top of page
Search

ni Lolet Abania | June 1, 2022



Isang senior citizen ang nasawi matapos sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Sta. Mesa, Manila ngayong Miyerkules ng madaling-araw.


Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), alas-4:30 ng madaling-araw nagsimula ang sunog sa kahabaan ng V. Mapa Street, kung saan namatay ang 60-anyos na lalaki.


Nagising na lang ang mga residente nang kalampagin ng isang kapitbahay ang kanilang mga pinto para ipaalam sa mga itong nasusunog na ang kanilang mga bahay.


Marami sa kanila ang hindi na nailigtas ang ilang kasangkapan dahil kumalat na ang apoy sa mga kabahayan. Alas-5:53 ng madaling-araw, idineklara naman itong fire out ng BFP. Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang dahilan at sanhi ng sunog.


Sa pagtaya ng BFP, aabot sa P500,000 ang halaga ng pinsala sa mga ari-arian ang naturang sunog.


 
 

ni Lolet Abania | May 5, 2022



Umabot sa tinatayang 80 pamilya ang nawalan ng tirahan sa nangyaring sunog sa Malabon City ngayong Huwebes nang madaling-araw.


Batay sa Bureau of Fire Protection (BFP), nasa 25 bahay umano ang natupok matapos na sumiklab ang sunog bandang alas-2:00 ng madaling-araw.


Ayon kay Senior Fire Officer 4 Rizaldy Evangelista, nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng isang tirahan sa Barangay Catmon, Malabon, habang mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing bahay na pawang mga gawa sa mga plywood at yero.


Sinabi naman ng BFP, walang nai-report na nasawi o nasugatan sa insidente.


Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang naging dahilan ng sunog.


 
 

ni Zel Fernandez | April 19, 2022



Nasunog ang 10 bahay sa Brgy. 129 Zone 2 Tondo, Maynila kagabi kung saan 30 pamilya ang sinasabing naapektuhan.


Pawang gawa sa mga light materials ang mga kabahayan kaya madaling lumaganap ang apoy.


“Nanood ako ng TV, nandu’n ‘yung asawa ko, ngayon sabi ng asawa ko, ‘Pa, parang may naaamoy kaming nag-iinsenso saka amoy nagsusunog lang… eh, hindi na, ‘di ko naman pinansin dahil tumawag sa ‘kin, eh. Mayamaya, may sumigaw na, isang babae rito, may sunog nga ro’n,” pahayag ni Wilfredo Cano, residenteng tumalon mula sa bintana dahil sa bilis ng pagkalat ng sunog.


Hinihinalang napabayaang kandila ang sanhi ng apoy. Tinatayang aabot sa 100 libo ang halaga ng pinsala. Maliban sa fire volunteer na nabalian sa kamay, wala ng ibang nasaktan o nasawi sa sunog.


Umabot sa ikalawang alarma ang sunog na nagsimula bandang alas-9 ng gabi at naapula bandang hatinggabi.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page