ni Nitz Miralles @Bida | Jan. 5, 2025
May galit siguro kay Barbie Forteza ang mga nagko-comment na kahit single si David Licauco at kahit break na sina Barbie at Jak Roberto, hindi pa rin daw ibig sabihin, liligawan at magiging couple sina Barbie at David.
Hindi raw bagay ang dalawa. Hindi raw si Barbie ang type ni David. Kikay daw si Barbie, galawgaw, makuwento at galing sa simpleng pamilya. Si David daw ay yayamanin, tahimik at hindi pala-salita.
Dagdag pa ng mga pala-desisyon, Chinese si David at gugustuhin ng pamilya nito na tulad nila ang maging GF at mapangasawa ng aktor.
Kontra-comment ng isang netizen, bakit ang ex-GF ni David, hindi naman Chinese, pero galing nga sa mayamang pamilya. Saka, hindi rin Chinese ang Kapamilya actress na kinainlaban ni David noong nasa ABS-CBN pa siya at jologs nga raw ito.
Unfair kay Barbie ang mga ganitong tsika at tama ang mga fans nito sa depensa sa aktres na hindi man mayaman ang pamilya ng aktres, hardworking ito at masipag.
Maka-pamilya rin ito at kinaya ngang magpagawa ng bahay para sa mga magulang at two years niyang tinrabaho at binuno bago makalipat sa bahay nila ngayon na katas ng kanyang sipag at husay sa pag-arte.
Tanong pa ng mga fans ni Barbie, bakit ang dami agad pagda-down sa aktres, hindi naman daw siya nililigawan ni David? Hindi naman daw si Barbie ang binanggit ni David na naghahanap siya ng girlfriend after his breakup sa last GF niya.
Sinabi niya ito sa livestream launch ng new coffee business niyang Good Drip.
“Maghahanap ng bagong girlfriend,” ang eksaktong sinabi nito.
Pero, paano kaya kung in the near future, maging sina Barbie at David nga? Mapapahiya ang mga judgmental na inunahan na ang pagsasabing hindi magugustuhan ni David si Barbie dahil iba ang type niya sa babae.
BALIK-INSTAGRAM na si Maris Racal matapos ang cheating scandal nila ni Anthony Jennings. Pero hindi sa regular IG account niya siya nag-post, at kaya siya nagparamdam, para i-promote ang pelikula niyang Sunshine na may screening sa Palo Spring International Film Festival (PSIFF).
Sa IG Story niya ipinost ang announcement at screening schedule ng kanyang movie na maganda ang review sa Sunshine at sa acting niya.
Nakasulat na sold-out ang January 4 screening at siguradong magso-sold-out din ang iba pang screening schedule ng movie.
May post-screening Q&A rin with Direk Antoinette Jadaone, ang writer at director ng movie. Parang hindi kasama si Maris sa Q&A. Sana raw, isinama siya sa Q&A at nami-miss na siya ng kanyang mga fans.
Malapit na rin ang streaming sa Netflix ng Incognito at airing ng action-packed series sa Kapamilya Channel. Magsisimula na rin ang cast sa promo ng series at wish ng mga fans ni Maris na isama siya. Gusto nilang makita ang aktres na matagal nang hindi nagpaparamdam.
Gagawing action star tulad ni Ruru…
MIGUEL, PANTAPAT NG GMA-7 KAY COCO
BUKAS na ang premiere ng Mga Batang Riles (MBR) kung saan ipakikilala si Miguel Tanfelix bilang young action star. Siya si Kidlat Asuncion, lider ng mga katulad niyang laki sa hirap na kinabibilangan nina Kokoy de Santos as Kulot Canlas, Raheel Bhyria as Sig Borja, Bruce Roeland as Matos Victor, at Antonio Vinzon as Dagul Moreno.
In fairness kina Miguel, dumaan sila sa matinding training sa ilalim ni Ronnie Ricketts at pati parkour ay nag-training sila.
Tiniyak ng GMA Entertainment Group na hindi mapapahiya sina Miguel sa mga viewers na manonood at susubaybay sa action-packed series.
Kahit marami silang bida, si Miguel ang magdadala sa series, siya ang ituturo kapag hindi naging maganda ang ratings nito. Si Miguel din ang mape-pressure dahil ang Batang Quiapo (BQ) ni Coco Martin ang makakatapat nila.
Dagdag na pressure rin kay Miguel ang sinasabing ibini-build-up siya ng GMA gaya sa pag-build-up kay Ruru Madrid na kinikilala nang action star ngayon.
Maabot kaya ni Miguel ang status ni Ruru ngayon?
Sa direction ni Richard Arellano at associate director na si Ralfh Manuel Malabuga, malaki ang cast ng MBR at may special participation si Direk Laurice Guillen.