ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | September 03, 2021
Noong Martes, Agosto 31, 2021 ay nagkaroon ako ng oportunidad na sagutin sa Senado ang mga malisyosong akusasyon at paratang laban sa akin. Nakalulungkot isipin na may mga klase ng tao na nakaugalian nang manghamak ng kapwa.
Hindi tulad ng karamihan sa mga kasamahan ko sa Senado, hindi ako pulitiko o nanggaling sa maimpluwensiyang pamilya. Isa lang akong probinsyano at aide bago naging Special Assistant to the President at Senador, at hindi ko ikinahihiya ito. Ngunit isinagawa ko ang aking tungkulin nang buong puso, may karangalan at sigasig. Sipag at serbisyo ang naging puhunan ko na ginagawa ko nang buong tapang at pagmamalasakit sa kapwa.
Hindi rin lingid sa kaalaman ng lahat na matagal na ang aming pinagsamahan ni Pangulong Rodrigo Duterte. Kahit kailan ay hindi ko ginamit ang posisyon o koneksiyon ko para sa pansarili kong interes. Sa halip, buong puso kong sinusuportahan ang Pangulo sa kanyang hangarin na magserbisyo at tumulong sa mga Pilipino.
May iilang nagsasabing nagpapaka-Executive-Assistant daw ako. Hindi ko rin ikinahihiya na umalalay sa Pangulo hanggang ngayon dahil iisa naman ang layunin namin, ang magserbisyo sa aming kapwa. Ang relasyon at tiwala namin sa isa’t isa ay kailanma’y hindi namin itinatago at tanggap naman ito ng taumbayan.
Basta makabubuti sa tao, patuloy akong magsisilbing tulay ninyo sa Pangulo at wala akong nakikitang problema rito. Gagawin ko ang lahat upang magampanan ang prebilehiyo at responsibilidad na ibinigay sa akin upang lubos na makapaglingkod sa mga Pilipino.
Nitong nakaraang linggo, sinuportahan ko sa plenaryo ang pagpasa sa Magna Carta for Seafarers para maitaguyod ang mga karapatan ng mga kababayan nating marino. Ibinigay ko rin ang aking suporta sa panukalang Metropolitan Davao Development Authority para sa patuloy na pag-unlad ng rehiyon ng Davao. Isinulong ko rin ang panukala na magbibigay ng benepisyo sa mga dependents ng retiradong prosekyutor.
Basta makabubuti sa kapwa ay sinusuportahan ko. Bisyo ko ang magserbisyo. Kaya imbes na manatili lamang sa Senado, patuloy din tayong umiikot sa kahit saang sulok ng bansa para tumulong nitong panahon ng pandemya.
Mula August 28 hanggang September 2, nagbigay tayo ng ayuda sa iba’t ibang parte ng ating bansa. Sa Luzon, nagpaabot tayo ng tulong sa 2,058 Typhoon Ulysses victims at 2,850 enrolled college students sa Rodriguez, Rizal; 1,500 indigent residents sa Calumpit, Bulacan; at 24 na pamilyang nasunugan sa Makati City.
Sa Visayas naman, nagtungo ang aking mga staff upang maghatid ng tulong sa iba’t ibang miyembro ng sectoral groups, tulad ng 12,306 mula sa Salvador Benedicto, Bacolod City, at Victorias City sa probinsiya ng Negros Occidental; 1,859 micro-entrepreneurs sa Bien Unido, Buenavista, Clarin, Danao, Dagohoy, Getafe, Inabangga, Sagbayan, San Isidro, San Miguel, Talibon at Trinidad sa probinsya naman ng Bohol. Dagdag pa rito, nagbigay rin ng immediate assistance sa 18 na pamilyang nasunugan sa Bacolod City, Negros Occidental.
Samantala, ang aking team sa Mindanao ay umikot naman sa Zamboanga Sibugay upang magbigay ng tulong sa mga displaced workers — 2,000 sa Ipil; at 2,000 rin sa Roseller T. Lim. Nagpadala rin ako ng tulong sa 114 na pamilyang nasunugan sa Zamboanga City at sa 78 na pamilya naman sa Surigao City, Surigao del Norte.
Ngayong araw naman, September 3, ay opisyal nang magbubukas ang ika-138 na Malasakit Center sa Sulu Sanitarium sa Jolo, Sulu. Mag-aabot din tayo ng tulong sa mga indigent patients at frontliners sa nasabing ospital.
Umaapela ako sa ating gobyerno na pag-aralan na ang posibilidad na palawakin lalo na ang ating vaccination roll-out sa mas maraming Pilipino maliban sa mga kabilang sa eligible na priority groups. Pag-aralan din dapat nang mabuti ang pagbibigay ng insentibo sa mga bakunado tulad ng mas maluwag na mga patakaran.
Nitong September 1, higit 34.1 milyong Pilipino na ang nabakunahan kung saan 20 milyon ang nakakuha na ng unang dose at higit 14.1 milyon na ang may kumpletong dose. Aabot naman sa 52.8 milyong bakuna na ang dumating sa bansa.
Parte ng ating tungkulin ang representation at constituency. Oo, mga mambabatas tayo pero higit sa lahat, public servants tayo! Kaya gagawin ko ang lahat nang aking makakaya para maipaglaban ang kapakanan ninyo nang buong tapang at pagmamalasakit sa kapwa ko Pilipino!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.