ni Lolet Abania | October 2, 2021
Pormal nang naghain si Sen. Christopher Lawrence Go ng kanyang certificate of candidacy (COC) para tumakbong bise-presidente sa Mayo 9, 2022 elections ngayong Sabado, Oktubre 2.
Pasado alas-3:00 ng hapon ngayong Sabado, nag-file si Go ng kanyang kandidatura para VP kasama si Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, hindi ito ang inaasahang posisyon na tatakbuhan ni Go dahil si Pangulong Duterte ang siyang inendorso ng partidong PDP-Laban para sa VP slot.
Ang 47-anyos na si Go ay long-time aide ni P-Duterte, kung saan itinuturing na gatekeeper ng Pangulo at nananatiling tumutugon sa pangangailangan ng Punong Ehekutibo sa kabila ng panunungkulan nito sa Senado.
Siya ay naging assistant ni P-Duterte noong congressman pa ito at madalas na nasa tabi ng Pangulo sa mga public events at sa Malacañang.
Ang senador na chairman ng Senate committees on health and sports ay madalas ding may mga posts sa social media ng “selfies” kasama si P-Duterte.
Una nang tinanggihan ni Go ang presidential nomination sa kabila ng paghimok sa kanya ni Pangulong Duterte na tumakbo sa eleksyon. “My heart and mind are focused on serving people,” ayon sa senador.
Para kay Go, ipinauubaya niya ang kanyang kapalaran sa Diyos, sa mga Duterte at sa publiko.