ni Nitz Miralles @Bida | June 11, 2024
Nagkamali ng banggit ng news show si Vice Ganda sa It’s Showtime (IS) last Saturday (June 8). Sa halip na 24-Oras, ang nabanggit ni Vice ay TV Patrol ng ABS-CBN, eh, sa GMA-7 umeere ang noontime show.
Kausap ni Vice ang guest nilang si Rita Daniela sa segment ng IS na EXpecially For You at pinansin ni Vice ang magandang boses ni Rita. Sa kuwentuhan ng dalawa, dito nga nagkamali ng banggit si Meme Vice.
Sey ni Meme, “Ang ganda ng boses nito. Bakit hindi ka mag-TV Patrol? Pero ikaw ‘yung nagre-report.”
Sinundan pa ng co-host na si Jhong Hilario ng, “Puwede sa Star Patrol.”
Biglang bawi si Vice at binanggit ang 24-Oras at tinanong nito si Jhong kung bakit TV Patrol ang nabanggit nila.
Kasunod nito ang pagso-sorry ni Vice kay Atty. Annette Gozon-Valdes.
Ani Vice, “Ma’am Annette, I’m sorry,” pagkatapos, nagtawanan sina Vice, Jhong, Rita at ibang hosts ng IS.
Sey pa ni Vice, “Baka mabawi ‘yung imbitasyon natin sa GMA Gala. Masasayang ‘yung gown na ipinagawa ko.”
So, dadalo ang mga taga-IS sa GMA Gala 2024 sa July. Makakapag-sorry nang personal si Vice at tila lahat na ng hosts ng show ang dadalo.
Well, kahit isang araw lang ay sumaya at nagtawanan sila sa show na controversial ngayon.
MAUUNA pala ang streaming sa Netflix ng Pulang Araw bago ang premiere ng historical drama sa GMA-7. In-announce na ng NetflixPH ang… “Pulang Araw streaming first on Netflix. July 26.”
Bukas, June 12, ang first teaser drop ng series in time for Philippine Independence Day at marami na ang excited na mapanood kahit teaser pa lang. Tatakbo ng 20 weeks ang historical drama na mula sa direction ni Dominic Zapata at head writer naman si Suzette Doctolero.
Ibinalik ang Manila nu’ng panahon ng World War 2 at dito pa lang, excited na ang mga viewers. Malakihan ang budget ng series at malaki ang cast at sa Death March scene pa lang, libo na ang mga talents na kinuha para sa makasaysayang eksena na ‘yun.
Kabilang sa main cast sina Alden Richards, Barbie Forteza, Sanya Lopez, David Licauco at Dennis Trillo na first time gaganap na kontrabida.
Sabi nito, matagal niyang hinintay na mabigyan ng kontrabida role at dumating na nga.
Sey ni Dennis, “Matagal ko na ring hinihintay ‘tong ganitong klaseng project, ganitong kabigat na character. May konting pressure pero mas du’n ako sa importansiya sa pagkakaroon ko ng challenge bilang artista. Sa dami na ng nagawa ko, kailangan ko ng isang mabigat na role na mag-iisip ako at pag-iisipan ko bawat kilos, bawat galaw, bawat dialogue, excited ako sa ganu’n.”
First time ring makakasama ni Dennis si Alden na kung excited ang una, mas excited ang huli. Nabanggit nga ni Alden na sa first day taping nila, na-pressure siya dahil ang magaling na si Dennis Trillo ang kanyang kaeksena. Isang malupit na Japanese soldier ang role ni Dennis at guerilla naman ang role ni Alden.
Bukod sa Pulang Araw, may international series ding gagawin si Dennis at dark character din ang gagampanan niya sa Severino: The First Serial Killer. Ito ang mga klase ng role na hinintay ni Dennis at masaya siyang ginagawa at gagawin ito.
PANAY ang paayuda ni Paulo Avelino sa mga KimPau (Kim at Paulo) fans nila ni Kim Chiu na photos sa mga ganap nila sa Dubai para sa Kapamilya Kalayaan Karavan 2024.
Kilig na kilig ang mga fans sa photo na mine-make-up-an ni Kim si Paulo at ‘yung isa namang photo, titig na titig si Paulo habang tumatawa si Kim.
May photo rin na tatakbo o galing na sa pagtakbo sina Paulo at Kim at ang mga ganu’ng larawan ay galawang magdyowa na raw.
In fact, may tumatawag na kay Kim na ‘Mrs. Kimberly Chiu Avelino’. May sobrang advanced ding mag-isip at alam na ‘Mom and Dad’ ang magiging terms of endearment ng dalawa.
Anyway, tuloy ang pagpapakilig nina Paulo at Kim dahil sa June 15, nasa Market! Market sila dahil fans day ito para sa What’s Wrong with Secretary Kim. Umaasa ang mga fans na kung gaano sila ka-sweet sa Dubai, ganu’n din sila ka-sweet sa June 15.