ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | August 11, 2022
Natutuwa tayo na muling pinagkatiwalaan ng mga kasamahan natin sa Senado na maging Chair ng Senate Committee on Sports para sa 19th Congress. Nagpapasalamat ako sa ating mga kapwa senador sa kanilang suporta at pananalig sa aking kakayahan na muling pamunuan ang nasabing komite.
Isa lang ang ibig sabihin nito — na maipagpapatuloy natin ang mga naging inisyatiba natin sa sports development ng ating bansa, gawing instrumento ang larangan ng palakasan sa pagsugpo sa ilegal na droga at kriminalidad, at para mailayo ang kabataang Pilipino sa kaaway ng masamang bisyo sa pamamagitan ng sports.
Kaya naman, tuwing nagsasagawa ang ating tanggapan ng pamamahagi ng ayuda sa mahihirap nating kababayan na ang kabuhayan ay apektado ng pandemya at iba pang krisis ay palagi rin tayong namimigay ng bolang pang-basketball at volleyball sa kabataang benepisyaryo para maengganyo silang mahasa ang kanilang kakayahan sa larong kanilang kinahihiligan.
Naniniwala tayong maraming kabataang Pilipino sa malalayong komunidad ang may pambihirang kakayahan sa iba’t ibang sports. Ito ang isa sa mga dahilan kaya ipaglalaban natin sa Senado ang pagpasa ng Philippine National Games (PNG) Act of 2022.
Kapag naisabatas, layunin nitong mas mapalawak pa ang ating grassroots sports programs at mabigyan ang ating mga atleta mula sa malalayong lugar ng pantay na oportunidad para makalahok sa international competitions at muling kilalanin ang ating bansa na isang “Sports Powerhouse in Asia.”
Natupad ang isa sa mga pangarap natin para sa ating bansa, ang magkaroon ng National Academy of Sports (NAS) na magsasanay sa ating kabataang may potensyal na maging world class athlete. Naitayo na ang NAS noong Hunyo 14, 2022 sa New Clark City, Capas, Tarlac. Kumpleto ito sa mga makabagong pasilidad, silid-aralan at tirahan ng ating mga scholar at nakabatay sa international standards. Bukod sa paghasa sa ating kabataan sa larangan ng sports, pagkakalooban din sila ng de-kalidad na edukasyon para maging produktibong miyembro ng ating lipunan.
Naisakatuparan ang proyektong ito sa pamamagitan ng Republic Act No. 11470 na naisabatas noong 2020, na tayo ang may-akda at isa sa naging sponsor sa Senado.
Hindi naman tayo tumitigil sa pagsuporta sa ating mga atletang lumalahok sa international competitions. Noong Agosto 1 ay isinumite natin ang Senate Resolution No. 83 na nag-aatas sa Committee on Sports para magsagawa ng pagdinig kung paano matutulungan ang Gilas Pilipinas basketball team.
Bagama’t nabigong makuha ang ika-14 na kampeonato sa ginanap na SEA Games sa Hanoi, Vietnam noong Mayo, itinuturing nating oportunidad ito upang magkaisa at araling mabuti kung paano tayo makatutulong para sa ikatatagumpay ng ating mga manlalaro sa basketball na sinusubaybayan ng maraming mga Pilipino.
Iniintindi natin ang pangangailangang tingnan at rebisahin ang mga kasalukuyang patakaran tungkol sa sports para mas maalalayan at mabigyan ng suporta ang ating national teams. Titiyakin natin na talagang suportado sila sa abot ng ating makakaya, protektado ang kanilang kapakanan at long-term ang programa para sa kanilang patuloy na pagtatagumpay.
Samantala, nitong Agosto 8 ay inisponsoran ko ang Senate Resolution No. 84 bilang pagkilala at pagbati kay Davemark “Dobermann” Apolinario, kapwa Mindanaoan, na matagumpay na nasungkit ang International Boxing Organization (IBO) World Flyweight Title laban kay Gideon Buthelezi ng South Africa noong Hulyo 30.
Ang kamangha-manghang panalo ni Dave ang nagbigay-daan para sa kanyang unang world title at nagpaganda sa kanyang malinis na record na 17 panalo—ang 12 rito ay puro knockouts at walang talo. Isa na siya ngayon sa itinuturing na pinakamahusay na boksingerong Pilipino at pambato natin sa international boxing competitions sa hinaharap.
Bilang Chairman of the Committee on Sports, ang mga ganitong karangalan ay tunay na nakakataba ng puso dahil sa kabila ng mga krisis na ating kinakaharap dulot ng pandemya, ang ating mga Pilipinong atleta ay namamayagpag sa mundo ng palakasan at nagbibigay ng malaking inspirasyon sa ating mga kababayan.
Asahan ninyo na ipagpapatuloy ng inyong Kuya Bong Go ang pagpapalaganap at pagpapaunlad ng mga programang pampalakasan, at laging kaisa ako ng bawat Pilipino at ng buong sambayanan sa pagsuporta at pagpupugay sa ating mga atleta.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.