ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | June 18, 2021
Maraming salamat sa lahat ng pagbati sa aking kaarawan. Tulad ni Pangulong Rodrigo Duterte, hindi tayo sanay na ipagdiwang ang araw ng aking kapanganakan sa pamamagitan ng birthday party. Kaya sa araw na iyon, pinili nating makasama ang ilan sa mga kabataang pasyente na may iba’t ibang karamdaman sa National Children’s Hospital sa Quezon City para maipadama sa kanila ang pagmamahal ng isang kapwa Pilipino.
Gusto nating pasalamatan ang Panginoong Diyos sa lahat ng biyaya na Kanyang ibinigay sa akin. Ibinigay na Niya ang lahat sa akin noong ako ay naihalal ng taumbayan bilang Senador. Wala na tayong hihilingin pa sa Kanya. Masaya ako ngayon dahil nabigyan ako ng isa pang taon para mabuhay rito sa mundo. Para sa akin, iisa lang ang ibig sabihin nito—isang taon muli na puno ng serbisyo, pagmamahal, pagmamalasakit at bayanihan sa mga Pilipino.
At bilang pasasalamat sa lahat ng mga biyaya at pagkakataong ibinigay ng Diyos, patuloy tayong magseserbisyo.
Noong Lunes (Hunyo 14) na mismong kaarawan ko, binuksan ang ika-119 na Malasakit Center sa National Children’s Hospital sa Quezon City. Nabigyan ng tulong ang 153 na mga pasyente at 1,007 frontliners ng ospital. Minabuti rin nating bigyan ng kaukulang tulong ang mga batang maysakit tulad ng cancer at leukemia, sa Out Patient Department ng ospital. Hiling natin sa Panginoon ay humaba pa ang kanilang buhay.
Sa mismong araw ring iyon ay namahagi ang ating opisina ng pagkain, food packs, masks, face shields, vitamins, sapatos, bisikleta at computer tablets sa 900 tindero at miyembro ng Tricyle Operators and Drivers Association sa Matag-ob at Palompon, Leyte. Nabigyan din ng kaparehong tulong ang 357 na mga trabahador sa Caloocan City.
Sa sumunod na araw naman, personal nating binisita ang 200 pamilya na naapektuhan ng sunog sa Delpan, Tondo, Maynila. Namahagi ang aking opisina ng financial assistance, food packs, facemasks, face shields, vitamins, at may ilang nabigyan ng bisikleta, sapatos at computer tablet. Samantala sa Visayas, ang outreach team natin ay namigay ng tulong sa 700 na tindero at TODA members sa Barugo at Alang-alang, Leyte. May 291 din na tour guides at TODA members sa Moalboal, Cebu ang natulungan.
Nagbukas din nitong Miyerkules (Hunyo 16) ang ika-120 na Malasakit Center sa San Lazaro Hospital sa Maynila. Ito na ang pang-25 na Malasakit Center sa National Capital Region at pang-apat sa Maynila. Naimbitahan ang inyong lingkod para makapagbigay ng mensahe at makapanayam din ang mga natatanging frontliners sa ospital.
Ipinagpatuloy natin ang paghahatid ng ayuda sa 10 katao na biktima ng sunog sa Can-avid ng Eastern Samar, at 689 na tour guides at TODA members naman sa Badian, Cebu. Naabutan din ang 100 na pamilyang biktima ng sunog sa Barangay Ilang sa Davao City naman, at apat pang pamilya sa Island Garden of Samal sa Davao del Norte.
Sa panahon ng pandemya ngayon, maraming empleyado ang nawalan ng trabaho o lumiit ang kita tulad ng 1,899 na AFAB employees ng Mariveles, Bataan. Hindi rin natin kalilimutan ang 203 na pamilya sa Marikina City na naapektuhan ng bagyong Ulysses. May 317 na pamilya rin ang tinulungan natin sa Llorente, Eastern Samar.
Matapos ang isang taon na naman sa aking buhay, masaya ako na patuloy akong nakatutulong sa aking kapwa. Sapat na ito para mapagtanto ko na ginagawa akong instrumento ng Diyos para maibsan ang lungkot at problemang dinadala ng ating mga kababayan.
Ang tanging hiling ko lamang sa aking kaarawan ay magtulungan at magbayanihan tayong lahat para malampasan natin ang pagsubok na dala ng pandemya.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.