ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | April 8, 2022
Nakakabilib talaga si Pangulong Rodrigo Duterte. Hindi nagbabago ang serbisyo at malasakit niya sa kanyang mga kapwa Pilipino kahit iilang buwan na lang ang natitira sa kanyang termino. Patuloy pa rin siya sa masigasig na pagtupad sa kanyang tungkulin at pangakong pagbibigay ng komportableng buhay sa ating mga kababayan.
At gaya ng dati, gusto niyang nakakasalamuha ang mga tao at naririnig ang kanilang mga hinaing upang agad niyang masolusyunan.
Ngayong linggong ito ay sinamahan ko ang Pangulo sa Mataas Na Kahoy, Batangas at nag-inspection kami sa itinayong Multipurpose Evacuation Center na pansamantalang tinutuluyan ng mga residenteng naapektuhan ng pagsabog ng Taal Volcano. Binisita rin namin ang mga evacuees sa Agoncillo Central School, at pinagkalooban ang mga ito ng tulong.
Magkasama rin naming sinaksihan ang pagbubukas ng Binondo-Intramuros Bridge na isa sa mga ‘Build Build Build’ projects ng Duterte administration. Nasa 30,000 motorista kada araw ang puwedeng dumaan dito, at magpapagaan ng daloy ng trapiko sa Metro Manila.
Kasama rin sa mga naging aktibidad namin ng Pangulo ang pagpapasinaya para sa groundbreaking ng OFW Center sa Las Piñas City. Ang nasabing center ay katibayan na ang mga overseas Filipino workers ay isa sa mga sektor na laging prayoridad ng kanyang administrasyon.
Sa parte ko, patuloy ang aking tanggapan sa pagkakaloob ng tulong sa ating mga kababayan na patuloy na pinapasan ang bigat na hatid ng pandemya, pagtaas ng presyo ng mga bilihin na epekto ng Ukraine-Russia war, at iba pang krisis o sakuna. Ngayong linggong ito ay ilang komunidad ang ating pinuntahan at nagbigay ng suporta sa mga residenteng nangangailangan.
Nagsagawa tayo ng serye ng pamamahagi ng tulong noong Marso 31 sa mga bayan ng San Antonio, San Narciso, San Felipe, Cabangan, Botolan, Iba, Palauig, Masinloc, Candelaria at Sta. Cruz sa Zambales kung saan 977 benepisyaryo ang natulungan. Umagapay din tayo sa 55 pamilyang nasunugan sa Caloocan City.
Noong Abril 1 ay biyaheng Island Garden City of Samal, Davao Del Norte naman tayo at inayudahan ang 1,500 benepisyaryo mula sa mga barangay ng Tagpopongan, Libuak at Cogon. Kasabay na natulungan ang 1,000 benepisyaryo mula sa Antipolo City; 660 sa Iba, Zambales; at 1,000 sa Rodriguez, Rizal.
Hindi rin natin pinabayaan ang 74 benepisyaryo mula sa Bagumbayan, Taguig City na biktima ng sunog; 800 sa Pasig City; 989 sa Caloocan City; 852 sa Santa Rosa, Nueva Ecija; at 1,000 sa Toboso, Negros Occidental na inikutan ng aking opisina noong Abril 5.
Agad tayong sumaklolo at nagbigay ng tulong sa mga naging biktima ng sunog gaya ng 110 pamilya sa Muntinlupa City; 646 katao sa Bgy. Sambag ll at 247 pa sa Bgy. San Antonio, Cebu City noong Abril 6. Nagbalik din tayo sa Island Garden City of Samal, Davao Del Norte para hatiran ng ayuda ang 1,500 benepisyaryo mula sa Bgy. Tambo, Bgy. Miranda at Bgy. Villarica.
Nakatanggap din ng ayuda ang 500 benepisyaryo sa Navotas City; 1,000 sa Cadiz City at 1,000 din sa Manapla, Negros, Occidental; gayundin ang 2,322 mula sa Clarin at 616 sa Tubigon na mga bayan sa Bohol.
Kahapon naman, Abril 7, ay naimbitahan ako sa Cardinal Santos Medical Center upang saksihan ang pagbubukas ng kanilang Center for Thoracic and Critical Care Medicine kung saan nakapag-abot din ako ng tulong sa iilang mga manggagawa. Bukod pa r’yan, nagpadala rin ako ng tulong sa 1,000 nating kababayan sa Quezon City; 1,672 sa Caloocan City; 500 sa Rodriguez, Rizal; 3,000 sa Talisay City, Silay City at EB Magalona sa Negros Occidental; 1,946 sa iba’t ibang bayan ng Bohol; at 1,500 pa sa Island Garden City of Samal sa Davao del Norte.
Bilang inyong senador at Chair ng Senate Committee on Health, patuloy naman ang aking pakiusap sa lahat na kuwalipikado na sa COVID-19 vaccine na magpabakuna na. Napatunayan po na ligtas ang mga bakuna, at ito ang tanging susi at solusyon para makabalik tayo sa ating normal na pamumuhay. Patuloy din tayong magbayanihan, maging disiplinado at sumunod sa health protocols para makabangon muli.
Ako naman po ay iisa lang ang panata tuwing sasapit ang panahon ng Kuwaresma — ang patuloy na magsakripisyo at magserbisyo sa mga kapwa ko Pilipino. Naniniwala po ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos. Minsan lang tayo dadaan sa mundong ito, kaya kung ano pong kabutihan, tulong at malasakit ang puwede nating gawin sa ating kapwa ay gawin na natin ngayon dahil hindi na tayo muling dadaan sa mundong ito.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.