ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | October 08, 2021
Ilang araw matapos na inihain ang aking kandidatura bilang Bise Presidente, napagtanto ko na, kahit maraming nais makipag-alyansa at ikampanya tayo, mas kinakailangan ngayon na makapag-abot tayo ng tulong at serbisyo sa mga Pilipino.
Napagdesisyunan kong tumakbo bilang Bise-Presidente sa darating na halalan upang maipagpatuloy ang mga magagandang programa at tunay na pagbabagong naumpisahan ni Pangulong Rodrigo Duterte — at sisikapin nating dagdagan pa ang mga ito.
Pero sa ngayon, ayaw ko pang pag-usapan ang pulitika. Unahin muna nating malampasan ang krisis na dulot ng COVID-19. Gampanan muna natin ang ating tungkulin bago ang halalan. Bakuna muna bago pulitika!
Importante ang buhay ng bawat Pilipino. Kung kaya’t walang tigil ang ating serbisyo upang walang maiiwan sa muling pagbangon ng bansa tungo sa pagbalik natin sa normal na pamumuhay.
Tulad na lamang nitong nakaraang linggo, binisita natin ang libu-libong Pilipino para mabigyan sila ng tulong. Kabilang na rito ang nasa 7,421 indigent residents na mula sa iba’t ibang sector sa Dangcagan, Valencia City, Damulog, Kibawe, Kadingilan, at Maramag sa probinsya ng Bukidnon.
Nabigyan din ng kaparehong tulong ang 1,000 indigent recipients sa Barangay Pandaitan at Paradise Embac ng Paquibato district at 1,298 residente ng Barangay Buhangin Proper, Cabantian, Tibungco, Panacan, at Sasa sa Davao City. Dagdag pa riyan, nakatanggap din ng tulong ang 31 kataong nabiktima ng flash flood sa Island Garden of City of Samal sa Davao del Norte; at sampu namang biktima rin ng sunog sa parehong siyudad.
May iba pang sektor ng lipunan na alam kong nahihirapan at naapektuhan ng pandemya kaya naman puspusan ang ating serbisyo na mabigyan sila ng tulong, tulad na lamang ng 2,000 manggagawa, magsasaka at Bantay Bayan sa Arayat, Pampanga; at 7,200 mangingisda sa Dagupan City, Pangasinan. Nag-abot din tayo ng tulong sa 92 kataong nasunugan sa Brgy. Sun Valley, Parañaque City.
Sinaksihan ko rin ang pagbubukas ng ika-142 na Malasakit Center sa bansa na matatagpuan sa Valenzuela Medical Center sa Valenzuela City. Nagkaroon din ng Malasakit monitoring visit sa Valenzuela City Emergency Hospital para naman kumustahin ang serbisyong ibinibigay natin sa mga Pilipino at siguraduhin din na may pondo ang mga Malasakit Centers para mas marami pang Pilipinong maysakit at mahihirap ang matulungan.
Kasabay nito, sinaksihan din natin ang pagbubukas ng Wellness, Entertainment and Sports o WES Arena sa Valenzuela City. Namangha ako sa bago at modernong pasilidad na ito na gagamitin hindi lang para sa sports development ng mga taga-Valenzuela kundi magagamit din bilang vaccine facility sa kanilang komunidad.
Inaasam ko ang araw na wala nang Pilipino ang kailangang ipasok sa ospital dahil sa sakit na COVID-19. Sa tulong ng vaccination program ng gobyerno, mga kasamahan natin sa lokal na sektor at mga proyektong tulad nito, inaasahan nating darating ang panahon na magiging normal na muli ang pamumuhay natin.
Bilang chair ng Senate Committee on Health, masaya akong ibalita na, as of October 5, meron ng 47.78 milyong doses ng bakuna kontra COVID-19 ang naiturok na kung saan 25.38 milyong Pilipino ang nakakuha ng unang dose at 22.4 milyon naman ang nakakumpleto na. Binuksan na rin ang pagbabakuna sa general population at sa susunod na mga araw ay babakunahan na rin ang mga menor de edad ayon sa patakaran na inirekomenda ng mga health experts.
Kaya sa mga kababayan ko na hindi pa bakunado, huwag na mag-alinlangan pa dahil ito ang proteksiyon ninyo at ang susi para unti-unting bumaba ang mga kaso ng mga malulubhang sakit dahil sa COVID-19. Kung mahal ninyo ang inyong pamilya, magpabakuna na po kayo! Para ito sa kapakanan ninyo at kaligtasan ng ating komunidad.
Habang naiisip ko ang maraming posibilidad sa mga susunod na araw, lagi kong pinapaalalahanan ang aking sarili na ginagawa ko ang lahat ng ito para sa kapakanan ng bawat Pilipino. Tulad ng marami, nais kong makita na mamuhay ang lahat nang malusog, komportable at maginhawa.
Nasa puso’t isipan ko palagi ang mga Pilipino. Walang araw na dumaan na hindi ko naiisip kung paano ko maiaangat ang buhay nila. Kaya naman kahit anong posisyon man ang ipagkatiwala ng mga Pilipino at ng Diyos sa akin, hindi ko sasayangin ito. Gagamitin ko ang bawat pagkakataon na maipakitang karapat-dapat akong magserbisyo para sa mga Pilipino.
Tulad ng palaging bilin ni Pangulong Duterte sa akin: “Unahin mo ang kapakanan ng mga Pilipino at mahalin natin ang ating kapwa, hinding-hindi ka magkakamali."
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.