ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | January 4, 2023
Tulad ng nakagawian nating mga Pilipino, dapat umpisahan ang Bagong Taon na masigla, masaya at may positibong pananaw.
Kaya naman, hangad natin sa bawat isa ang maayos na kalusugan at kaligayahan ngayong taon at sa mga darating pa. Gawin nating inspirasyon ang pamilya upang ang mga layunin sa hinaharap ay maisakatuparan nang hindi kinakaligtaan ang pagmamahal sa bayan at malasakit sa kapwa Pilipino.
Tututukan natin ang pagpapalakas sa healthcare system para hindi tayo muling mabigla kung may umusbong man na mga bagong sakit at hindi mahirapan ang healthcare system. Muli nating ipaglalaban sa Senado ang pagpapatayo ng Philippine Center for Disease Control and Prevention at Virology Science and Technology Institute of the Philippines. Nakasumite na rin sa 19th Congress ang ating mga panukala na magkakaloob ng libreng annual medical check-ups; pag-aatas sa Philippine Health Insurance Corporation na palawakin ang coverage ng dialysis treatments; pagtatayo ng Emergency Medical Services System; pagkakaloob ng benepisyo at kompensasyon sa mga Barangay Health Workers; pagtatayo ng Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Centers sa buong bansa at pagpopondo sa pagpapalawak ng edukasyon ng nursing students.
***
Samantala, patuloy nating isusulong ang mga programang magpapaunlad sa kakayahan ng mga atletang Pilipino at makatuklas ng kabataang may potensyal na maging world-class athlete sa pamamagitan ng pagpapalawak sa ating grassroots sports development.
Sa 2023 national budget ay naipaglaban natin ang pondo para sa budget ng Philippine Sports Commission at ng Games and Amusement Board. Ang budget ng PSC ay gagamitin sa preparasyon, pagsasanay at paglahok ng mga atleta sa iba’t ibang international competitions, pagho-host ng 2023 FIBA World Cup, sports infrastructure development, tulong-pinansyal sa mga atleta at inisyatiba para sa grassroots sports program. Tiniyak din nating mabibigyan ng karagdagang pondo ang National Academy of Sports (NAS) na nasa New Clark City Sports Complex dahil napakaraming matutulungan nitong batang atleta. Matagal na nating pangarap na magkaroon sa bansa ng sports academy na tututok sa kabataang may potensyal sa sports. Naisakatuparan natin ito sa pamamagitan ng Republic Act 11470, na siyang nagtayo sa NAS, na isa tayo sa may-akda at sponsor noong 18th Congress.
Para sa 19th Congress, isusulong natin ang pag-institutionalize sa Philippine National Games na gaganapin kada dalawang taon para sa paghubog ng kabataan sa iba’t ibang sports.
***
Patuloy tayong tinatamaan ng mga kalamidad at palaki nang palaki ang pinsalang idinudulot nito. Hindi tayo titigil na isulong ang Department of Disaster Resilience para may departamento na talagang tututok bago pa man dumating ang bagyo, pagbaha at iba pang kalamidad at sakuna. Kaugnay nito ang isinusulong nating “Mandatory Evacuation Center Act” para sa pagpapatayo ng ligtas at permanenteng evacuation centers sa bawat munisipalidad, lungsod at probinsya.
***
Samantala, noong January 2 ay nagpunta tayo sa Magsaysay, Misamis Oriental para personal na tingnan ang kalagayan at pagkalooban ng tulong ang 1,308 nating mga kababayan na nabiktima ng pagbaha. Nakatuwang natin ang DSWD na nagbigay ng hiwalay na tulong-pinansyal sa mga benepisaryo.
Bukod sa Magsaysay ay nagpadala rin ang ating outreach team ng tulong sa mga biktima ng baha sa Gingoog City noong January 2; pati na rin ang mga bayan sa Salay, Medina, Balingoan, Balingasag, Kinoguitan, Lagonglong, at Binuangan nitong January 3.
Sa mga susunod na araw ay pupuntahan natin ang mga bayan na naapektuhan din ng pagbaba sa Misamis Occidental, gaya ng Jimenez, Lopez Jaena, Tudela, Aloran, Clarin, Panaon, Sapang Dalaga, Calamba, Don Victoriano, Baliangao, Oroquieta at Ozamiz City.
Ang pagsapit ng panibagong taon ay hindi awtomatikong nagreresolba sa ating mga kinaharap na problema, na posibleng kahaharapin pa rin sa mga darating na araw. Gayunman, umaasa tayo na sa pamamagitan ng ating patuloy na pagkakaisa at pagbabayanihan at sa mga aral na natutunan natin sa nakalipas na taon, mas magiging magaan na malampasan ang mga ito hanggang sa tuluyan tayong makabangon.
Isang manigong Bagong Taon sa inyong lahat!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.