ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | July 21, 2021
Sa gitna ng mga nararanasan nating hamon, nakaaantig ng puso na makita ang kabayanihan ng mga frontliner sa pagsugpo sa COVID-19 at pagtulong sa kapwa nating Pilipino. Ngunit, hindi kakayanin ng medical community at ng gobyerno ang laban na ‘to kung walang tulong at kooperasyon mula sa mamamayang Pilipino.
Kailangan din ang disiplina at pakikiisa upang makahon mula sa hirap, gayundin para makabalik na tayo sa normal nating pamumuhay.
Kaya naman, ‘wag hayaang maimpluwensiyahan ng pulitika ang misyon nating malampasan ang pandemya. Tulad ng palagi nating sinasabi, hindi ito ang panahon para sa sisihan at siraan. Panahon ito ng pagtutulungan, pagmamalasakit at bayanihan— bakuna muna bago pulitika. Labanan natin ang pandemya, hindi ang isa’t isa!
Hindi rin tayo maaaring magpakakumpiyansa, lalo na at may mga nadidiskubreng bago at mas delikadong variants ng COVID-19. Kaya importante ang ating mabilis na aksiyon upang rumesponde sa mga bagong banta ng pandemyang ito.
Ngayong may kumpirmadong kaso na ng Delta variant sa bansa, muli tayong nananawagan sa mga awtoridad na magsagawa ng mga bagong hakbang upang mas lalong pagtibayin ang health protocols at mapalakas ang healthcare system. Huwag nating hayaang may makalusot sa atin at lalong kumalat ang COVID-19.
Sa usaping bakuna, umaasa tayong makakamit natin ang “population protection” sa lalong madaling panahon. Higit 15 million doses na ang naiturok natin, 10.4 milyong katao na ang nabakunahan ng first dose, at halos 4.7 milyong katao naman ang tapos na sa second dose nila.
Sa kasalukuyan, nakakuha na tayo ng mahigit na 27.9 milyon na doses ng bakuna at nakapagtala ang gobyerno ng bagong record nitong Hulyo 15 matapos makapagturok tayo ng 391,000 na doses ng bakuna sa loob ng isang araw. Inaasahang higit 136 milyon na doses pa ang darating sa bansa sa susunod na anim na buwan upang tuluyan nating maabot ang herd immunity sa ating mga komunidad.
Magpabakuna na ayon sa guidelines ng ating National Vaccine Program. Huwag kayong matakot dahil ang proteksiyon ang prayoridad ngayon at ang bakuna ang solusyon upang malampasan ang krisis.
Habang doble ang pag-iingat at mas mabilis na ang pagbabakuna sa iba’t ibang sulok ng bansa, patuloy din ang mga inisyatiba upang mapalakas pa lalo ang ating health care system para rumesponde sa mga pangangailangang pangmedikal ng ating mga kababayan.
Kaya nitong nakaraang Hulyo 18, nag-abot ng dagdag na tulong-pinansiyal ang Office of the President sa Southern Philippines Medical Center sa Davao City na personal nating nasaksihan. Higit P19 milyong ang para sa operasyon ng Cancer PET Scan and Nuclear Medicine and Cyclotron facilities, habang P30 milyon naman ang para sa medical assistance. Ito ay upang maisaayos, lalo na ang kapasidad ng nasabing ospital at mabigyan ng dagdag-tulong pampagamot ang mga pasyente roon, lalo na ‘yung mahihirap.
Nakapagbukas din tayo ng bagong Malasakit Center sa Tondo Medical Center nitong Hulyo 16 upang mailapit sa mga residente ng Maynila ang ginhawang serbisyong dapat nilang makuha. Mula 2018 nang unang maitaguyod ang programa na naisabatas naman noong 2019 base sa panukalang inihain at ini-sponsor sa Senado, 129 na ang Malasakit Centers sa buong bansa na handang magbigay-tulong pampagamot sa mga nangangailangan.
Patuloy ang operasyon ng Malasakit Centers at asahan ninyong madadagdagan pa ito sa mga susunod na araw. Bilang Chair ng Senate Committee on Health, sisiguraduhin nating walang mapababayaan pagdating sa usaping pangkalusugan, at walang maiiwan sa ating muling pagbangon.
◘◘◘
Binabati natin ang mga kapatid na Muslim ng maligaya at mataimtim na Eid’l Adha. Nakikiisa tayo sa pag-aalay ng panalangin ngayong Banal na Araw ng Pagsasakripisyo.
Nagpapasalamat din tayo sa mga kababayan nating tumutulong na malampasan ang pandemya, lalo na ang medical frontliners. Ang kanilang sakripisyo at dedikasyon ay maihahalintulad sa ipinamalas nina Propeta Abraham at ng mga Hujjaj. Ipinakita nila ang angking katatagan at katapatan sa gitna ng mga hamon at pagsubok na ating hinarap.
Patuloy tayong magseserbisyo kasama ang administrasyong Duterte upang magkaroon tayo ng matatag na depensa laban sa pandemya at iba pang suliranin. Para naman sa amin ni Pangulong Rodrigo Duterte, basta kapakanan ng mga Pilipino, lalo na ‘yung mga walang matakbuhan, ipaglalaban natin ‘yan hanggang sa huli. Magtulungan at magkaisa tayo sa laban na ito!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.