ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | April 21, 2021
Bawat isa sa atin ay may ginagampanang papel sa laban kontra COVID-19. Tandaan na hindi lamang ito laban ng gobyerno, kundi laban ng buong sambayanang Pilipino at ng buong mundo.
Dapat maging bukas ang ating puso’t isipan, hindi lamang sa pagtulong sa kapwa, kundi pati na rin sa pagtanggap ng tulong mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan na gustong makisama sa bayanihan at mag-ambag sa pangkalahatang layunin na malampasan ang krisis na ating hinaharap.
Bilang halimbawa, kamakailan ay nakatanggap tayo ng mga katanungan tungkol sa posibleng paggamit ng Ivermectin at iba pang gamot kontra COVID-19. Bago ang lahat, nililinaw nating hindi natin ito isinusulong o ang anumang medisina. Kailangang respetuhin ang mga eksperto na mas nakakaalam, at ang mga proseso na dapat sundin ayon sa batas upang masigurong ligtas at epektibo ang mga ito bago gamitin ng mga tao.
Ngunit ang tanging hiling lamang natin ay mapakinggan nang husto ng gobyerno ang mga grupong naghahain ng iba’t ibang suhestiyon tulad nito na nais lamang makatulong. Hinihikayat natin ang mga awtoridad na magkaroon ng maayos na dayalogo at siyentipikong pag-aaral tungkol sa mga posibleng makatulong sa ating laban kontra COVID-19.
Ang importante ay huwag pahirapan ang mga nais tumulong. Lahat tayo ay iisa lang ang layunin at ‘yun ay ang makapagligtas ng buhay at makatulong sa kapwa tao.
Matuto na tayo sa mga pinagdaanan nitong pandemya para maging mas handa ang bansa sa anumang posibleng krisis na darating sa mga susunod na taon. Tulad ng Pangulo, magtiwala tayo sa mga eksperto at maging bukas ang ating isipan. Hikayatin natin ang lahat na maging parte ng solusyon kaysa sayangin ang oras sa pagbabatikos.
Ikinatuwa natin ang mga inisyatibo, tulad ng community pantry, na nagpapakita na nananatiling buhay ang diwa ng bayanihan sa kabila ng sunud-sunod na mga pagsubok na dumating sa bansa. Tama lang na magbigay ng tulong ayon sa kakayanan ‘yung mga may sobra. Kaysa masayang o mag-expire, mabuti nang mapakinabangan ng mas nangangailangan.
Tulad ng palagi nating sinasabi, kung anumang kabutihan ang puwede nating gawin para sa kapwa ay gawin na natin ngayon. Hindi ito panahon para magsisihan, magsiraan o maglamangan pa. Panahon ito ng pagtutulungan, pagmamalasakit at pakikiisa sa bayanihan. Walang kulay, walang pinipili at walang pulitika, dapat ang pagtulong sa kapwa.
Habang nananatiling bukas ang ating isipan sa mga opinyon ng iba, huwag din sana nating sayangin ang oras natin sa mga nagkakalat ng mali at malisyosong mga balita. Bukod sa COVID-19, ang panloloko ay sakit na nakamamatay din!
Huwag hayaan na madiskaril ang ating mga pinaghirapan dahil lang sa mga batikos o paninira ng iilang mga taong sarili lang ang iniisip.
Patuloy lang tayong makiisa sa bayanihan. Naniniwala tayong walang anumang hamon o krisis ang makakatalo sa nagkakaisang sambayanang Pilipino.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.