ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 13, 2021
Nasabat ng awtoridad ang mahigit P15-million halaga ng hinihinalang ecstasy tablets sa Central Post Office, Quezon City noong Martes nang hapon.
Sa pagtutulungan ng Bureau of Customs NAIA, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG), nakumpiska ang 9,243 ecstasy tablets o party drugs na nakalagay sa tatlong parcels na may label na “baby clothes,” “handbag and shoes,” at “clothes”.
Inaresto ng awtoridad ang claimant ng naturang parcel na sina Michael De Guzman at Rowena Canapit. Si Canapit ay authorized representative ng consignee na si Glory Joy Buzeta.
Ayon sa record, sina Agner Buzeta at Victor Martis ang nag-ship ng mga produkto mula sa Netherlands.
Nadiskubre ang ecstasy tablets dahil sa kahina-hinalang resulta ng x-ray sa mga parcels kung kaya’t nagsagawa ng 100% physical examination ang awtoridad.
Pahayag naman ng Bureau of Customs (BOC), “The said discovery and seizure of illegal drugs were promptly coordinated with the Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) for the conduct of controlled delivery operation against the consignee and other responsible individuals for possible prosecution for violation of the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 in relation to Section 1401 of the Customs Modernization and Tariff Act.”