ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | June 02, 2021
Ikinatutuwa nating ibalita na nitong Lunes, May 31, pumasa na sa third and final reading ang 13 local hospital bills na ating ipinaglaban sa Senado.
Nagpapasalamat tayo sa ating mga kasamahan sa Senado, sa majority at pati rin sa minority, sa kanilang suporta upang maibigay sa taumbayan ang serbisyong medikal na kailangan at nararapat para sa kanila — anuman ang antas nila sa buhay, kahit saanman silang lugar sa bansa.
Ang ilan sa mga ito ay ang pagdagdag ng bed capacity ng Lying-in Clinic sa Rizal, Palawan; Naguilian District Hospital sa Naguilian, La Union; Rosario District Hospital sa Rosario, La Union; Sinait District Hospital sa Sinait, Ilocos Sur; East Avenue Medical Center sa Quezon City; Mayor Hilarion A. Ramiro Sr. Medical Center sa Ozamiz City, Misamis Occidental at Eastern Visayas Regional Medical Center sa Tacloban City.
Kasama rin dito ang ilang panukala na magtatatag ng Bacolod City General Hospital sa Bacolod City, Negros Occidental; Eastern Pangasinan Regional Medical and Trauma Center sa Rosales, Pangasinan; Davao Occidental General Hospital sa Malita, Davao Occidental; at ang Neptali Gonzales Hospital sa Mandaluyong City.
Pumasa na rin ang mga panukalang pag-convert ng Medina Extension Hospital sa Medina, Misamis Oriental para maging general hospital; at ng Schistosomiasis Control and Research Hospital para maging Governor Benjamin T. Romualdez General Hospital sa Palo, Leyte.
Hindi natin ititigil na ipaglaban kung ano ang makabubuti sa ating mga kababayan, lalung-lalo na sa mga mahihirap nating kapatid na Pilipino. Dapat patuloy nating palakasin ang ating healthcare capacity, magdagdag ng mga kama, magtatag ng mga dagdag na ospital, at palakasin ang serbisyo na maaaring maibigay ng ating mga pampublikong ospital. Dahil sa totoo lang, ang mahihirap nating mga kababayan ang pumupunta sa mga pampublikong ospital. Para ito sa kanila.
Hindi naging madali ito bilang Chair ng Senate Committee on Health dahil sa maraming pagsubok na hinaharap natin ngayon pagdating sa kalusugan, lalo na’t may pandemya pa tayong sinusubukang lutasin. Kaya rin walang tulog ang serbisyo ng ating tanggapan. Habang patuloy tayong umiikot at rumeresponde sa mga kababayan nating nangangailangan, sinisigurado nating walang mapababayaan sa mga trabaho natin bilang mambabatas at representante ninyo sa Senado.
Sa ibang paksa naman, natutuwa tayong ibalita na na-certify as urgent muli ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ating panukala na maitatag na ang Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos. Pagsisikapan nating maipasa ito sa Senado bago matapos ang sesyon ngayong linggo.
Kaya apela tayo sa mga kapwa nating mambabatas na suportahan ang panukalang magbibigay ng nararapat na atensiyon at serbisyo sa ating itinuturing na mga bagong bayani. At nagpapasalamat din tayo, lalo na kay Sen. Joel Villanueva, Chair ng Senate Committee on Labor, na nangunguna rin sa pagtaguyod ng panukalang ito.
Kung maisabatas ito at tuluyang maitatag na ang Cabinet-level na kagawaran para sa kanila, matatapos na ang panahon na pinapagpapasa-pasahan natin ang ating mga kababayan. Tapos na ang panahong nauubos ang pasensiya, pera, at pagod ng kapwa natin mga Pilipino dahil sa burukrasya at bulok na sistema. Tapos na ang panahon na ang mga ahensiya at opisina sa gobyerno na nagtuturuan kung sino ang dapat umako sa responsibilidad. Ibigay natin sa mga Pilipino ang serbisyong dapat nilang matanggap mula sa gobyernong nagmamalasakit sa kanila saanman sila sa mundo.
Kahit anong hirap ang pagdaanan natin, basta kapakanan ng ating mga kababayan, ipaglalaban natin.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.