ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | August 05, 2021
Palaging inuuna ng gobyerno ang kalusugan at buhay ng bawat Pilipino sa mga desisyon nito pagdating sa kasalukuyang pandemya. Ito ang dahilan kaya nagpasya ang IATF na isailalim ang NCR sa heightened GCQ hanggang August 5, 2021, at ECQ naman mula August 6 hanggang August 20 dahil sa bantang dulot ng Delta variant ng COVID-19.
Bilang Chair ng Senate Committee on Health, nirerespeto natin ang desisyon ng gobyerno at mga eksperto na higpitan pansamantala ang kasalukuyang community quarantine protocols sa NCR upang maagapan ang pagkalat ng Delta variant bago ito lumala. ‘Ika nga, patayin na ang maliit na apoy bago pa lumaki at kumalat. Huwag hayaang umabot sa puntong mapuno ang ating mga ospital at mas mahirapan tayo, lalo tulad ng nangyayari sa ibang bansa.
Maliban sa istriktong quarantine guidelines, mas paigtingin din natin ang border control at travel restrictions sa bansang maraming kaso ng Delta variant. Hinihimok natin ang pamahalaan na mas palakasin pa ang contact tracing at genome sequencing sa bansa. Patuloy din nating dagdagan ang kapasidad ng mga healthcare facilities at, higit sa lahat, mas pabilisin ang pagbabakuna.
Huwag nating sayangin ang magandang takbo ng vaccine rollout ngayon. Tulad ng sabi ng Pangulo, posibleng maging mas maluwag ang restrictions kapag protektado ng bakuna.
Masaya tayong ibinabalita sa ating mga kababayan na noong Agosto 2, nakapagtala na tayo ng mahigit 20 million doses administered; 11,747,581 sa mga ito ay first dose, habang ang 9,115,963 naman ang nakatanggap na ng second dose at fully vaccinated na.
Habang nilalabanan ang COVID-19, dapat tugunan din ang gutom at kahirapan na epekto nito. Kaya nagpapasalamat tayo kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtugon sa ating apela na magbigay-ayuda sa mga pinakamahihirap na maaapektuhan ng ECQ sa NCR.
Sa pamamagitan ng ayudang ito, matutulungan natin ang mahihirap nating kababayan na maitawid ang kanilang pamilya habang apektado ang kanilang kabuhayan dahil sa ECQ, lalo na ang mga daily wage earners. Mahigit 13 milyon ang populasyon sa NCR, at nasa 80% nito o mahigit 10.8 milyong indibidwal ang mabibigyan natin ng ayuda ayon sa DBM, NEDA, at iba pang ahensiya.
Ang apela natin naman sa mga lokal na pamunuan ay siguraduhing maibibigay agad ang ayuda sa mga tamang benepisaryo sa isang maayos, mabilis at ligtas na paraan na walang katiwalian.
Patuloy nating hinihikayat ang ating mga kababayan na huwag tayo masyadong magkumpiyansa. Pakiusap, sumunod tayo sa mga patakaran at magpabakuna upang maprotektahan ang inyong mga sarili at ang buong komunidad.
Tandaan na ang disiplina at kooperasyon ay makapagliligtas ng buhay ng ating mga kapwa. Kaunting sakripisyo ito katumbas ang mga buhay na mapoproteksiyunan natin.
Dagdag pa rito, umaapela rin tayo na bigyang-importansiya ang contact tracing na malaki ang parte sa ating overall COVID-19 response efforts. Marami sa ating mga kababayan ang gustong tumulong. Puwede silang maging contact tracers kung bibigyan sila ng karampatang training at kompensasyon bilang kabuhayan na rin sa mga nawalan ng trabaho.
Magtulungan tayo at makisama sa bayanihan bilang pagmamalasakit sa ating kapwa, at pagiging parte ng solusyon para malampasan ang mga pagsubok na hinaharap ng ating bansa!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.