ni Beth Gelena @Bulgary | Oct. 14, 2024
Photo: Hazel Calawod's IG / Willie Ravillame
Nagsimula na si Willie Revillame ng kanyang fitness journey matapos maghain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa midterm elections sa 2025.
Ang sports occupational therapist ni Carlos Yulo na si Hazel Calawod ang kinuha niyang coach para sa pagbabawas ng kanyang timbang.
Sa socmed (social media) post ay ipinakita ang training session ni Kuya Wil. Masaya ang TV host dahil nakatrabaho niya ang personal trainer ng Olympian gold medalist.
Aniya (published as is), “Umpisa na para ma-kundisyon ang health ng mind and body ko for a commitment. With Coach Hazel Calawod, the personal trainer of Olympic Gold Medalist Carlos Yulo.”
Si Kuya Wil ay tatakbong independent senador sa darating na 2025 elections. Mukhang desidido na nga ang TV host na pumalaot sa pulitika.
Marami ang nagtatanong, paano na raw ang kanyang programa na Wil To Win (WTW)? Matagal ding napahinga si Kuya Wil sa pagho-host dahil nagsara na ang huli niyang sinamahang network, ang AMBS na pag-aari ng kaibigan niyang senador noon na si Manny Villar.
Nakabalik lang siya sa TV nang makipag-collab siya sa MediaQuest na pag-aari ni MVP ng Channel 5. Muling nabuksan ang game show ng TV host sa bagong bihis nitong WTW nito lang July.
Kaya nagtatanong na naman ang kanyang mga followers at supporters kung iiwan daw bang muli ng TV host ang kanyang program?
Ayon naman kay Kuya Wil, never niyang iiwan ang game show niya, bagkus mas marami pa raw siyang matutulungan kapag siya ay isa nang public servant.
MAY bagong award-giving body ang magbibigay ng mga recognition o award sa mga karapat-dapat na manalo na hindi napapansin ng ibang nagbibigay ng award.
Ito ay ang Rising Filipino Awards na ang layunin ay mabigyang-pansin ang mga taong nakakatulong sa ating society, pero hindi napapansin dahil hindi sila kasikatan at hindi ipinagsasabi ang mga tulong na nagagawa nila.
Kumbaga, mga noble person sila na hindi nalalaman ng mga netizens.
Ayon sa mga hurado ng Rising Star, marami na raw silang natanggap na nominasyon na pawang magaganda at may mabuti nang nagawa sa kanilang kapwa.
Ang unang-unang qualification para maging isang Rising Filipino Star, dapat ay lehitimong Pilipino ito.
Open daw para sa lahat ang kanilang RFA, mahirap man o basurero pero may nagawang kabutihan sa kapwa, pasok sa kanilang criteria.
Artista man o pulitiko na may ambag na kabutihan sa likod ng kamera ay kanila pa ring sasalain, lalo na kapag public servant.
Si Joyce Pilarsky ang ambassadress ng Rising Filipino Awards. Si Pilarsky ay kilala rin sa showbiz bilang influencer, doctor at book author.
Ayon sa RFA founder na si Armand Villanueva, kaya nila kinuhang ambassadress si Pilarsky ay dahil sa tapang nitong sumali sa isang pageant competition kahit alam niyang isa na siyang OG.
Ang naatasang marketing director na si Debs Sahagun ang punong-abala katuwang ang iba pang opisyales ng RFA.
Sa November 29, 2024 na gaganapin ang First Rising Filipino Awards Night sa Aberdeen Court, Imperial Hall, Great Eastern Hotel, Quezon City.