ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | May 18, 2022
Humupa na ang init ng pulitika matapos na maidaos ang halalan noong Mayo 9, 2022. Balik na halos sa normal ang agos ng buhay sa ating bansa. Handa na rin ang Administrasyong Duterte sa pagsasalin ng tungkulin sa susunod na administrasyon.
Lahat tayo ay umaasa na pagkatapos ng isinagawang demokratikong proseso kung saan narinig ang tinig ng higit na nakararami, sama-sama na muli tayong mga Pilipino sa pagkilos at pakikipagbayanihan upang matulungan ang ating bansa na makabangon mula sa epekto ng pandemya at iba pang krisis, at humakbang tungo sa muling pagsulong at paglago ng ating kabuhayan at ekonomiya.
Maraming mga eksperto ang nagsasabing isa sa pangunahing hamon na kakaharapin ng susunod na administrasyon ay ang tuluyang pagsugpo sa pandemya dahil nananatili pa rin itong banta sa Pilipinas—at maging sa buong mundo. Kung tutuusin, malaki ang nagawa ng Administrasyong Duterte para makontina ang COVID-19, at nasa susunod na administrasyon na ngayon ang desisyon at aksyon kung paano mapapanatili ang magandang pandemic response na ating nagawa sa loob ng dalawang taon.
Bilang Chair ng Senate Committee on Health and Demography, natutuwa ako sa patuloy na pagganda ng ating COVID-19 situation. Nasa minimal risk case classification na ang karamihan sa mga rehiyon sa ating bansa. Sixty percent na rin ng mga siyudad at bayan ay isinailalim na sa Alert Level 1.
Kung maganda man ang mga ipinatupad at kasalukuyang umiiral pa rin na mga programa ng pamahalaan kung paano lalabanan ang pandemya, ang lahat pong ito ay naging posible dahil na rin sa inyong patuloy na kooperasyon at pagsunod sa minumum public health standards o protocols. Napakalaki rin ng ating pasasalamat sa ating healthcare workers at iba pang mga frontliners natin na sa kabila ng panganib sa kanilang buhay at pansariling kaligtasan ay hindi tayo iniwan sa laban na ito.
Kaya mahalagang hindi tayo bumitaw sa kung ano ang ating nasimulan lalo na sa pagpasok ng bagong administrasyon. Huwag po nating sayangin ang ating pinaghirapan na nagbunga ng magandang resulta, at ang naging pagsisikap at sakripisyo ng ating mga kawani sa gobyerno, healthcare workers, frontliners—at higit sa lahat—ang kooperasyon at disiplina ng bawat Pilipino. Ipagpatuloy natin ito hanggang sa tuluyan na tayong makabalik sa normal na pamumuhay.
Ngunit ang normal na pamumuhay sa ngayon ay may kaakibat na malaking pagbabago. Kailangan nating kumilos at gawin ang mga regular nating aktibidad sa pang-araw-araw na buhay na laging naririyan ang banta ng virus. Tulad ng lagi kong sinasabi, marami na tayong natutunan at hindi tayo dapat magpakakampante dahil hindi pa po tapos ang laban.
Nitong nakaraang mga araw, nai-report na mayroon nang 17 na kaso ng Omicron subvariant BA.2.12.1 na naitala ang Department of Health dito sa ating bansa. Kaya naman patuloy ang panawagan ko na mag-ingat pa rin tayo. Sumunod pa rin po tayo sa mga health protocols at hikayatin natin ang ating mga kasamahan sa komunidad na magpabakuna na.
Ang bakuna ang tanging solusyon at susi para tuluyang malampasan na natin ang pandemya. Napatunayan nang ligtas ang bakuna, at marami sa ating mga kababayan ang nagpatotoo na dahil sa bakuna ay hindi sila dinapuan ng virus, o kaya ay mild lang ang naging epekto sa kanila.
Sa ngayon, meron nang 245.2 milyong bakuna ang dumating sa ating bansa. Mahigit 68 milyong Pilipino ang fully vaccinated na, at halos 14 milyon ang mayroon nang booster. Iyon nga lang, meron pa ring mga probinsiya na hindi pa nakakaabot sa seventy percent vaccination coverage.
Kaya naman hinihikayat ko ang mga kababayan natin na hindi pa bakunado na sana ay makiisa kayo sa vaccine rollout ng ating pamahalaan. Alalahanin po natin na laging nariyan ang banta ng virus. Kung wala kayong proteksyon, lagi kayong nasa panganib na mahawa at ang inyong mga mahal sa buhay. Sa panahon pong ito, napakahirap magkasakit. Kaya huwag na kayong magdalawang-isip pa sa bakuna.
Nanawagan din ako sa ating National Task Force Against COVID-19 at IATF na tiyakin na magiging maayos ang transition sa susunod na administrasyon para hindi magkaroon ng pagkaantala sa ating isinasagawang vaccination program. Importante ang buhay at kalusugan ng bawat Pilipino. Huwag nating hayaang tumaas na naman ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa. Makiisa po tayong lahat para mas mapabilis pa ang pagbangon mula sa pandemyang ito.
Tiwala ako na isang matatag na Pilipinas ang daratnan ng susunod na administrasyon na nasa landas na tungo sa pandemic recovery. Ipagkaloob natin sa bagong pamunuan ang ating pakikiisa upang muli ay sama-sama tayong umangat at patuloy na makamit ang ligtas at komportableng buhay na ating inaaasam!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.