top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | January 8, 2022



Sa pambihirang pagkakataon, walang mga deboto sa Quiapo Church para sa Pista ng Itim na Nazareno ngayong Linggo.


Matatandaang sinuspende ang pagdaraos ng mga pisikal na aktibidad, kabilang ang mga misa, sa Quiapo Church bilang pag-iingat ngayong tumaas na naman ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa.


Bagaman may ilang debotong nagtangkang lumapit sa simbahan, pinauwi rin sila ng mga nakabantay na pulis.


Ayon kay Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa misa na kanyang pinangunahan nitong Linggo ng madaling araw, sinabi niyang si Hesus ang lumalapit sa mga deboto, sa kanilang mga pamilya at tahanan kaya hindi kailangang lumapit ng mga deboto sa imahe ng Nazareno.


Naiintindihan umano ni Hesus ang pinagdadaanan ng mga Pilipino ngayong panahon ng pandemya.


Samantala, tuloy-tuloy ang online mass kada oras hanggang mamayang 9:00 p.m.

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | January 3, 2022



Pansamantalang isasara sa publiko ang Minor Basilica of the Black Nazarene o mas kilalang Quiapo Church, mula Enero 3 hanggang 6, 2022.


Ito ay dahil sa muling pagsipa ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa.


Sa isang video advisory na ibinahagi ni Rev. Fr. Douglas Badong sa Facebook, hinikayat niya ang mga deboto na huwag muna pumunta sa simbahan sa nasabing mga araw.


"Mula January 3 hanggang January 6 ay hindi po muna natin pahihintulutan ang pagpasok sa loob ng simbahan ang mga deboto. Kung maari ay huwag na munang pumunta sa simbahan ng Quiapo," ani Badong.


Muling magbubukas ang simbahan sa Enero 7.


Ang three-day closure ng simbahan ay upang magsagawa ng disinfection bilang paghahanda sa nalalapit na kapistahan ng Itim na Nazareno.


"Ito ay pakikiisa ng Simbahan para maiwasan ang paglaganap ng hawaan ng COVID at makapagbigay-daan po tayo para sa paglilinis, pagdi-disinfect ng simbahan at ng paligid nito bilang paghahanda na rin natin sa napakahalagang araw para sa ating mga deboto," pahayag pa ni Badong.


Isinailalim ng gobyerno ang Metro Manila sa Alert Level 3 mula Enero 3 hanggang 15, 2022 dahil sa muling pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19

 
 

ni Jasmin Joy Evangelista | December 28, 2021



Sinimulan na kahapon ang taunang pagbabasbas sa mga replica ng Itim na Nazareno sa Minor Basilica of the Black Nazarene (Quiapo Church) sa Maynila.


Ayon kay Quiapo Church parochial vicar Fr. Douglas Badong, ginawang 3 araw ang pagbabasbas upang maiwasan ang dagsa ng mga deboto.


"Iyong dating 1 araw lang natin ginagawa, para maiwasan ang ating pagdidikit-dikit at masunod pa rin natin ang physical distancing, ay ginawa nating 3 araw," ani Badong.


Samantala, sinimulan na rin kahapon ang paglabas sa mga imahen ng Nazareno sa Quiapo Church para dalhin sa mga probinsiya.


"Nasa Atimonan, Quezon... at bukas naman ay bibiyahe iyong isang pa-north, papunta naman ng Baguio Cathedral," ani Badong.


Sa Disyembre 30 naman magkakaroon ng thanksgiving procession ang Nazareno sa rutang dinadaanan ng Traslacion.


Sa Disyembre 31, magsisimula naman ng alas-5 ng madaling araw ang mga Misa na idaraos kada oras hanggang alas-6 ng gabi.


Alas-8 ng gabi naman isasagawa ang Misa para sa bisperas ng Bagong Taon sa Quiapo Church.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page