ni Mai Ancheta | May 21, 2023
Limang baybayin sa Visayas at Mindanao ang tinamaan ng red tide matapos magpositibo ang water samples na sinuri ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Ayon sa BFAR, ang mga nagpositibo sa paralytic shellfish poisoning toxin o red tide ay ang mga baybaying sakop ng San Pedro sa Basey, Samar; Dauis at Tagbiliran sa Bohol; Lianga bay sa Surigao del Sur at Dumanquillas sa Zamboanga del Sur.
Dahil sa kontaminasyon, nagbabala ang BFAR sa publiko na iwasan muna ang pagbili at pagkain ng shellfish gaya ng tahong at talaba gayundin ang alamang o hipon mula sa mga lugar na natukoy ang kontaminasyon ng red tide.
Pinayuhan naman ng ahensya ang mamamayan na hugasan at lutuing mabuti ang iba pang lamang-dagat na nakukuha sa mga nabanggit na karagatan gaya ng isda, pusit at alimango para makasiguro ng kaligtasan.
Ang red tide ay nagmumula sa hindi normal na paglaki ng algae na nagtataglay ng lason at pumapatay ng mga isda at naaapektuhan ang mga shellfish na delikado kapag nakain ng mga tao.
Kalimitang sintomas kapag nakakain ng kontaminado sa red tide ay pag-ubo, pagbahing at nagluluha.