ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | July 13, 2022
Ang Hulyo ay National Disaster Resilience Month (NDRM). Mas binibigyang-diin sa taunang pagpapatupad ng NDRM ang importansya ng pagkakaisa at bayanihan para matugunan ang mga hamon na hatid ng climate change at mga sakuna at iba pang pagsubok sa kaligtasan ng ating mga kababayan.
Ngayong 2022, ang tema ng NDRM ay "Sambayanang Pilipino, Nagkakaisa tungo sa Katatagan at Maunlad na Kinabukasan." Kabahagi nito ang pinagsama-samang pagsisikap ng lahat ng sektor at mga komunidad sa buong bansa para sa ating patuloy, ligtas at balanseng pag-unlad.
Sa parte natin bilang kinatawan sa Senado, isinumite natin para sa pagbubukas ng 19th Congress ang mga prayoridad na panukalang-batas na makatutulong sa ating pamahalaan at lalo’t higit sa mga Pilipino, para maging handa tayo sa anumang krisis, kalamidad o sakuna.
Una na ang Disaster Resilience Bill na naglalayong magtatag ng Department of Disaster Resilience na ahensya na siyang tututok kapag may mga sakuna at iba pang emergency. Kailangan talaga nating palakasin ang ating kahandaan, lalo na sa hanay ng gobyerno kung saan kritikal na mayroong klarong chain of command at streamlined process na saklaw mula disaster preparedness, response, mitigation, hanggang resilience at adaptability.
Bago pa man dumating ang bagyo, pagbaha, lindol at pagputok ng bulkan, nakahanda na ang DDR at nakipag-ugnayan na sa local government units, naihanda na ang mga pangunahing pangangailangan ng mga ililikas at ililipat sila sa ligtas na lugar. Gayundin, kapag nakaalis na ang bagyo halimbawa, ang DDR din ang kikilos para maibalik sa normal ang nasalantang komunidad.
Inihain natin ang Mandatory Evacuation Centers Bill na naglalayong magtayo ng evacuation centers sa bawat munisipyo, lungsod at probinsya sa buong bansa. Bukod sa maayos na pasilidad, tulad ng tulugan at palikuran, ang mga itatayong evacuation center ay kumpleto rin sa pangunahing pangangailangan ng mga evacuees tulad ng maayos na pagkain, tubig na inumin at mga gamot.
Kabilang sa mga inihain natin ang Rental Housing Subsidy Bill na tutulong sa mga nawalan ng tirahan sanhi ng mga kalamidad at sakuna, maging ang mga informal settlers, na magkaroon ng access sa formal housing market sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng pamahalaan ng subsidiya sa upa.
Sa ganito, may maayos silang pansamantalang matitirahan habang itinatayo ang kanilang magiging tahanan. Layunin natin na wala na dapat maging squatter sa sariling bayan.
Ang mga panukalang ito ay bilang suporta kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., na sa kanyang inaugural speech ay nagsabing gagawing isa sa mga prayoridad ng kanyang administrasyon ang isyu sa climate change tungo sa pagpapaigting ng resiliency and adaptability measures ng bansa.
Iisa kami ni Pangulong Marcos, Jr. ng layunin na ang kailangang maging aksyon sa oras ng kalamidad at sakuna ay “spare the victims and help them recover.” Palagi rin itong sinasabi ni dating pangulong Rodrigo Duterte na “dapat walang Pilipinong maiiwan sa ating muling pagbangon.”
Sa dami ng pinagdaanang pagsubok ng ating bansa, huwag nating hintayin na may panibago na namang trahedya na dumating sa ating buhay. Umaksyon na tayo, matuto na tayo at maging laging handa!
Samantala, bilang Chair ng Senate Committee on Health ay muli tayong nagpapaalala na patuloy na mag-ingat dahil naririyan ang banta ng COVID-19. Sa ngayon, batay sa ulat ng OCTA Research noong Hulyo 10, ang COVID-19 positivity rate sa ating bansa ay nasa 9.6 percent. Halos doble na ito sa positivity rate benchmark ng WHO na five percent.
Maging si DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire ay nagsabi na batay sa average new daily infections na 1,535 kaso, talagang tumataas pa rin ang bilang ng mga tinatamaan. Hindi aniya dapat mag-panic ang publiko, pero kailangan talagang mag-ingat tayong lahat. Dapat ding maintindihan ng publiko na hindi pa tapos ang laban kontra COVID-19 at asahan na natin ang pagsulpot ng bagong variants nito.
Ugaliin natin ang pagsunod sa health protocols. Magsuot ng face mask kapag nasa labas, palaging maghugas ng mga kamay at mag-obserba ng social distancing. Higit sa lahat, kung kuwalipikado na kayo sa bakuna at booster, magpabakuna na.
Kaya naging matagumpay ang ating pagkontina sa virus nitong nakaraang taon ay dahil sa bakuna. Huwag nating sayangin ang pagsisikap at sakripisyo. Ang pinakaimportante ay huwag bumagsak ang ating healthcare system, at mapanatili natin sa minimum ang mga malala at kritikal na kaso ng may sakit.
Patuloy tayong tutulong sa bagong administrasyon sa layunin nitong magkaroon ng mas ligtas at maasensong bansa na handa sa mga pagsubok ng kasalukuyang panahon at nagkakaisa tungo sa mas matatag at maunlad na kinabukasan para sa ating mga anak.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.