ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | December 21, 2022
Napakahalaga para sa manggagawa ng pamahalaan, mataas man o mababa ang posisyon, na taglay niya ang tiwala ng mamamayan.
Ang tulad na prinsipyong “Public office is a public trust”, ito’y gabay ng mga mambabatas sa isinagawang deliberasyon para sa budget ng pamahalaan ang 2023 General Appropriations Act na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. noong December 16, 2022.
Napakahalaga ng budget at makatutulong nang malaki sa ating sama-samang pagbangon mula sa COVID-19 pandemic at iba pang krisis na kinahaharap ng bansa sa nakalipas at kasalukuyang taon.
Bilang Chair ng Senate Committee on Health, masaya tayo na mayroong karampatang pondo para sa mahahalagang programa ng ating ipinaglaban na may kinalaman sa pangangalaga sa kalusugan ng bawat Pilipino. Kabilang ang tulong-medikal para sa mahihirap na pasyente; pagpapatayo ng karagdagang Super Health Centers at specialty centers; Cancer Assistance Fund; pag-eempleyo ng immunization vaccinators para mas mapalakas pa ang immunization program laban sa ibang sakit lalung-lalo na para sa mga bata; pondo para sa Philippine Health Insurance Corporation para sa mas pinalawak na libreng dialysis coverage, mental health outpatient coverage, komprehensibong benefit package para sa mga outpatients kabilang ang medical check-up, mas pinalawak na benefit package; mental health program at marami pang iba.
Napakahalaga na protektahan ang kalusugan at kapakanan, lalung-lalo na ang mahihirap at walang malalapitan maliban sa pamahalaan. Kailangang magkaroon sila ng access sa mura at dekalidad na serbisyong pangkalusugan nang hindi na kailangang mabawasan pa ang kanilang pang-araw-araw na kita at sa halip ay magagamit nila para sa mga pangunahing pangangailangan at gastusin ng pamilya.
At bilang Chair ng Senate Committee on Sports, napakasayang ipaglaban ang pondo para sa mga prayoridad na programa na pampalakasan, kabilang ang budget ng Philippine Sports Commission at ng Games and Amusement Board. Ang budget ng PSC ay gagamitin para sa preparasyon, pagsasanay at paglahok ng mga atleta sa 2024 Paris Olympics, 2023 Southeast Asian Games, 2023 Asian Games, ASEAN Paragames at iba pa. Kasama na ang pagho-host natin ng 2023 FIBA World Cup, sports infrastructure development, tulong-pinansyal sa mga atleta at inisyatiba para sa grassroots sports development, tulad ng Philippine National Games at Batang Pinoy.
Isa rin sa tiniyak nating mabibigyan ng karagdagang pondo ang National Academy of Sports (NAS) na nasa New Clark City Sports Complex dahil napakaraming matutulungan nitong batang atleta. Pangarap nating magkaroon sa ating bansa ng sports academy na tututok sa kabataang Pilipinong may potensyal sa sports. Naisakatuparan natin ito sa pamamagitan ng Republic Act 11470, na siyang nagtayo sa NAS, na ating inakda at inisponsoran sa 18th Congress. Nag-o-offer ang NAS ng secondary education program na may kaakibat na special curriculum sa sports sa pakikipagtulungan ng Department of Education at ng PSC. Libre ang pag-aaral dito, kaya bukod sa malilinang at mahahasa ang kakayahan ng mga batang atleta, nabibigyan din sila ng oportunidad na mapaangat ang kalagayan sa buhay sa pamamagitan ng edukasyon.
At kung nagpakahirap man sa deliberasyon at ‘ika nga’y dumaan sa butas ng karayom para matukoy at maikonsidera ang mga prayoridad na pangangailangan ng ating mga kababayan at maipaglaban na maisama sa GAA, umaasa tayong dapat alalahanin ng mga opisyal ng pamahalaan na ang perang inilaan sa ating pambansang budget ay mula sa perang pinaghirapan at pinagpawisan ng mga Pinoy mula sa kanilang buwis. Walang dapat masayang kahit isang sentimo. Tandaan, budget ito tungo sa muling pagbangon at pag-unlad matapos ang mga krisis na ating pinagdaanan.
Nais nating iparating ang pakikiisa sa pagdiriwang ng araw ng pagsilang ng ating Panginoong Hesus na simbolo ng pagkakaisa at pagmamahalan. Hangad natin ang kapayapaan sa mga tahanan at maayos na kalusugan sa bawat miyembro ng pamilya. Patuloy tayong mag-iingat. Pinakamagandang regalo na ating matatanggap ngayong Pasko ay kaligtasan sa anumang sakit at sakuna.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.