ni Nitz Miralles @Bida | July 1, 2024
Tututukan daw talaga ni Dingdong Dantes at ng buong AKTOR PH na ma-nominate si Vilma Santos at maiproklamang National Artist for Film and Broadcast Arts. Malakas daw ang pananampalataya niya na maibibigay kay Vilma ang naturang parangal.
“The nomination is worth it,” sabi pa ni Dingdong.
Nabanggit pala ni Dingdong na hindi niya maintindihan kung bakit malakas ang impact ni Vilma sa kanila ng asawang si Marian Rivera. Ninang nila sa kasal si Vilma, pero hindi pa niya nakakasama sa pelikula ang aktres and yet, ang feeling niya, nakatrabaho na niya ito.
Ayon kay Dingdong, “Siguro dahil napapanood ko ang movies n’ya, kaya ang feeling ko, kilalang-kilala ko na s’ya. Sana nga, makasama ko s’ya sa movies at gusto ko, drama ang project na gawin namin.”
Samantala, mukha namang pinaghahandaan ni Dingdong at ng GMA ang pagtatapat ng Family Feud at Wil to Win na ang host naman ay si Willie Revillame.
Ia-announce ang cash prizes na mapapanalunan ng mga viewers ng show ni Dingdong, pantapat sa big prizes na ipamimigay ng show ni Willie.
Sa July 15, 5:00 PM ang pilot ng Wil to Win at one and a half hour ang airing time. Masasagasaan nito ang show ni Dingdong Dantes na nagsisimula ng 5:40 PM hanggang 6:30 PM.
WALA si Vilma Santos sa pa-presscon ng AKTOR PH para gawing pormal ang nominasyon sa kanya para sa National Artist Award for Film and Broadcast Arts.
Nasa ibang bansa raw ngayon si Vilma at sa pagsilip namin sa kanyang Instagram, pinag-uusapan ng mga fans na nag-Alaska o Alaskan cruise sila ng kanyang pamilya.
Sa photo post ni Vilma, makikitang nasa deck siya ng cruise at kumukuha ng photos at sa harap niya ang magandang view ng bundok na puno ng snow. Simple lang ang caption niya sa post na, “Praising all your creation, Lord.”
For sure, nakarating na kay Vilma na maraming grupo ang nagsusulong na ma-nominate siya at maiproklamang National Artist.
Kumpleto ang supporting papers na dinala ni Vicky Dantes ng AKTOR PH sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA). Pero, aabutin pala ng one and a half year ang proseso at dadaan pa sa deliberation para mapili at maiproklama ang awardee.
Nangako si Dingdong at ang AKTOR PH na tututukan ang proseso hanggang sa June next year, kung kailan ia-announce ang mga awardees na kinabibilangan nga ni Vilma.
Sa press release na ibinigay ng organisasyon, detalyado na nakasulat ang achievement ni Vilma sa entertainment industry, ang impact niya sa tao, ang achievement bilang public servant, pati legacy niya at pagiging inspirasyon sa kanyang colleagues.
Ang ganda ng parte ng speech ni Dingdong na ang sabi, “Vilma Santos’ nomination for the National Artist Award by AKTOR PH celebrates her enduring legacy, exceptional versatility, and significant contributions to Philippine arts and culture. Her sustained relevance, dedication to her craft, and influence on society underscore her deservingness for this prestigious honor.”