top of page
Search

ni Eli San Miguel - Trainee @News | November 4, 2023




Arestado ang isang Amerikano sa Bonifacio Global City, Taguig, kaninang madaling-araw dahil sa alegasyon na tinangka niyang hipuan ang isang babae sa bar sa high-end state.

Ayon sa pulis, nakaupo ang suspek nang ilang sentimetro lamang ang layo mula sa isang babae na nagpapahinga sa bar bandang alas-3 ng madaling-araw.

Sinabi ng biktima na nakita niya ang kanang kamay ng suspek na lumalapit sa kanya.


"Nakita ko na siya na like sinusunggaban niya ako na hinawakan na niya ako dito sa may puwet ko tapos hanggang hita ko," pahayag ng biktima.


Dahil dito, isinaad ng biktima ang nangyari sa kanyang nobyo.

Kinompronta naman ng nobyo ang Amerikano at humingi ng tulong sa pulisya, na dinala ang suspek sa malapit na presinto ng pulis.


Sinabi ni Patrolwoman Charlene Flores na pumalag ang suspek sa arresting officer.


“Actually, sir, resistant siya. Itinatanggi niya nga. In-insist niya na sayawan ‘yun, hindi sinasadya yung pagkakataon," sabi ni Flores, isang motorcycle patroller sa Fort Bonifacio's sub-station 1.


Itinanggi naman ng suspek ang lahat ng mga akusasyon.


"You think I wanna touch? That is disgusting. Like it’s one big misunderstanding. They are trying to get money out of me. They are trying to ruin my name and I did not do this, I’m from America, I’m a good man," giit ng suspek.


Siya ay kasalukuyang nakapiit sa pasilidad ng Fort Bonifacio Sub-Station 1 at haharap sa mga kasong may kinalaman sa “acts of lasciviousness.”


 
 

ni Mylene Alfonso | June 9, 2023




Itinanggi ni Supreme Court Spokesman Atty. Brian Keith Hosaka na may ipinalabas na kautusan ang SC na nagtatakda ng oral argument para sa territorial dispute sa pagitan ng Taguig at Makati City.


Nagkaroon na umano ng final and executory decision kaugnay nito kung saan itinakda na ang pinag-aagawang Bonifacio Global City (BGC) at 9 pang barangay ay nasa legal na hurisdiksyon ng Taguig City.


Ayon kay Hosaka, wala siyang alam na ganitong ipinalabas na kautusan.


Kung mayroon man umanong ganitong kautusan ang SC, ipalalabas ito sa website at social media account ng kataas-taasang hukuman.


Ang paglilinaw ni Hosaka ay bilang reaksyon sa pahayag ni Makati City Mayor Abby Binay na nakatanggap ang Makati City Legal Office ng dokumento na nagtatakda ng oral argument para sa territorial dispute.


“As far as the document that we received, they actually even set it for hearing, that means its not yet final. Kasi sa Omnibus Motion namin wala pang aksyon so as far the city is concerned there is still pending motion,” pahayag ni Binay.


Nang tanungin si Binay kung kailan ang petsa ng hearing base sa natanggap nilang dokumento ay hindi pa niya alam.


“Hindi namin alam kasi di ba naka-break ang Supreme Court, hopefully by this month we will get some idea,” ani Binay.


Dugtong pa ng alkalde na oral argument ang itinakda ng SC alinsunod sa natanggap nilang dokumento.


Samantala, sa panig ng Taguig City, wala umano silang natatanggap na dokumento.


Taliwas umano ang pahayag ni Binay sa resolusyon na ipinalabas ng Korte Suprema noong Abril na nagsasabi na ibinasura na ang Omnibus Motion ng Makati City na humihiling na iakyat ang territorial dispute case sa SC en banc at magkaroon ng oral argument sa kaso. Una nang ipinaliwanag ni Hosaka na pinal na ang ipinalabas na desisyon ng SC hinggil sa Makati-Taguig territorial dispute at kasamang ibinasura ang mosyon na humihiling na magtakda ng oral arguments.


Idinadag pa nito na nagkaroon na rin ng Entry of Judgement sa kaso na nangangahulugan na ang desisyon ay final and executory.


Sa pagresolba sa territorial dispute ay mas pinaniwalaan at binigyang bigat ng mga mahistrado ang mga ebidensya at argumento na naiharap ng Taguig.


 
 

ni Lolet Abania | March 29, 2022



Sumiklab ang sunog sa bahagi ng isang sinehan sa Uptown Bonifacio sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City ngayong Martes.


Batay sa official report ng Bureau of Fire Protection (BFP), alas-11:59 ng umaga ay nagsimula ang sunog sa Cinema 3 ng naturang mall.


Ayon kay Taguig fire director Fire Superintendent Bernard Rosete, idineklarang under control na ang sunog ng alas-1:37 ng hapon habang naapula ang apoy ng alas-2:00 ng hapon.


Sinabi rin ni Rosete na napinsala naman sa sunog ang mga cinema chairs at ang projection room.


Lahat ng mga tenants at mga bumisita sa mall na mula sa adjacent tower buildings ay agad namang inilikas.


Sa isang statement ng Megaworld Lifestyle Mall, operator ng Uptown Bonifacio, walang nai-report na casualties o nasaktan matapos ang insidente.


Gayundin ayon sa Megaworld, ang naturang movie theater kung saan naganap ang sunog ay “non-operational.”


“Mall guests, tenants, employees, and workers from the adjacent office towers were immediately evacuated following proper safety protocols and procedure,” pahayag ng Megaworld.


“We thank all our retail partners, mall employees, especially our customers, for their cooperation during the evacuation process,” ayon pa rito.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page