Children in a Digital World,” na tumatalakay sa oportunidad at delikadong sitwasyon ng mga bata online.


Isa sa tatlong internet users umano sa buong mundo ay bata. May mga pagkakataon pa ngang hindi nasusubaybayan ng mga magulang ang mga ito na lubhang napakadelikado dahil sa isang click, maaari nilang ma-access ang pornograpiya -- o maging sila mismo ay mabiktima ng mga mapagsamantala.


Habang lumalago nga ang teknolohiya, tila nagiging mas mabagsik din ang mga kawatan sa pag-iwas sa pangil ng batas. 


Hindi naman tayo umaasa sa himala. Ngunit sa haba ng taning na ibinigay ng pamahalaan ay hindi natin maiiwasang umasa na agaran nang masupil ang child pornography lalo sa panahong ito na mas mahaba ang inilalaang oras ng mga kabataan sa harap ng cellphone, computer o tablet. Sa isang digital na mundo kung saan bahagi ng buhay, pag-aaral at maging trabaho ang teknolohiya, ang mahigpit na pagpapatupad sa mga batas at alituntuning pumapalibot sa pagkitil sa pornograpiya ang pinakamabisang sandata natin laban sa tila hindi mapigil na paglaganap nito. 


Sa kabila ng lahat ng ginagawa ng ating pamahalaan upang labanan ang problemang ito, hindi ito sapat kung hindi nito katuwang ang mga magulang at pamilya ng mga kabataan. Kung kaya’t hinihikayat natin ang mga nagbabantay sa mga kabataan na tutukan at bantayan ang “screen time” ng kanilang mga anak upang hindi sila magkaroon ng access sa pornograpiya sa isang banda, at wala ring access sa kanila ang mga masasamang loob sa kabilang banda.


Ang pandemya ng pornograpiya ay isang malawakang suliraning kailangang supilin mula puno hanggang ugat. Sa ating sanib-puwersang pakikibaka laban dito, nawa ay wala nang musmos ang mahuhulog sa patibong ng mga halang ang kaluluwa. 


Anak Ng Teteng!


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page