ni Lolet Abania | April 8, 2022
“Piniga siya.” Ito ang naging pahayag ng longtime aide ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Senador Bong Go patungkol sa kanya ngayong Biyernes.
Sinabi ni Go na ang pamamahala at pamumuno sa bansa ay nagdulot sa Punong Ehekutibo na mapiga nang husto o ma-“drained” dahil na rin sa mga problema at isyung kinakaharap nito.
Subalit ayon kay Go, nananatili ang 77-anyos na si Pangulong Duterte na walang pinagsisisihan sa kanyang pagbibigay ng serbisyo sa taumbayan.
“During his presidency, talagang piniga siya. Ibig sabihin, mentally, physically and health-wise, talagang piniga,” saad ni Go sa mga reporters.
“Kapag isa kang Pangulo, talagang pipigain ka talaga. It’s a thankless job pero no regret po si Pangulo dahil ito na ang huling chapter ng kanyang buhay, ibinuhos na niya sa Pilipino,” dagdag ng senador.
Sa kabila ng mga pahayag, tiniyak naman ni Go sa publiko na si Pangulong Duterte ay fit pa rin para sa kanyang edad, habang nagbigay ng mga reports na ang Pangulo ay bumisita kamakailan lamang sa Cardinal Santos Medical Center.
Binanggit din ni Go na si Pangulong Duterte ay regular na bumibisita sa nasabing ospital para sa kanyang routine checkups.
“Physically [fit] to finish his term? Oo, kaya pa and beyond. Oo, in good condition. Kaya nga sabi ko papasalamat tayo sa Cardinal Santos at kay doktora din po for taking care of his health,” sabi ni Go na hindi na idinetalye ang health condition ng Pangulo.
Ilang beses na ring inianunsiyo ng Malacañang na nananatiling mabuti ang kalusugan ng Pangulo.
Samantala, ang termino ni Pangulo Duterte ay magtatapos sa Hunyo 30, 2022.