ni Nitz Miralles @Bida | May 20, 2024
Sa halip na matuwa, nainis ang mga fans nina Kathryn Bernardo at Alden Richards na wala pa mang 6 PM kagabi, may mga nag-post na ng mild spoiler sa story ng part 2 ng Hello, Love, Goodbye (HLG).
Ang magiging title na raw ng movie ay Hello, Love, Again (HLA) at sa Canada ang location.
Asar ang mga fans dahil inunahan daw ang formal announcement ng Star Cinema at GMA Pictures na nakabawas ng excitement.
Pero kahit naman may spoiler na, siguradong tumutok pa rin sa announcement lalo na ang KathDen (Kathryn at Alden) fans.
Nabasa rin namin na sa November 13, 2024 ang theatrical release ng movie, hindi siya pang-2024 Metro Manila Film Festival. May international release ito dahil hindi pa man kumpirmado ang balita, marami na ang nagre-request ng international release.
Sa formal announcement kagabi tungkol sa movie, sana ay nasagot ng mga kinauukulan kung bakit nag-collab ang Star Cinema at GMA Pictures. May mga ayaw sa first collab na ito at ang nabasa naming rason, baka akuin daw ng GMA Pictures at ni Alden na sila ang rason kapag kumita ang movie.
Napakababaw na rason at ang galit pa rin nila kay Alden at sa GMA Pictures ang dahilan.
Kasama rin sa lumabas na mild spoiler na si Direk Cathy Garcia-Sampana pa rin ang director ng Hello, Love, Again, kaya mali ang tsika na hindi na siya ang director. Ang wish ngayon ng mga fans, sana, the same cast ng HLG ang makasama sa HLA.