ni Lolet Abania | March 28, 2022
Isang street sweeper ang nasugatan matapos ang pagsabog ng isang pizza parlor sa Quezon City, ngayong Lunes ng madaling-araw.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), pasado alas-4:00 ng madaling-araw naganap ang pagsabog sa naturang pizza parlor sa Visayas Avenue, Quezon City, kung saan umabot sa unang alarma ang sunog, subalit agad ding naapula ang apoy bandang alas-5:00 ng madaling-araw.
Kinilala ang biktima na si Sophia Rafa, street sweeper, na bahagyang nasunog ang suot niyang face mask habang agad siyang binigyan ng paunang lunas na nagtamo ng first degree burns sa kanyang mukha.
“Nagwawalis ako kanina, madilim pa. Tapos pagtapat ko dito may biglang sumabog. Kaya ‘yung face mask ko, ayan, nasunog. Nasa mukha ko ito kanina,” salaysay ng biktima.
Bukod sa pizza parlor, nadamay din ang ilang kabahayan na nasa likod lamang ng naturang restaurant .
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa sanhi at pinagmulan ng sunog. Gayundin, inaalam pa ang halaga ng mga ari-arian na napinsala matapos ang sunog.