ni Angela Fernando - Trainee @News | February 25, 2024
Nagpahayag ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) kamakailan na 44 na bangka ng mga mangingisda sa Bajo de Masinloc (BDM) o Scarborough Shoal ang binigyan ng tulong sa gasolina ng mga otoridad, na nagpapakitang dumarami na ang mga Pilipino ngayon ang nangingisda sa West Philippine Sea (WPS).
Sinabi ni BFAR Spokesperson Nazario Briguera na 44,900 litro ng diesel, 217 litro ng inumin na tubig, at 20 galon ng malinis na tubig ang ibinigay sa mga mangingisda ng 'Pinas sa rotational deployment ng mga barko ng BFAR at Philippine Coast Guard (PCG) sa shoal.
Saad niya, "Ang maganda nito, kumpara sa nakaraan nating misyon, mas nadagdagan ang mga Filipino fishing boats na nabigyan ng ayuda. From 21 nung nakaraan, ngayon ay nasa 44."
Dagdag ni Briguera, magandang senyales daw ito dahil nagpapakita lang na nadadagdagan na ang mga mangingisda natin sa BDM.