ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | May 20, 2022
Patuloy ang ating pakikipaglaban sa pandemya. Ginagawa ng ating kasalukuyang pamahalaan ang lahat ng makakaya para tuluyan na itong makontina. Ako, bilang inyong senador at Chair ng Senate Committee on Health, ay hindi tumitigil sa pag-apela sa ating mga kababayan na laging sumunod sa mga ipinatutupad na health protocols, at patuloy na magkaisa at magbayanihan para matapos na ang problema natin sa COVID-19.
Ibinalita ng Department of Health na may local transmission na ng mas mabilis makahawang Omicron subvariant BA.2.12.1. Ang mga kaso na na-detect ay walang kaugnayan sa mga kaso na nagmula sa labas ng Pilipinas. Patunay lang ito na nag-e-evolve pa rin ang virus at hindi pa talaga nawawala.
Kaya napakahalaga ng pag-iingat at lalo’t higit ang pagpapabakuna. Sana ang mga kababayan natin na hindi pa bakunado ay huwag nang magdalawang-isip. Huwag nating sayangin ang isinasagawang vaccine rollout ng ating pamahalaan dahil ang bakuna ang tanging solusyon at susi para malampasan na natin ang health crisis na ito.
Mahalaga rin na ang papasok na administrasyon ay agad tutukan ang pandemic response. Walang oras na dapat aksayahin. Naging matagumpay ang Administrasyong Duterte sa pagkontina sa COVID-19 dahil sa walang humpay na pagkilos lalo na noong kasagsagan ng pagkalat nito. Maraming sakripisyo, ngunit sa huli ay napatunayan nating kaya nating magkaisa para sa ikabubuti ng ating kapwa. Sa ngayon, ang Pilipinas ay kabilang sa mga bansa sa Southeast Asia na may mababang kaso ng COVID-19 makalipas ang dalawang taon.
Kaya sana ay huwag nating sayangin ang mga pinaghirapan natin. Magkaisa tayo upang walang maiiwan sa ating muling pagbangon. Ang malusog na sambayanang Pilipino ang susi upang patuloy na umangat ang kabuhayan at ekonomiya ng bansa.
Samantala, ngayong linggong ito ay nag-ikot na naman ang inyong Kuya Bong Go sa mga komunidad sa iba’t ibang bahagi ng bansa para alalayan ang ating mga kababayang ang kabuhayan ay apektado ng pandemya at iba pang krisis.
Gaya ng dati, inuuna nating ayudahan ang mga naging biktima ng sunog dahil napakahirap ng kanilang kalagayan na wala na ngang matutuluyan, problema pa ang pagkain, damit at iba pang pangangailangan.
Personal kong dinalaw at inabutan ng tulong ang mga biktima ng insidente ng magkakahiwalay na sunog gaya ng 106 na pamilya sa Village A at B, Bgy. UP Campus, Quezon City at 104 sa Bgy. 310, Sta. Cruz, Maynila. Habang ang aking outreach team ay nagpadala rin ng tulong para sa 20 pamilya sa Bgy. Holy Spirit, Quezon City at apat sa Bgy. 417, Sampaloc Maynila.
Ang aking relief team naman ang naghatid ng tulong sa 109 katao na biktima rin ng sunog sa Bgy. Calumpang, General Santos City.
Nabigyan din ng ayuda ang 1,666 na residente ng Toledo City sa Cebu na hanggang ngayon ay dama pa ang naging epekto ng Bagyong Odette.
Hindi natatapos ang aking pag-alalay sa mga mahihirap na taga-Island Garden City of Samal, Davao del Norte na solo parents, mangingisda, senior citizens at iba pang grupong sektoral. Sa isinagawang serye ng relief effort ay natulungan ang 361 na benepisyaryo mula sa Bgy. Aundanao; 214 sa Bgy. Tagbay; 156 sa Bgy. Aumbay; 124 sa Bgy. Guilon; 114 sa Bgy. Licup; at 113 sa Bgy. Tagbitan-ag.
Dumayo tayo sa mga bayan sa Nueva Ecija para maghatid ng tulong sa mahihirap na residente gaya ng 500 na benepisyaryo mula sa Talavera; 418 sa Cuyapo; 360 sa Muñoz City; 300 sa Licab; at 275 sa Talugtug.
Nabiyayaan din ang 333 mahihirap na residente mula sa mga bayan ng Balayan at Lian sa Batangas; at 30 maliliit na negosyante sa Bgy. Pampanga, Davao City.
Ngayong araw naman ay inimbitahan ang inyong lingkod sa groundbreaking ceremony ng four-story hospital building sa Valenzuela Medical Center kung saan tiningnan at binisita ko rin ang operasyon ng Malasakit Center sa nasabing ospital.
Pagkatapos ay naimbitahan din ako sa inagurasyon ng basketball court sa Bgy. Parada, Valenzuela City. Kasama ito sa aking adbokasiya na palakasin ang grassroots sports development para sa ating mga kabataan.
Anumang oras na kailangan ninyo ang tulong ko ay lagi ninyo akong maaasahan gaya ng aking ipinangako.
Iisa lang ang hiling ko sa ating mga bagong halal na opisyal — huwag nating pababayaan ang mga mahihirap lalo na ang mga higit na nangangailangan para lahat ay makabangon na mula sa hirap na idinulot sa atin ng pandemya at iba pang krisis.
Sa bahagi naman natin bilang mamamayang Pilipino, ibigay natin ang ating suporta, pakikiisa at pakikipagbayanihan para maging payapa at mas mabilis ang pagkakamit natin ng kaunlaran.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.