ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | January 25, 2023
Masaya nating ibinabalita na malapit na ang ikalimang anibersaryo ng Malasakit Centers program.
Muli nating ipaalala na samantalahin ang tulong medikal na ipinagkakaloob ng 154 Malasakit Centers sa buong bansa para mapangalagaan ang kanilang kalusugan nang hindi mabibigatan sa mga bayarin sa ospital.
Noon, wala pang Malasakit Center ang mga kababayan natin. Kung meron silang kailangang tulong sa pagpapaospital o billing, lalapit ‘yan sa iba’t ibang opisina.
Halimbawa, Lunes, pupunta ‘yan sa city hall, provincial capitol o sa mga opisina ng mayor o gobernador. Martes, pupunta ‘yan sa PCSO, pipila, kahit madaling-araw.
Miyerkules, pipila ‘yan sa DOH. Huwebes, pipila ‘yan sa DSWD. Biyernes, ipoproseso naman ng PhilHealth. Ubos ang panahon nila, ubos ang pamasahe sa kapipila at paghingi ng tulong.
Kaya naisipan natin noong 2018 na ilagay sa isang kuwarto ang mga ahensya. Noong naging senador ang inyong lingkod noong 2019, isinulong natin ang Malasakit Centers Act sa tulong ng mga kasamahan sa Kongreso at sa Senado at pinirmahan ni dating Pangulong Duterte. Ngayon ay batas na ito, institutionalize na.
Para sa poor and indigent patients ang programang ito na handang tumulong sa ating mga kababayan saang sulok man ng bansa. Walang pinipiling tutulungan ang Malasakit Centers.
Priority lang natin ang indigent patients o ang mga financially incapacitated. Basta Pilipino, qualified sa Malasakit Center.
Layunin ng Malasakit Center na mababa up to the barest minimum ang hospital bill ng pasyente. Ang importante lang sa pasyente na nanghihingi ng assistance, lumapit talaga sa ospital na may Malasakit Center. Pagdating sa requirements, basic ang mga kailangan at basta makumpletong maisumite, maaari nang mag-avail ng assistance, ayon sa DOH na namamahala nito.
Batay sa Malasakit Centers Act, ang DOH ang namamahala ng mga center na ito, at dapat lagyan ang lahat ng DOH-run hospital at Philippine General Hospital. Ang mga local at iba pang public hospitals ay puwede ring magkaroon ng sariling Malasakit Center kung masusunod ang criteria na itinakda ng batas.
Inilunsad natin ang ika-154 Malasakit Center noong January 18 sa Camiguin General Hospital sa Mambajao. Noong Nobyembre 2022, nagbukas tayo ng ika-153 para naman sa OFW Hospital sa Pampanga. Pangarap natin noon na magkaroon ng Department of Migrant Workers, para sa mga OFWs natin at ngayon ay natupad na. Tapos, nagkaroon din sila ng sariling hospital diyan. Ngayon naman ay may Malasakit Center na rin para sa kanila at kanilang mga pamilya.
Sa kabuuan, mayroon na tayong 87 na Malasakit Center sa Luzon, 29 sa Visayas, at 38 sa Mindanao. Mula Batanes na dulo ng Pilipinas, hanggang Tawi-Tawi ay mayroon na.
Natutuwa tayo dahil batay sa datos ng DOH, mahigit pitong milyong Pilipino na ang natulungan nito, lalo na sa pamamagitan ng programang Medical Assistance for Indigent Patients ng DOH.
Samantala, sa pagbubukas naman ng sesyon sa Senado nitong January 23, kabilang ang inyong Senador Kuya Bong Go sa 12 senador na nakapagtala ng perfect attendance sa lahat ng 39 plenary sessions mula July 25, 2022 hanggang December 14, 2022.
Hindi tayo nagsasayang ng araw lalo pa at ipinaglalaban natin ang mga prayoridad na panukalang batas na nai-file na kasalukuyang isinusulong natin at tatalakayin pa sa Senado, kabilang ang pagpapalawak ng “Rural Employment Assistance Program”, “Emergency Medical Services System Bill”, “Free Legal Assistance to AFP (Armed Forces of the Philippines) and PNP (Philippine National Police) Enlisted Personnel Bill”, “Magna Carta of Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Officers and Personnel”, “Philippine National Games (PNG) Bill”, “One Town One Product Program”, “Amendment to the Insurance Code”, “National Housing Development Production and Financing Program”, “Barangay Health Workers (BHWs) Compensation and Incentives Bill”, “Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center”, “Disaster Resilience Act”, "Virology Science and Technology Institute of the Philippines Act", “Philippine Center for Disease Control and Prevention Act” at “Mandatory Evacuation Centers Act”.
Kabilang din sa ating isinusulong ang Annual Medical Check Up para sa lahat ng Pilipino, Comprehensive Dialysis Benefit Package para sa mga miyembro ng PhilHealth, Advanced Nursing Education, Rental Housing Subsidy, E-Governance, at Magna Carta for Barangay.
Samantala, patuloy pa rin tayo sa pagtulong sa mga kababayan nating labis na nangangailangan. Noong January 21 ay binisita natin ang Oton, Iloilo na sinalanta ng buhawi at nagkaloob ng ayuda sa 248 residente na labis na naapektuhan. Dapat talagang maisabatas na ang “Department of Disaster Resilience Bill” at ang “Mandatory Evacuation Centers Bill” para maagap na matulungan ng pamahalaan ang ating mga kababayang tinatamaan ng kalamidad.
Nakiisa rin tayo sa pagdiriwang ng Dinagyang Festival sa Iloilo City at pati ang Ati-atihan Coronation night sa Ibajay, Aklan. Sinaksihan din natin ang groundbreaking ng itatayong apat na Super Health Centers sa Western Visayas—isa sa bayan ng Maasin sa Iloilo province at tatlo pa sa mga bayan ng Kalibo, Numancia, at Tangalan sa Aklan province.
Nag-abot din tayo ng tulong sa 217 residenteng naapektuhan ng bagyo sa Kalibo, 500 sa Numancia, at sa 1,900 na magsasaka sa Tangalan.
Hindi lamang sa paglikha ng mga batas na magpapagaan sa buhay ng bawat Pilipino kundi maging ang paghahatid ng serbisyo sa mga higit na nangangailangan. Hindi tayo magsasawa sa pagtupad sa ating iisang pangarap na ang bawat Pilipino ay magkaroon ng ligtas at mas komportableng buhay.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.