ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | February 02, 2022
Sa halos dalawang taon ng pandemyang dulot ng COVID-19, marami tayong nakitang aspeto ng ating sistema na dapat mabigyang-pansin, tulad sa serbisyong medikal at pasilidad para sa mahihirap at malalayong komunidad.
Kaya bilang Committee Chair on Health sa Senado, malugod nating ibinabalita na inaprubahan na kamakailan ang ilan sa mga panukalang batas na ating isinulong upang mas mapalawak ang pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa mga Pilipino.
Nitong Enero 31, ipinasa ng Senado sa pangatlong pagbasa ang 15 panukalang batas na naglalayong ma-upgrade o mapalawak ang bed capacity ng ilang ospital sa mga probinsiya ng Albay, Cebu, Iloilo, Sulu, La Union, Maguindanao, Misamis Oriental at Nueva Ecija. Kasama na ang anim na panukalang batas na layuning magpatayo ng bagong ospital sa Bulacan, Cagayan, Ilocos Sur, Misamis Oriental, Quezon at Samar.
Bilang pagkilala naman sa kanilang sakripisyo sa gitna ng pandemya, inaprubahan din natin ang Senate Bill No. 2421 na magbibigay ng monthly COVID-19 Risk Allowance sa lahat ng private and public healthcare workers na patuloy nagseserbisyo sa kabila ng banta ng virus.
Sa pamamagitan nito, makatatanggap ng P3,000 ang mga HCWs na deployed sa “low risk” areas, P6,000 sa “medium risk” areas; at P9,000 naman sa “high risk” areas. May additional na compensation sa mga HCWs, non-medical workers at outsourced personnel na nahawaan ng sakit na COVID-19 sa gitna ng pagseserbisyo.
Lahat naman ng health workers na naka-duty ay maituturing na exposed sa banta ng COVID-19.
Hindi nakikita ang kalaban na ito kung kaya’t mahirap paghiwalayin pa kung sino ang exposed at sino ang hindi. Kaya dapat natin silang bigyan ng sapat na suporta dahil bawat araw ay nasa panganib ang kanilang buhay. Hangga’t kaya ng gobyerno, ibigay dapat ang mga benepisyong nararapat para sa mga HCWs. Kaya mahalagang mapaghandaan at mapag-aralan ito nang mabuti upang maimplementa nang maayos kapag naisabatas na.
Upang maisakatuparan naman ang mas maginhawa at komportableng buhay para sa ating mga kababayan sa Marawi, inaprubahan din ang Marawi Siege Victims Compensation Bill na magbibigay ng reparation sa mga internally displaced persons na nawalan ng tahanan dahil sa giyera sa Marawi.
Matagal nang ninanais ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging mapayapa ang bansa dahil ito ang magbibigay-daan upang umasenso ang ating bayan. Naniniwala tayo na kung magkakaisa ang sambayanan tungo sa iisang direksiyon, wala tayong hindi kakayanin.
Bilang isang Pilipino at representante ninyo sa Senado, umaasa tayong ilan lamang ito sa mga panukalang magpapalakas ng ating mga inisyatibo upang mabigyan ng mas komportableng buhay ang mga Pilipino, tulad ng ipinangako ni Pangulong Duterte. Patuloy tayong magtulungan at magkaisa para sa ikabubuti ng ating bansa.
Bagama’t patapos na ang termino ni Pangulong Duterte, hindi tayo titigil sa pagtatrabaho at pagseserbisyo sa kapwa natin Pilipino. Palapit na naman ang eleksiyon, pero anuman ang ating kulay pulitika, iisa pa rin ang ating layunin bilang Pilipino:
Magkaisa tayo upang maging mapayapa, malinis at maayos ang halalan at mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang ating mga anak.
Patuloy tayo sa serbisyo. Wala tayong hinihiling pang iba dahil ibinigay na ng Diyos ang pagkakataong manilbihan sa bayan. Ibabalik natin ang serbisyo na dapat makuha mula sa gobyernong may malasakit.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.