ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | March 25, 2022
Kahit ilang buwan na lang sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi pa rin siya tumitigil sa pagtatrabaho. Nitong Marso 22, 2022 ay sinamahan ko siya sa inagurasyon ng isinagawang rehabilitasyon ng Metro Rail Transit Line 3 sa Shaw Boulevard Station sa Mandaluyong City.
Nilagdaan na rin ng Pangulo noong simula ng linggong ito ang Republic Act No. 11659, ang batas na nag-aamyenda sa Public Service Act, para mas mabuksan ang bansa sa mga nais mamuhunan o magnegosyo rito at makapagbigay ng trabaho at oportunidad sa mas maraming mga Pilipino.
Bilang inyong senador at Chair ng Senate Committee on Health, patuloy ko namang tinututukan ang pagpapalakas ng ating mga serbisyong pangkalusugan.
Nitong Marso 22, tinalakay namin sa Senado ang 27 local hospital bills na naglalayong madagdagan ang kapasidad o palawakin ang kakayahan ng ilang existing public hospitals, o magtayo ng mga bagong ospital sa iba’t ibang parte ng bansa.
Sa deliberasyon ay binigyang-diin ko na mahalagang mag-invest tayo sa mas maayos na public healthcare system para mabilis tayong makatutugon sa kasalukuyang pandemya at mga krisis pangkalusugan sa hinaharap. Natuto na tayo sa hirap na pinagdaanan natin dahil sa COVID-19 kung kaya’t dapat maging mas handa na tayo!
Bagama’t patuloy na bumababa ang mga bagong kaso ng COVID-19, kailangan nating maging handa dahil hindi natin alam kung ilang pandemya pa o bagong variants ng COVID-19 ang darating.
Huwag po nating hintayin na tuluyang bumigay ang healthcare system natin at malagay sa panganib ang buhay ng ating mga kababayan.
Kung matatandaan, nitong Marso 21, 2022 ay personal kong binisita ang Malasakit Center na nasa East Avenue Medical Center sa Quezon City. Nag-turnover ang Office of the President ng P135 milyon para sa upgrading ng kanilang mga kagamitan sa ospital habang kami naman ay nagbigay ng dagdag tulong sa frontliners at pasyente roon.
Nakatanggap din ng nasabing tulong ang National Children’s Hospital, National Kidney and Transplant Institute, Philippine Orthopedic Center, at National Center for Mental Health.
Nitong Marso 23 naman ay nagsagawa ako ng monitoring visit sa Malasakit Center sa Quirino Memorial Medical Center at nag-abot ng tulong sa mga indigent patients at mga frontliners.
Sinaksihan ko rin ang turnover ng P100 milyong pondo sa QMMC bilang tulong pinansyal mula sa opisina ni Pangulong Duterte.
Bukod sa QMMC, naroon din ang mga kinatawan ng Jose R. Reyes Memorial Medical Center, Veterans Memorial Medical Center, Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium, Philippine Heart Center, Philippine Children’s Medical Center, Amang Rodriguez Memorial Medical Center at Dr. Jose Fabella Memorial Hospital. Tumanggap din ang mga ito ng tig-P100 milyong tulong pinansyal mula sa OP para sa kanilang health sector development projects. Nakatanggap naman ang VMMC ng karagdagang P100 milyon na pambili ng kanilang medical equipment.
Marami ang nagtatanong sa akin kung ano ang mangyayari sa Malasakit Center sa ilalim ng susunod na administrasyon. Ito po ay batas na, at magkakaroon ng Malasakit Center sa lahat ng DOH-run hospitals, at maging sa local hospitals basta susunod lang sila sa criteria.
Kung sa tingin ng papasok na administrasyon ay nakakatulong ito sa mga mahihirap, sana ay ipagpatuloy nila, dagdagan at i-improve pa kung kinakailangan. Para naman ito sa mga mahihirap at wala itong pinipiling pasyente.
Sa ngayon, mahigit tatlong milyong pasyente na ang natulungan ng mga Malasakit Centers at tuluy-tuloy ang serbisyo nito lalo na sa mga mahihirap at walang matatakbuhan.
Bukod sa aking trabaho sa Senado, patuloy pa rin ang aking tanggapan sa paghahatid ng tulong sa ating mga kababayang ang kabuhayan ay apektado ng pandemya.
Nitong nakaraang linggo, nag-abot tayo ng tulong sa 75 benepisyaryo sa Tukuran, Zamboanga del Sur; at 5,000 pa mula sa Hindang, Santa Fe, Tacloban City, Inopacan at Baybay City sa Leyte.
Sa Meycauyan City, Bulacan ay nakapamahagi tayo ng tulong sa kabuuang 2,448 na benepisyaryo; 140 sa Tandang Sora, Quezon City; at 1,000 sa Giporlos, Eastern Samar.
Sa Cebu, binisita natin ang mga bayan ng Catmon, Borbon, Lapu-lapu City at Carcar para ayudahan ang 3,942 na benepisyaryo. Nabigyan din ng tulong ang 1,013 pa mula sa Lucban, Quezon.
Nakatanggap din ng tulong ang 1,667 benepisyaryo sa Palayan City, Nueva Ecija; 1,000 sa Pasig City; 800 sa Caloocan City; 999 sa Quezon City. Nag-abot din tayo ng tulong sa ating mga kababayang nasunugan –10 pamilya sa Manila City at 19 pamilya sa Quezon City.
Hindi po tayo titigil sa pagseserbisyo sa inyo hanggang sa aming makakaya. Asahan po ninyo na kapakanan at interes ng mga mamamayang Pilipino ang aking laging pangunahing prayoridad. Magtulungan at magbayanihan po tayo para sa ikabubuti ng ating bansa!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.