ni Nitz Miralles @Bida | Mar. 31, 2025
Nagtuturuan ang mga supporters nina Ashley Ortega at AC Bonifacio kung sino sa dalawa ang rason sa kanilang pagkaka-evict sa Bahay ni Kuya.
Ang dalawa ang first evictees sa Pinoy Big Brother (PBB) Celebrity Collab Edition. May naniniwalang si AC lang ang dapat na-evict, nadamay lang daw si Ashley and vice-versa.
Isa sa magagandang nangyari kay Ashley sa pagiging part ng PBB ay mukhang magkakabati na sila ng kanyang mom. May letter ito sa kanya at sinabing napatawad na siya kung anumang kasalanan ng aktres.
Akala nga namin, ang mom niya ang sasalubong kay Ashley paglabas niya sa Bahay ni Kuya, pero ang sister niya ang nandu'n.
Nagpasalamat si Ashley sa mga sumuporta sa kanya habang nasa PBB. Sa mga nagmahal daw sa kanya, salamat. Nangako itong sasagutin ang mga nag-message sa kanya kung kaya niya.
“Kailangan ko munang i-process ang lahat ng nangyari. Thank you sa love and support and I hope I got to inspire a lot of people,” sabi nito.
May pa-welcome post din si Mavy Legaspi kay Ashley, “So proud of you @ashleyortega. I am so happy the people got to know you better...and they love you! Welcome back to the outside world honey bunny! A girl like you? So lovable.”
Kinontra ng mga bashers ni Ashley ang post ni Mavy, lalo na sa lovable part. Pareho raw maarte at ma-attitude sina Ashley at AC.
Ang sagot ni Mavy ay i-post ang number three na pagte-trending ni Ashley sa X (dating Twitter) with 96.8K posts.
Kasunod nito ang comment na, “Enough said. Goodnight world, goodnight Philippines.”
Wala pang reaction ang mga netizens sa last post ni Mavy pero for sure, magkakaroon.
Naka-post sa Instagram (IG) account ng Sparkle GMA Artist Center ang photos ni Alden Richards sa contract signing ng partnership ng company niyang Myriad Corporation at ng Viva Group of Companies. Kinongratyuleyt pa nila si Alden sa bagong ganap sa pagiging businessman nito.
Ayon sa IG post, “Congratulations to CEO and Asia’s Multimedia Star Alden Richards and @myriad corp01 on their exciting new partnership with VIVA. Get ready for new concerts, ventures, and projects coming your way.”
Nilinaw ni Alden na ang partnership niya sa Viva ay for business only, as Richard Faulkerson dahil bilang si Alden Richards, may exclusive contract pa rin siya sa GMA.
In fact, pinasalamatan nito ang GMA at Sparkle sa suporta sa mga business ventures niya na parami nang parami.
Kaya mali ang sinasabi ng mga netizens na baka magtampo ang GMA at si Atty. Annette Gozon-Valdes kay Alden dahil sa pakikipag-partner sa Viva. Baka nga maging ka-collab pa ng Viva at Myriad Entertainment ang GMA Pictures sa gagawing movie nina Alden at Julia Barretto.
And speaking of Alden, bumisita na siya sa ice plant ng Mr. Freeze Ice King, na pinasok na rin niya. May video na makikita si Alden na nagsasahod ng ice sa sako para i-deliver sa mga nag-order.
NAGKAROON pala ng gig sa Bonifacio Global City (BGC) High Street noong March 29 ang Sinagtala Band nina Rhian Ramos, Rayver Cruz, Matt Lozano at Glaiza de Castro.
Busking Jam session ang nangyari na ipinag-enjoy ng mga nakapanood sa kanila. Wala si Arci Muñoz at nasa abroad yata that time.
May mga nagre-request na ulitin ng Sinagtala Band ang kanilang busking bago ang showing ng Sinagtala the Movie sa April 2. Marami ang late na nabasa ang announcement at hindi na sila nakapunta sa BGC High Street.
Ang request ng mga fans, another busking event at in-announce raw sana in advance para sila ay makapunta.
Maganda ang pelikula, tama ang tawag ng cast at ni Director Mike Sandejas na very inspiring ito at marami ang nabitin sa ending.
Tama lang na magkaroon ito ng part 2 at part 3, kaya lang, kailangan munang kumita ang Sinagtala the Movie bago magka-part 2 at 3.
Musical film ito, may drama at gusto namin ang new songs na isinama sa movie, lalo na ‘yung Forever Blue (FB) na duet nina Rayver at Rhian. Ang request ng mga fans, i-release ito ng single, pati na ang buong OST ng movie.
Magugulat ang mga moviegoers na mga musikero palang tunay ang cast at narinig nga namin ang comment nang mag-perform ang lima na ang astig daw pala maggitara nina Glaiza, Matt at Arci. Nagulat din sila na mahusay sa drums si Rhian at si Rayver, hindi lang dancer, singer din.