ni MC @Sports News | Oct. 25, 2024
Nangunguna si MTB standout John Andre Aguja (dulong kaliwa) ng Go For Gold Cycling Team sa men’s junior MTB category ng Go For Gold Criterium Race Series 3. Naroon din sa award ceremony si Go For Gold founder Jeremy Go (nakatayo, dulong kaliwa. Photo: (G4Gpix)
Pinagharian ni Aidan James Mendoza ang makasabog-bagang madulas na ruta para kunin ang men’s elite title ng Go For Gold Criterium Race Series 3 na idinaos sa General Santos City. Ang matapang na sprinter ng Go For Gold Continental Cycling Team ay agad kumalas sa peloton bagamat kasagsagan ng malakas na ulan hanggang sa unahan ang isa pang sprinter na si Jun Rey Navarra sa makapigil-hiningang pagtatapos.
Pumangatlo si Marc Ryan Lago, isa ring Go For Gold Continental Cycling Team standout, 4 na segundo ang agwat sa kampeon na nakatawid sa meta, kaya doble ang selebrasyon ng squad sa podium.
"Masarap ang pakiramdam na naipanalo namin itong karera para sa Go For Gold,’’ sabi ni Mendoza nang maorasan ng 45 minutes at 56 seconds at makumpleto ang 1.4-kilometer loop sa harap ng city hall kung saan 40 minutong inikutan ng peloton sa dagdag na 3 laps.
"Sa umpisa pa lang alam kong magiging mahirap kaya ginawan ko agad ng paraan para kumawala,’’ dagdag ng 25-anyos na multiple podium finisher sa international races, kabilang na ang katatapos na 3rd place sa Tour of Thailand.
Ipinagmalaki rin ang MTB junior rider na si John Andre Aguja ng Go For Gold nang kunin ang MTB junior men’s crown habang si Kate Yasmin Velasco ng Standard Insurance ay nagreyna sa women’s open matapos ang 25 minutes plus three laps race.
"Our races are organized to give more opportunities for our local riders. For sure we will have more legs next year where we can hopefully find more upcoming cyclists,’’ ani Go For Gold founder Jeremy Go.
Nanguna rin si Go For Gold’s Marvin Mandac sa men’s junior race sa loob ng 20 minutes at 47 seconds, tinalo si teammates Aguja (10 seconds na kabuntot) at Justhene Navaluna na may agwat na 12 seconds. Magilas si Kathlene Dela Vega sa women’s junior division sa kanyang high-speed finish.