top of page
Search

ni Angela Fernando - Trainee @News | January 5, 2023




Mas bumaba ang inaasahang bilang ng mga taong dadalo sa Kapistahan ng Itim na Nazareno kumpara sa mga dumalo bago magsimula ang pandemya, ayon sa ulan ng pulisya nitong Biyernes.


Pahayag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Brigadier General Melencio Nartatez Jr., kahit na mas maluwag na ngayon ang patakaran para sa COVID-19, mas mababa pa rin ang numero ng mga taong dadalo sa nasabing Kapistahan bago pa  nagkaroon ng pandemya.


Dagdag pa niya, ang tinatayang dami ng tao sa Simbahan ng Quiapo nu'ng Enero 4, 2024, ay nasa 15,000 matapos niyang personal na bisitahin ang lugar.


Matatandaang nasa 10,000 katao naman ang dumagsa sa nasabing simbahan nu'ng Enero 3.


 
 

ni Lolet Abania | April 10, 2022



Isasagawa ang prusisyon ng Itim na Nazareno sa Biyernes Santo, Abril 15, sa pamamagitan ng isang motorcade na susundan ng parehong mga ruta sa Traslacion, ayon sa opisyal ng Quiapo Church ngayong Linggo.


“Lalabas ang Nazareno sa Biyernes Santo pero motorcade ang Nazareno. Hindi po ito hihilahin o maglulubid. Hindi ito sasampahan ng mga hijos o ng mga deboto. Sana maintindihan ng mga deboto na pupunta sa Biyernes,” sabi ni Quiapo Church parochial vicar Fr. Douglas Badong sa isang interview.


Binanggit ni Fr. Badong na ang magiging mga ruta ng Black Nazarene motorcade ay katulad sa normal na ruta na ginagawa sa panahon ng Traslacion.


Ang Traslacion ay isang taunang religious event ng mga debotong Katoliko kaugnay sa tradisyunal na prusisyon ng Itim na Nazareno mula sa Quirino Grandstand pabalik ng Quiapo Church.


“12 midnight ang alis sa Quiapo Church. Lahat ay dapat naka-face mask na sasama sa motorcade at dini-discourage natin ‘yung naka-paa,” paalala ni Fr. Badong.


Matatandaang ang tradisyunal na Traslacion ay muling nakansela, kung saan ikalawang magkasunod na taon ito na hindi isinagawa dahil sa pandemya ng COVID-19.


Sinabi naman ni Fr. Badong na ipinagpatuloy na ng Simbahan ng Quiapo ang karamihan sa kanilang mga aktibidad, partikular na ang Semana Santa. Ang aktibidad na ito ay natigil ng mahigit sa dalawang taon dahil sa panganib ng COVID-19.


“Magkakaro’n ng Senakulo ang mga kabataan. Sa muling pagkakataon, makakapagpalabas na sila ulit under the new normal kasi nga tinitiyak natin ‘yung kaligtasan nila,” saad ni Fr. Badong.


Gayunman, sa kabilang na ang National Capital Region (NCR) ay isinailalim na sa Alert Level 1, aniya, hindi pa rin ipinatutupad ng Quiapo Church sa Manila ang 100% capacity sa loob ng simbahan.


 
 

ni Lolet Abania | January 9, 2022



Nagpahayag ng pag-asa si Pangulo Rodrigo Duterte para sa pagkakaisa at patuloy na panalangin sa recovery ng bansa at higit na kagalingan ng sangkatauhan, sa kanyang mensahe ngayong Linggo na inisyu kasabay ng pagdiriwang ng Pista ng Poong Itim na Nazareno.


"Although we may not be able to take part in the usual Traslacion activities that have marked the celebration for centuries, let us keep on demonstrating our faith by praying for our country's recovery and for humanity's complete healing, especially from the ill effects of the COVID-19 pandemic," ani Pangulong Duterte.


"As a predominantly Catholic nation, may we remain united in spirit and in truth as we continue to build a future that is truly blessed with peace, prosperity, love and goodwill for all," dagdag niya.


Ang Pista ng Itim na Nazareno ay ipinagdiriwang ngayong Linggo, Enero 9, subalit dahil sa pagtaas ng COVID-19 cases, ang taunang Traslacion, ang prosesyon ng imahe ng Black Nazarene mula Quirino Grandstand hanggang Quiapo Church ay kinansela.


Una nang hiniling ni Pangulong Duterte, ang suspensyon ng mass gatherings, kabilang ang tradisyunal na Traslacion at misa para sa Itim na Nazareno, sanhi ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 infections sa bansa.


"This venerated religious tradition, which commemorates the transfer of the image of Jesus Christ from its original place in Intramuros to its current shrine in Quiapo, is also a precious time for every devotee to understand the value of suffering and its saving grace," saad ng Pangulo.


Magugunitang ang traslacion ay nagsimula noong Enero 9, 1787, bilang pagsunod sa order ng noo'y si Archbishop Basilio Tomas Sancho de Santas Justa Y Rufina.


Gayunman, isinara ang Quiapo Church mula Enero 7 hanggang 9 para maiwasan ang pagdagsa ng mga debotong pupunta rito.


Sa kabila nito, marami pa ring mga deboto ang sinubukan na magtungo sa Quiapo Church ngayong Linggo, kung saan ilan sa kanila ay nagdasal na lamang sa tabing kalsada malapit sa simbahan.


Ayon naman sa opisyal ng simbahan, ang mga deboto ay maaaring manood na lamang ng mga misa na streamed online.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page