ni Jasmin Joy Evangelista | December 19, 2021
Umabot na sa 75 katao ang nasawi dahil sa pinakamalakas na bagyong tumama sa Pilipinas ngayong taon, ang bagyong Odette.
Mahigit 300,000 katao naman ang apektado na nasira ang kabahayan at kabuhayan.
Marami ring linya ng kuryente at komunikasyon ang nasira ng bagyo sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon kay Bohol Governor Arthur Yap sa kanyang Facebook page, nasa 49 katao ang namatay sa kanilang lugar habang 13 ang sugatan at 10 ang nawawala pa.
"Communications are still down. Only 21 mayors out of 48 have reached out to us," pahayag ni Yap.
Libu-libong military, police, coast guard, at fire personnel ang naka-deploy na sa mga lugar na nasalanta upang magsagawa ng search and rescue operations.
Mayroon na ring ipinadalang mga heavy machinery – tulad ng backhoes at front-end loaders – upang ma-clear ang mga daan sanhi ng mga nagtumbahang puno at bumagsak na mga establisimyento.
Ayon pa kay Yap, isang Philippine Navy ship na may kargang goods at iba pang relief ang tutungo sa Bohol bukas, matapos nitong magdeklara ng state of calamity.
Nakapagdala na rin aniya ng libu-libong kahon ng tubig sa mga residente ng Bohol matapos mawalan ng suplay ng kuryente at tubig sa lugar.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang search and rescue operations at pamamahagi ng relief goods sa mga nasalanta ng bagyong Odette sa iba’t ibang panig ng bansa.