ni Lolet Abania | January 3, 2021
Dalawa ang namatay at apat ang nasugatan nang magliyab ang isang bus sa Fairview, Quezon City ngayong Linggo.
Ito ang kinumpirma ng Bureau of Fire Protection (BFP) ng Quezon City, kung saan isang pampasaherong bus ang bumabagtas sa Pearl Drive corner Commonwealth Avenue nang mangyari ang insidente pasado alas-12:00 ng tanghali.
Sa inisyal na ulat ng QC-BFP, ang nasawi ay si Amelene Sembana, konduktora ng nasabing bus at isang hindi pa nakikilalang lalaki. Apat naman ang nasugatan sa insidente.
Sa salaysay ng drayber ng bus na si Valentino Obligasion, 45-anyos, may isinaboy ang isang lalaking pasahero sa kanyang konduktora at pagkatapos ay sinindihan ito na naging dahilan ng pagliyab ng bus.
"May nakaaway po ‘yung konduktor na pasahero... Nu’ng nakita na lang po, tumatakbo na ‘yung konduktor ko, sinindihan siya nu’ng pasahero... Du’n na po nag-umpisa ang sunog," sabi ni Obligasion.
Ayon sa mga pasahero, nagkaroon ng pagtatalo ang konduktor at isang lalaking pasahero hanggang sa nagkainitan ang dalawa. Biglang binuhusan ng suspek ng hinihinalang gasolina na nakalagay sa maliit na botelya ang konduktor saka niya sinindihan ito.
Agad na binuksan ng drayber ang pinto nang magliyab ang loob ng bus subalit mabilis na kumalat ang apoy dahil sa mga plastic barrier.
Binasag ng ilang pasahero ang mga bintana para makalabas sa nasusunog na bus.
Idineklara namang fire out nang 1:20 ng hapon ang nagliyab na bus.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nangyari.