ni Lolet Abania | December 13, 2021
Patay ang 11-anyos na batang babae habang isang 8-buwan-gulang na sanggol ang nagtamo ng mga paso sa katawan matapos ang sunog sa Taguig City, ayon sa Bureau of Fire Protection-National Capital Region (BFP-NCR) ngayong Lunes.
Ayon sa spot report ng BFP, sumiklab ang sunog sa isang residential area sa J. Ramos Street Barangay Ibayo Tipas bandang tanghali ngayong Lunes. Itinaas sa unang alarma ang sunog at tumagal ito ng halos isang oras.
Umabot naman sa 23 trak ng bumbero ang dumating na tuluyang naapula ang apoy bandang alas-12:55 ng hapon, ayon pa sa report ng BFP.
Hindi naman binanggit sa report ang pangalan ng 11-anyos na batang babae na namatay sa sunog, habang ang 8-buwan-gulang na sanggol ay nagtamo ng 1st at 2nd degree burns sa pareho niyang itaas at ibabang extremities.
Ayon pa sa BFP nasa tinatayang P150,000 halaga ng ari-ari ang napinsala matapos ang sunog habang 10 pamilya ang apektado. Patuloy naman ang BFP sa pag-iimbestiga sa naging dahilan at pinagmulan ng sunog.