ni Ronalyn Seminiano Reonico | May 9, 2021
Aabot sa 200 armadong miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang nakaengkuwentro ng mga militar sa public market sa Datu Paglas, Maguindanao noong Sabado.
Ayon kay Lt. Col. John Paul Baldomar ng 6th Infantry Division, inokupa ng BIFF na nasa ilalim ng Kagui Karialan faction ang naturang public market at hindi umano pinaalis ng mga rebelde ang mga nagtitinda at sibilyan sa naturang lugar.
Sumuko naman ang mga gunmen noong hapon matapos ang palitan ng putok ng baril at tumakbo sa mga kabundukan ng Maguindanao at Sultan Kudarat. Wala ring naiulat na nasawi sa hanay ng militar.
Kinumpirma naman ni Abu Jihad ng BIFF na ang mga gunmen ay kasapi ng Kagui Karialan faction ngunit aniya ay walang balak okupahin ng grupo ang Datu Paglas.
Saad pa ni Jihad, “Our men were there to rest and were about to return to our camps when soldiers arrived and started firing at us.”
Samantala, ayon kay Mayor Abubakar Paglas, mahigit 5,000 residente ang inilikas habang patuloy na nagsasagawa ng clearing operations sa naturang lugar. Ayon kay Baldomar, natagpuan ang 4 na improvised bombs na kaagad namang na-deactivate ng awtoridad.
Daan-daang motorista at pasahero rin ang na-stranded dahil isinara ang Datu Paglas-Tulunan highway at binuksan lamang matapos makontrol ng tropa ng pamahalaan ang sitwasyon.