ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | September 10, 2022
Nitong Miyerkules, Setyembre 7 ay inirekomenda ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na gawing boluntaryo na ang pagsusuot ng face masks kapag nasa labas. Ang rekomendasyon ay isinapubliko ng Department of Health.
Ayon sa DOH ay ili-liberalize ang pagsusuot ng face mask sa labas para sa low-risk individuals at sa low risks settings. Binigyang-diin ng task force na ang implementasyon ay dapat gawin ng unti-unti para matiyak na protektado pa rin ang ating mga kababayan laban sa COVID-19.
Sa parte natin bilang senador at Chair ng Senate Committee on Health, tiwala tayo na ang rekomendasyon ng IATF ay ayon sa masusing pag-aaral ng mga eksperto. Simula sa unang araw na pumutok sa ating bansa ang pandemya, palagi tayong nakasalalay sa siyensya sa paglalabas ng mga polisiya para matugunan ang krisis pangkalusugan na ito.
Gayunman, hinihikayat pa rin natin ang ating mga kababayan na mag-ingat, sumunod sa health protocols at kung maaari ay magsuot pa rin ng face mask—mapa-mandatory o optional man ito.
Mabuti na ‘yung todo-ingat tayo habang naririyan pa ang banta ng kalabang hindi naman natin nakikita. Huwag tayong magkumpiyansa. Habang nand'yan pa ang COVID-19 ay delikado pa rin.
Kahit payagan na tayong hindi magsuot ng face masks, habang nasa labas o sa mga ligtas na lugar, ugaliin nating maging responsable upang maproteksyunan ang sarili at ang ating komunidad laban sa anumang sakit o pangamba.
Patuloy rin ang ating panawagan sa mga kuwalipikado, ngunit hindi pa bakunado na magpaturok, pati ng booster shots, para protektado tayo laban sa COVID-19. Bukod sa pag-iingat, bakuna ang tanging solusyon para makabalik tayo sa normal na pamumuhay. Kapag narating na natin ang herd immunity, tuluyan na mas magiging maluwag ang ating patakaran.
Isaalang-alang natin ang buhay ng ating kapwa na nakataya rito, lalo na ang matatanda na o delikado ang kalagayan. Walang part two ang buhay ng tao — kapag mamatay na, patay na talaga. Kaya importante na maproteksyunan ang kalusugan at buhay ng bawat Pilipino.
Sa ating pag-iikot sa iba’t ibang sulok ng bansa, ipinapaalala natin sa lahat na kailangang maipagpatuloy ang bayanihan at kooperasyon upang tuluyang nalampasan ang mga krisis na ating pinagdaraanan. Bukod sa pagkakaloob ng ayuda sa mga kababayan nating higit na nangangailangan, nagpapamahagi rin tayo ng masks, vitamins, pagkain at iba pang kailangan para maproteksyunan ang kanilang kalusugan.
Tulad nitong linggong ito, maagap tayong muli sa pagsaklolo sa mga biktima ng sunog gaya ng 24 na pamilya sa Orani, Bataan; at siyam pa sa Bgys. Camalig Ortiz at San Antonio sa Iloilo City.
Bilang suporta sa kanilang edukasyon, pinagkalooban natin ng ayuda ang 136 estudyante mula sa tribung Ata-Manobo sa Talaingod, Davao del Norte.
Inayudahan naman natin ang mahihirap na residente ng iba’t ibang komunidad na ang kabuhayan ay patuloy na apektado ng pandemya at iba’t ibang krisis, gaya ng 2,000 benepisaryo mula sa Barbaza, Antique; 1,000 sa Dasmariñas City, Cavite; 715 sa Malolos City, Bulacan; 666 sa Tuburan, Cebu; at 400 din sa Dauin, Negros Oriental.
Katulad na ayuda ang natanggap ng 335 benepisaryo mula sa Reina Mercedes, Mallig, Delfin Albano, Sta. Maria at Cabagan, at 113 pa sa San Pablo sa Isabela; 300 sa Angeles City, Pampanga; 250 sa Balungao, Pangasinan; 216 sa Norala, Banga, Koronadal City at Tupi sa South Cotabato; 200 sa San Jose Del Monte City at 153 sa Guiguinto sa Bulacan; at 71 pa sa Villaverde, Nueva Vizcaya.
Kaakibat ang mga ahensya ng gobyerno na namahagi ng tulong pangkabuhayan sa maliliit na negosyante, sumama rin tayo para magdagdag ng tulong tulad sa Palawan, kung saan sinuportahan natin ang 300 sa Culion; 56 na benepisyaryo sa Roxas; 55 sa Araceli; at 50 pa sa Dumaran. Katulad na sistema ang ginawa natin sa Sarangani para sa 126 benepisaryo sa Malapatan; 71 sa Alabel; 48 sa Malungon; at 48 din sa Glan.
Para naman mas mapalakas ang ating healthcare system, nagkaroon ng groundbreaking ceremony noong Setyembre 8 para sa itatayong Esmeralda Balungao Super Health Center sa Pangasinan na aking personal na pinuntahan. Sinaksihan din natin ang ribbon cutting ng isang kalsada doon na ating isinulong na mapondohan. Nag-abot din tayo ng ayuda sa mga Pangasinense sa mga bayan ng Balungao at Binalonan.
Mga kababayan, nakikita na po natin ang mga indikasyon na malapit na nating malampasan ang pandemyang dulot ng COVID-19. Huwag lang tayong maging kampante. Mag-ingat at magtulungan tayong lahat upang masigurong walang maiiwan sa ating muling pagbangon bilang nagkakaisa at mas matatag na bansa.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.