ni Nitz Miralles @Bida | Oct. 8, 2024
Si Lolit Solis lang pala ang makakapagpaamin kay Kobe Paras ng status ng relasyon nila ni Kyline Alcantara.
Nai-post ni Lolit ang encounter nila ni Kobe kung saan sinabi niyang mas bagay sa anak ni Benjie Paras ang girlfriend na ka-level nina Sharon Cuneta at Kris Aquino.
Ang sagot daw ni Kobe, “Please, walang bastusan. Kyline is my girlfriend,” sabay irap at talikod diumano. Hindi raw nagpaalam sa kanya si Kobe at umalis na.
O, ‘di ba, kung hindi pa sa pang-ookray ni Lolit kay Kyline, hindi mapapaamin si Kobe na GF niya ang Kapuso actress?
Ang lagi nitong sinasabi kapag natatanong sa kanilang dalawa ay “We’re just good friends” at sinabi naman niya ito sa first interview nila ni Kyline. ‘Yun daw ang lagi niyang line na of course, nagbibiro dahil alam naman kung mag-ano sila.
Sa susunod na mainterbyu si Kobe, sasabihin na siguro ang real status nila ni Kyline. Babaguhin na rin siguro ng Shining Inheritance (SI) actress ang linyahan niyang, “I don’t owe anyone an explanation” dahil umamin na si Kobe.
Sa interview pala ni Lhar Santiago kina Kobe at Kyline, nabanggit ni Kobe na ang mga mata ni Kyline ang pinakagusto niyang feature nito. Ang eyes daw ng GF ang una niyang napansin agad sa first meeting nila at kinainlaban na rin.
Maiinis din tiyak si Kobe sa mga netizens na sobra ang panlalait kay Kyline dahil hindi nila gets kung bakit siya minahal ng basketbolista. Wala raw magandang magagawa si Kyline para sa kanya.
Hindi alam ng mga ito na dahil kay Kyline, babalikan ni Kobe ang basketball dahil sinabi ng aktres sa BF na balikan ito dahil doon siya magaling.
Pati ang pagpapagupit ng buhok ni Kobe, impluwensiya rin ni Kyline dahil sinabi nito sa kanya na he will look better at mas guwapo with short hair. Kaya ayun, nagpagupit si Kobe at tama ang nakararami, he looks better with short hair.
Hindi na kailangan ng caption sa post ni Gardo Versoza tungkol sa naging pahayag ng late Comedy King na si Dolphy kaugnay sa pagpasok niya sa pulitika.
Nataranta rin siguro si Gardo sa dami ng mga taga-pelikula na papasok sa pulitika at nakita naman natin na nag-file sila ng Certificate of Candidacy (COC).
Sabi noon ni Dolphy, “Kung ako ay papasok sa pulitika, isa lang ang ikinatatakot ko, ito ay ang “manalo” dahil ‘pag nandoon na ako, baka mapahiya lang ako kasi hindi ko alam ang gagawin ko, at sayang lang ang pagboto sa akin ng mga tao.”
Kasamang ipinost ni Gardo ang comment na, “Sa mga tatakbo sa 2025, lalung-lalo na ang mga artista at sports icons, dapat bang maging gabay ang sinabi ni Dolphy?”
Marami ang nag-comment at nag-agree sa post na ito ni Gardo at may dumepensa rin sa mga artista at sports icons na tatakbo.
May nagtanong din kung hindi ba nagtampo kay Gardo Versoza ang mga kaibigang artista na tatakbo sa 2025 midterm elections dahil sa post niyang ito?
PAREHONG present sa mall show nina Alden Richards at Kathryn Bernardo para sa movie nilang Hello, Love, Again (HLA) sa Ayala Mall Solenad sa Nuvali, Sta. Rosa sa Laguna ang kani-kanyang pamilya nila.
Kaya lang, parang hindi nagkita ang mom ni Kathryn na si Min Bernardo at dad ni Alden na si Daddy Bae dahil wala silang photo together.
Kasama ni Daddy Bae ang anak na si Angel at sa taas ng mall sila pumuwesto. Si
Min, kasama ang kapatid ni Kathryn at apo nitong si QQ at sa activity center kung saan ginanap ang mall show sila pumuwesto, kaya nakita sila ni Alden.
In fact, may photo na karga ni Alden si QQ at magkakasama sila ng mom at sister ni Kathryn. Karga pa rin ni Alden si QQ nang ihatid sila sa kanilang car at ang tsika ng mga fans, “Tito Tisoy” at “Onong Alden” ang tawag ni QQ sa aktor. Ang ibig sabihin ay
“Ninong Alden” na posibleng mangyari kung ‘di pa nakukumpilan ang bagets.
Sa Oct. 8 ang susunod na mall show nina Alden at Kathryn at sunud-sunod ang mall shows nila. Aabot sila sa Cebu, Iloilo, GenSan at iba pang parte ng NCR to promote their movie.
Inilabas na rin ang official poster na mixed ang reactions ng mga fans at mga bashers ng dalawa.
Ang susunod na aabangan ay ang official trailer ng movie na dapat na talagang mapanood. Inuunahan kasi ng mga bashers ang story ng movie, may pinatay silang main character kahit hindi pa napapanood ang movie ni Direk Cathy Garcia-Sampana.