ni Lolet Abania | June 18, 2022
May napili na si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mamumuno sa National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at sa Bureau of Internal Revenue (BIR) sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Ayon kay incoming Press Secretary Rose Beatrix Cruz-Angeles, in-appoint ni P-BBM si Lilia Guillermo bilang susunod na head ng BIR, kung saan siya rin ay naging dating deputy commissioner ng ahensiya.
Si Guillermo ay kasalukuyang assistant governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), at head ng technology and digital innovation unit habang nangangasiwa rin sa IT modernization plan ng central bank.
“Guillermo is cited for successfully implementing the Philippines Tax Computerization Project, which established a modern tax collection system for the BIR and the Bureau of Customs,” saad ni Angeles. Napili rin ni Marcos ang tax lawyer na si Romeo “Jun” Lumagui Jr. bilang incoming deputy commissioner ng ahensiya. Dati nang pinamunuan ni Lumagui ang regional investigation division ng Revenue Region No. 7B East NCR.
Samantala, napiling italaga ni P-BBM si retired Philippine National Police (PNP) Deputy Director General Ricardo de Leon bilang incoming NICA director-general upang pamunuan ang intelligence gathering ng bansa.
Nagsisilbi rin ang NICA bilang secretariat sa Anti-Terrorism Council ng bansa at one cluster ng anti-insurgency task force.
Si De Leon ay kasalukuyang pangulo ng Philippine Public Safety College, na siyang humahawak ng training ng mga police officer cadets, police rookies, fire at jail personnel.
Miyembro rin si De Leon ng Philippine Military Academy (PMA) Matatag Class of 1971. Noong 2004, sa ilalim ni dating Pangulo Gloria Macapagal-Arroyo, siya ay na-designate na commander ng Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force.