ni Nitz Miralles @Bida | July 18, 2024
“Vacation only,” ‘yan ang sagot ni Priscilla Meirelles nang tanungin ng isang netizen kung magbabakasyon lang ba siya sa Brazil o staying for good na sa kanyang bansa.
Kaya, inaabangan na ang pagbabalik niya sa Pilipinas, na mukhang magtatagal pa dahil sa latest post nito sa Facebook (FB), nag-e-enjoy pa sa bakasyon nila ng kanyang anak.
Sa kanyang vlog, may pa-tour si Priscilla sa business office ng family nila pati sa tinawag na vacation house ng kanyang mom. Naalala tuloy namin ang usapan ng mga netizens na mayaman ang pamilya ni Priscilla sa Brazil dahil ang mom nito, sa penthouse ng condominium nakatira, mas mahal daw ang penthouse ng mga condo.
Anyway, marami ang nalungkot nang mabasa ang post ni Priscilla refuting what John Estrada said na mutual agreement nila ng misis na maghiwalay muna.
“We were married when I left the Philippines, and we remain married as of this time,” paglilinaw ni Priscilla.
Ang ikinalungkot ng mga netizens ay “Mr. Estrada” na ang tawag ni Priscilla kay John, nagpapahiwatig daw ng hiwalayan lalo na’t nabanggit nitong itutuloy na niya ang na-postpone na meeting niya with her lawyer. Ano raw kaya ang ikinonsulta ni Priscilla sa abogado?
Samantala, nag-viral ang guesting ni John sa YouTube channel ni Lorna Tolentino. May tanong si John na, “Ang pag-ibig ba, kahit mali, puwedeng ipaglaban?”
Sagot ni Lorna sa tanong ni John, “Kapag mali ay ipagdasal na sana tumama.”
Sumagot uli si John ng, “Kulang siguro ako sa dasal.”
And speaking of pakikipag-meeting sa lawyer, parang ito rin ang gagawin ni John kung itutuloy ang banta na idedemanda ang nagpakalat ng fake news sa kanya.
Sabi nito sa may-ari ng vlog, “Fake news, magkita tayo sa korte soon kung sino ka man.”
NALUNGKOT ang nakabasa sa sagot ni Bea Alonzo sa tanong ni Boy Abunda sa Fast Talk with Boy Abunda na “Five years from now, Bea, nasaan ka? And if you were having a dinner with two other people, it's dinner for three, nasaan ka, sino ang kasama mo, what are you doing for that dinner?”
Sagot ng Widows’ War star, “Siguro, wishful thinking, but I don’t know. If this happens, eh, di okay, masaya. But if hindi, I’d still be okay. I wish ‘yung dalawang taong kasama ko sa dinner is that my husband and my child.”
Mababasa ang mga comments na sa ngayon, malayo pang mangyari ang wish ni Bea dahil hindi nga natuloy ang kasal nila ni Dominic Roque, kaya maghahanap uli siya ng mamahalin. May mga nagpayo sa kanya na ‘wag siyang maghanap ng perfect guy dahil wala nu’n.
Nakadagdag din ng lungkot sa mga nakabasa na isa si Carla Abellana sa mga nag-like sa post na ‘yun tungkol sa sagot ni Bea sa tanong ni Boy. Halos pareho kasi ang nangyari sa love life ng dalawang bida ng Widows’ War at ang kaibahan lang, si Carla, naikasal at ngayon ay diborsiyada na.
And speaking of Widows’ War, may 100 million views na ang murder mystery series within two weeks sa Facebook (FB), YouTube (YT) at Tiktok accounts ng GMA Network. Mas dumarami ang sumusubaybay ngayong hinahanap na kung sino ang pumatay kay Paco Palacios (Rafael Rosell) at si Bea Alonzo bilang ang asawa nito ang primary suspect.
YOGA, meditation, at daily workout ang mga ginagawa ni Raymond Bagatsing every after taping niya ng Black Rider para makawala sa karakter niyang si Señor Edgardo Magallanes.
Mabigat ang kanyang role at karakter at hindi maiwasang madala niya sa bahay, kaya kailangang may mga gawin siya para makaalis sa karakter ng lider ng sindikato.
Sey pa ni Raymond, sa sobrang pag-i-internalize niya sa kanyang karakter, hindi siya sumasama kapag nagkakasiyahan ang mga co-stars niya sa taping. Kailangan daw in character siya lagi kahit wala siyang eksena dahil baka bumitaw siya at kapag may eksena siya, mahirapan siyang mag-internalize nang mabilis.
Sa last taping day na lang siguro o sa cast party makakasama sa celebration si Raymond for a successful run ng series na inabot ng one year kasama ang taping days.
Wala na siyang aalagaang karakter at babalik na lang sa pagiging Señor Edgardo kapag nagkaroon ng Book 2 ang action series. ‘Yun ay kung hindi mamamatay ang kanyang karakter sa pagtatapos ng serye.
Sa July 25 pa ang final episode ng Black Rider na sobrang action-packed. After this week, one week na lang ang airing ng series at doon malalaman kung ano ang mangyayari sa karakter ni Raymond Bagatsing na matagal niyang inalagaan.