ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | May 19, 2021
Bagama’t nandito pa rin ang banta ng COVID-19, huwag tayong mawalan ng pag-asa at patuloy na magtiwala sa gobyerno. Dahil sa National Vaccination Program, nakikita na nating may hangganan ang krisis na ito. Dahil sa mga bakuna, mas mapoproteksiyunan tayo laban sa sakit at unti-unti rin tayong makababalik sa normal na pamumuhay.
Sa ngayon ay higit tatlong milyon na ang nabakunahan natin na medical frontliners, senior citizens at ‘yung mga may comorbidities na nabibilang sa A1, A2, at A3 top priority categories. Pero hindi dapat tayo magkumpiyansa. Kailangan nating bilisan pa lalo at paigtingin ang ating rollout upang marating ang herd immunity sa ating komunidad bago matapos ang taon.
Kaya nanawagan tayong muli sa gobyerno na gawan na ng paraan para makarating na ang bakuna sa iba pang sektor sa lalong madaling panahon. Sa pag-uusap natin ng mga opisyal sa ehekutibo at tumutulong sa atin mula sa pribadong sektor, napagkasunduang dapat masimulan na ang pagbabakuna sa essential sectors at indigents na nabibilang sa A4 at A5 priority categories ng ating vaccination plan.
Sa essential sectors o A4 category, kasama na riyan ang economic frontliners tulad ng ordinaryong manggagawa, miyembro ng media, market vendors, transport workers at iba pang tao na araw-araw nagtatrabaho para buhayin ang kanilang pamilya at ang ating ekonomiya. Napakaimportanteng mabakunahan sila agad upang mabalanse, lalo na ang pagprotekta sa kalusugan at pagpapasigla ng ating kabuhayan.
Tulad din ng pangako namin ni Pangulong Rodrigo Duterte, sisiguraduhin nating makararating ang bakuna sa mahihirap at pinaka-nangangailangan, ‘yung mga “isang kahig, isang tuka” at ‘yung mga kailangang lumabas upang buhayin ang kanilang pamilya. Ito ang A5 category kung saan nabibilang ang mga indigent.
Kapag nasimulan na ang A4 at A5, puwede naman tayong magtalaga ng express lanes para sa mga natitirang A1 to A3 na hindi pa nababakunahan. Puwede silang balikan kung undecided pa sila sa ngayon. Ang importante ay walang masayang na bakuna at walang masayang na panahon.
Umaapila rin tayong magtayo pa ng dagdag-vaccination centers sa kahit saang sulok ng bansa upang mas maraming tao ang mababakunahan kada araw. Kung kailangang gawing 24/7 ang pagbabakuna, gawin natin ito upang maiwasan na may mag-expire o masayang na mga bakuna at para hindi rin magkumpulan ang mga tao doon.
Nirekomenda rin nating pag-aralan ang posibilidad na gamitin ang mga ospital at kampo ng military, PNP, at Philippine Coast Guard bilang vaccination sites para sa frontliners ng pamahalaan. ‘Pag mas marami tayong vaccination centers, tiyak na maiiwasan ang kumpulan at magiging mas ligtas at maginhawa ang pagbabakuna.
Mahalaga rin na masigurong tuluy-tuloy ang pagbili at pagdating ng mga bakuna sa kabila ng limitadong supply sa mundo. Palawakin din natin ang mga kailangang tauhan na mag-a-administer ng bakuna at gamitin natin ang military reservists na handa namang tumulong. Solusyunan din agad ang logistical at transportation challenges para maiwasan ang aberya. Paigtingin din natin ang ating information dissemination para mawala ang takot ng taumbayan sa bakuna.
Nananawagan din tayo sa ating mga kababayan na magtiwala sa bakuna at sumunod sa prioritization order — bawal ang palakasan at VIP treatment. Unahin ang dapat unahin dahil sisiguraduhin nating makararating ang bakuna hanggang sa dulo ng listahan.
Kaya kapag dumating na ang inyong oras para magpabakuna, huwag na kayong mag-alinlangan pa at magpabakuna na agad kayo dahil tiyak na makakaligtas ito ng buhay ninyo at ng inyong mga minamahal sa buhay. Libre naman ang bakuna at importante ito para malayo kayo sa peligro. Ang bakuna ang poprotekta sa buhay ninyo laban sa COVID-19 na nakamamatay. Ito ang susi o solusyon para unti-unti na tayong makabalik sa ating normal na pamumuhay.
Lahat ng ito ay kailangang matutukan upang maging mas ligtas ang ating Pasko sa taong ito. Magtiwala tayo at suportahan natin ang ating vaccination program. Magkaisa at magbayanihan tayo para sa ikabubuti ng bawat Pilipino!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.