ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Sep. 21, 2024
Sa tuwing may mga kalamidad, gaya ng bagyo, baha, lindol, pagputok ng bulkan, o kaya’y sakuna, gaya ng sunog, doble ang hirap na pinagdaraanan ng ating mga kababayan. Bukod sa hamon ng muling pagtatayo ng nasira nilang mga bahay, maraming mahihirap na evacuees ang walang choice kundi ang sumilong muna sa evacuation centers.
Sa aking pag-iikot sa bansa upang ilapit ang serbisyo sa mga nangangailangan, saksi ako sa malungkot na sitwasyon sa ibaba sanhi ng kakulangan ng angkop na imprastraktura sa ngayon. Kalimitang nagsisilbing evacuation centers ang eskwelahan, basketball court, o kaya’y multi-purpose hall ng komunidad. Karaniwan ay walang maayos na comfort room, walang gamot, walang supply ng malinis na tubig at pagkain, walang privacy, siksikan, kaya marami ang nagkakasakit. Mahirap na ngang maging biktima ng sakuna, mas napapahirapan pa sila.
Kapag nataon naman na may klase, naaantala ang pag-aaral ng mga estudyante dahil ginagamit ang mga silid-aralan. Apektado rin ang ibang mga gusali na pansamantalang nagiging tirahan ng evacuees.
Oras na para solusyunan ito! Titiyakin natin, hindi lang ang kaligtasan at kalusugan ng evacuees, kundi pati na ang kanilang dignidad upang mas mabilis silang makabangon.
Kaya naman isinulong natin sa Senado ang Senate Bill No. 2451, o ang Ligtas Pinoy Centers Bill. Base ito sa Mandatory Evacuation Centers Bill na ating nai-file noon. Layunin ng panukalang ito na sa bawat munisipalidad at siyudad ay magkakaroon ng dedicated at maayos na evacuation center. Ang inyong Senator Kuya Bong Go ang principal author at co-sponsor nito, na naipasa na sa pangalawang pagbasa noong Miyerkules.
Dahil ang Pilipinas ay laging dinadaanan ng natural disasters, kailangang maging mas handa tayo. Isinusulong din natin ang SBN 188, na naglalayong itatag ang Department of Disaster Resilience (DDR) upang may nakatutok bago pa man dumating ang kalamidad, habang nananalasa ito, sa rescue and recovery period, hanggang sa restoration of normalcy para matiyak na mas maayos ang koordinasyon ng mga sangay ng gobyerno.
Hindi natin mapipigilan ang mga kalamidad pero nasa kamay natin kung paano tutugon sa mga ito at kung paano matitiyak na ligtas ang bawat Pilipino. May kalamidad man o wala, hindi tayo tumitigil sa paglalapit ng serbisyo sa ating mga kababayan.
Noong September 19, bumisita tayo sa Camarines Sur at personal na pinangunahan ang pamamahagi ng tulong para sa 1,000 nawalan ng hanapbuhay sa Naga City, na sa ating inisyatiba ay nabigyan din ng pansamantalang trabaho. Sinaksihan natin ang pagdaraos ng Peñafrancia Voyadores Festival and Street Dance Competition sa paanyaya ni Mayor Nelson Legacion, at nagtungo tayo sa Naga Cathedral.
Nasa Lapu-Lapu City tayo kahapon, September 20, at nagkaloob ng tulong sa mga miyembro ng 23 kooperatiba sa ilalim ng isinulong nating programang Malasakit sa Kooperatiba katuwang ang Cooperative Development Authority. Dumiretso tayo sa bayan ng San Fernando, Cebu at nagbigay ng tulong para sa 656 na BHWs, nutrition scholars at fire victims katuwang si Mayor Mytha Canoy. Sa ating pagsisikap ay nakatanggap din ang mga benepisyaryo ng tulong pinansyal mula sa lokal na pamahalaan. Sinaksihan din natin ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa lugar na ating isinulong.
