ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | April 27, 2022
Kaunting panahon na lang at sasapit na ang pambansa at lokal na halalan sa ating bansa sa Mayo 9, 2022. Muli tayong maghahalal ng mga bagong opisyal ng pamahalaan na siyang mamumuno sa ating bansa at sa mga Pilipino sa loob ng anim na taon para sa mga pambansang posisyon, at tatlong taon naman para sa lokal na posisyon. Tandaan po natin na ang ating boto ay sagrado, at sariling desisyon natin kung sino ang gusto nating iboto na sa palagay natin ay karapat-dapat sa posisyong kanilang tinatakbuhan.
Sa kanyang lingguhang programang “Talk to the People” noong Abril 19 ay binigyang-diin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangangailangan para sa isang malinis at mapayapang halalan.
Ipinangako rin ng Pangulo na hindi niya hahayaang maging magulo ang darating na eleksyon nang dahil sa terorismo at iba pang ilegal na aktibidad. Nanindigan din siya na mananatiling neutral upang magampanan ang kanyang tungkulin sa nalalabing oras ng kanyang termino nang walang halong kulay o pulitika.
Katulad ni Pangulong Duterte, ito rin po ang aking pananaw at panawagan sa lahat. Dapat maging patas at tahimik ang halalan upang matiyak na ang magiging resulta ng eleksyon ay tunay na kumakatawan sa kagustuhan ng sambayanang Pilipino.
Bilang inyong senador, may sinumpaan akong tungkulin na dapat laging manaig ang layunin ng ating mga batas. Kaya kaisa ako ng Pangulo sa pagtiyak na maayos ang pagdaraos ng halalan. Hindi dapat magkaroon ng mga pananakot at karahasan. Ang isang tapat at malinis na halalan na ginanap nang ligtas at may kalayaan ay resulta ng tunay na demokrasya na sumasalamin sa damdamin ng sambayanan.
Huwag kayong magpapasindak! Huwag kayong magpapadala sa mga pananakot at panunuhol para lang iboto ang mga lider na hindi naman n’yo gusto at hindi kumakatawan sa interes ng higit na nakararami. Patuloy tayong maging mapagmatyag sa mga susunod na linggo at hanggang sa mismong araw ng halalan.
Habang nakasubaybay tayo sa mga kaganapan sa darating na eleksyon, hindi natin pinababayaan ang ating mga kababayan na nangangailangan ng tulong. Hanggang ngayon ay ramdam pa nila ang epekto ng pandemya at iba pang krisis, kaya kahit anuman ang mangyari sa mundo ng pulitika, prayoridad ko pa rin ang patuloy na serbisyo sa mga kapwa ko Pilipino.
Noong Abril 25 ay personal akong bumisita at nagkaloob ng ayuda sa mga kababayan natin sa Island Garden City of Samal (IGACOS), Davao del Norte na kinabibilangan ng solo parents, mga mangingisda, senior citizens at iba pang sektor. Natulungan natin ang 889 na mga benepisyaryo mula sa Bgy. Del Monte; 800 mula sa Bgy. San Jose; at 805 pa mula sa Bgy. Cawag.
Kasabay nito, nagsagawa naman ang aking team ng relief activities sa iba’t ibang komunidad sa ating bansa. Sa Cebu, nahatiran ng tulong ang 478 benepisyaryo mula sa iba’t ibang sektor sa Carcar City; at 1,666 sa Pilar, Camotes Island.
Sa Bohol, nabigyan din ng ayuda ang 1,666 benepisyaryo mula sa Mabini; at 1,598 sa Garcia Hernandez na naapektuhan ng bagyo.
Kabilang din sa mga natulungan ang 655 na mga mahihirap na residente sa Balanga, Bataan; 1,000 sa Tanay, Rizal; at 333 mula naman sa Nasugbu at Calaca sa Batangas. Mayroon ding dalawang pamilya mula sa Caloocan City na naapektuhan ng sunog ang nabigyan ng agarang ayuda.
Noong Abril 26 ay naghatid din ang aking tanggapan ng tulong para sa 332 na mga residente sa Navotas City; 2,056 na naapektuhan ng Bagyong Agaton sa mga barangay ng Bagacay at Old Taligue sa Abuyog, Leyte; 1,660 sa Bacungan (Leon Postigo), Zamboanga del Norte; 1,000 sa Antipolo, Rizal; 1,166 sa Lucena City, Quezon; at 333 sa District 4 sa Maynila.
Sa mga susunod na araw, patuloy ninyong mararamdaman ang aking serbisyo hangga’t may mga Pilipinong dapat tulungan, lalo na ang mga higit na nangangailangan. Tutulong ako sa abot ng aking makakaya at pupuntahan ko kayo kahit saang sulok ng bansa basta kaya ng aking oras at katawan upang pakinggan ang inyong hinaing, magbigay ng solusyon sa araw-araw ninyong suliranin at mag-iwan ng ngiti sa oras ng inyong pagdadalamhati.
At muli, ipinaaalala ko sa inyo na lagi nating isapuso at isaisip na ang ating boto ay sagrado. Naniniwala ako na kung tayo ay magkakaisa at magbabayanihan, mas mapapangalagaan natin ang integridad ng darating na halalan. Ang balota ang siyang magiging instrumento sa ating pagsulong at pag-unlad bilang isang bansa, at uukit ng mas magandang bukas para sa lahat ng Pilipino lalo na sa kinabukasan ng ating mga anak!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.