ni Lolet Abania | December 6, 2020
Nakatakdang durugin ang mahigit sa 35,000 tableta ng mga regulated drugs na diazepam at nitrazepam na umano’y ilegal na inimport sa bansa, ayon sa pahayag ng Philippine National Police (PNP) ngayong Linggo.
Ito ang naging direktiba ni PNP chief Police General Debold Sinas kay PNP Drug Enforcement Group (PDEG) director Police Brigadier General Ronald Lee na gawin sa nasabing drugs.
Inatasan din ni Sinas si Lee na makipag-ugnayan sa judicial authorities at mga ahensiya ng pamahalaan para sa agarang pagwasak ng drogang diazepam at nitrazepam.
Ang 35,343 tablets ng naturang droga ay nai-turn over na ng NAIA-Inter Agency Drug Interdiction Task Group sa PDEG noong Biyernes.
Ayon kay Lee, nasa pag-iingat na ng PDEG ang 26,170 tableta ng diazepam at 9,173 tableta ng nitrazepam kung saan nagkakahalaga ito ng P534,297.16.
Dagdag ni Lee, pawang mga highly regulated ang parehong drugs. Kabilang ito sa 1971 United Nations Single Convention on Psychotropic Substances under Schedule IV, at naglalaman ito ng addictive properties at nagbibigay din ng katulad na katangian.
Sinabi rin ng PNP official, matapos makumpiska ang mga tableta, napag-alamang wala itong license to operate at certificate of product registration mula sa Food and Drug Administration (FDA) at wala ring import permit mula naman sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ipinadala ang mga drugs ng isang "Muztaza and Brother" na nanggaling sa Pakistan at consigned sa International Medexchange Depot Inc. ng Zamboanga City, ayon kay Lee.
Nasabat ang kontrabando sa PAIR-PAGS Center sa Paranaque City ng Bureau of Customs (BOC), kung saan idineklara umanong "health care products".