Sa araw ding iyon ay nagkaloob ng tulong ang aking opisina kasama ang ating kaibigang si Philip Salvador para sa 500 residente ng Cebu City na nawalan ng hanapbuhay, katuwang si Acting VM Dondon Hontiveros.
Mula Cebu ay bumiyahe tayo papuntang Davao City at muling inayudahan ang 382 residenteng naging biktima ng sunog. Nakatanggap din sila ng emergency assistance mula sa NHA sa ilalim ng programang ating isinulong para may pambili sila ng materyales sa pagpapatayong muli ng kanilang tahanan. Dumalo rin tayo sa PDP National Assembly na pinamunuan ng aming party chairman na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ipinadala ko naman ang aking Malasakit Team sa iba’t ibang komunidad para maghatid ng tulong sa ating mga kababayang nangangailangan tulad ng 17 residente ng Tagoloan, Misamis Oriental na naging biktima ng sunog.
Binalikan at muling inayudahan natin ang mga nawalan ng tahanan sa Davao del Norte kabilang ang tatlo sa Panabo City; anim sa New Corella; at 16 sa Island Garden City of Samal. May 51 naman sa Brgy. Culiat, Quezon City; at 66 sa Sta. Mesa, Manila. Dagdag pa riyan ang 189 residente sa Bacoor City, Cavite na ang tahanan ay nasira ng kalamidad. Sa ating inisyatiba ay nakatanggap din ang mga ito ng tulong pinansyal upang maipaayos ang kanilang mga bahay.
Nabigyan natin ng tulong ang 340 residente ng Caloocan City na kapos ang kita kasama ang sectoral leaders ng kanilang komunidad.
Tuluy-tuloy din ang ating pagsuporta sa mga nawalan ng hanapbuhay, na sa ating inisyatiba ay nabigyan ng pansamantalang trabaho ng gobyerno. Sa Davao del Sur, naging benepisyaryo ang 651 residente ng Digos City at 563 sa Padada katuwang si VG Riafe Cagas-Fernandez, mga board members, mayors, vice mayors at konsehal ng kanilang mga lugar.
Sa Batangas, nasuportahan natin ang 50 manggagawa sa Mataas na Kahoy kaagapay si VM Jay Ilagan; at 50 sa Nasugbu kasama si BM Armie Bausas. Sa Iloilo, 54 sa Miag-ao, katuwang si VM Doc Mac Napulan; at 88 sa Santa Barbara kaagapay si Coun. Ramon Sullano.
Mga manggagawa rin ang natulungan natin kabilang ang 306 sa Villanueva, Misamis Oriental katuwang si VM Jeric Emano, mga konsehal at mga kapitan ng barangay; 98 sa Pagudpud, Ilocos Norte kaagapay si Mayor Raffy Benemerito; 243 sa Calauag, Quezon kasama ang mga konsehal na sina Marlon Noscal, Melvin Labasan, Marina Umali, Mildred Villareal at ang kanilang 31 kapitan ng mga barangay; at 69 sa Brgy. Caniogan, Pasig City katuwang sina TODA President Enrico Tolentino at Andy Cheng. Dagdag pa rito ang mga natulungan nating 50 katao sa General Trias City, Cavite; 50 sa Binangonan, Rizal at 155 kababaihan sa Tantangan, South Cotabato.
Lubos akong nagpapasalamat sa ating mga kababayan sa patuloy na tiwala at suporta. Ito ay inspirasyon para lalo kong ipagpatuloy ang pagseserbisyo sa inyo. Hindi ko sasayangin ang oportunidad na ibinibigay ninyo sa akin, at sa abot ng aking makakaya ay patuloy kong ipaglalaban ang kapakanan ng bawat Pilipino at magseserbisyo sa aking kapwa lalo na sa mga mahihirap at pinakanangangailangan. Bisyo ko na ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.