ni Beth Gelena - @Bulgary Files | June 19, 2021
Marami nang natatanggap na komento ang It’s Showtime na kinakailangan na raw itong i-reformat. Boring na raw kasi ang masyadong mahabang usapan at kung anu-ano pang mga kaek-ekan na kuwentuhan lalo na raw sa segment na Tawag ng Tanghalan.
Napakabagal daw ng pacing ng programa na ikinabubuwisit ng mga viewers.
Nitong nakaraang June 15, nakunan ng pahayag ang pinaka-main host ng noontime show na si Vice Ganda. Tinanong siya tungkol sa kanyang reaksiyon sa mga komentong naglalabasan sa comment section ng programa.
Ayon kay Vice, nababasa niya at ng buong team ng It’s Showtime ang constructive criticism ng madlang pipol sa programa.
Bulalas ng Unkabogable Phenomenal Star, "First, it is right that we listen to the viewers. Every now and then, we listen to them. Alam naman namin 'yung constructive criticisms na ibinibigay nila, we acknowledge that.
"But to be fair also with the staff and with the show, even before, there was clamor already, nakikita na namin iyon.
"Kami mismo, gusto na namin ng change, gusto na namin ng bagong segments, gusto na naming mag-offer ng maraming bagay na bago."
Pero, dahil paiba-iba nga raw ng protocols dahil sa pandemya, hindi nila mai-push ang mga gusto nilang gawin.
May plano na rin daw silang mag-redesign nu’ng Holy Week. Hindi raw natuloy dahil ang isa nilang staff ay nagpositibo sa COVID-19. Ang nangyari, lahat sila ay na-quarantine.
“Dahil dito, naurong na naman ang plano sanang pagre-redesign ng studio.”
Pag-amin ni Vice, nalulungkot ang hosts at staff ng It’s Showtime sa tuwing may naririnig silang pinabayaan nila ang programa.
"Kapag inookray nila 'yung studio na parang sinasabi nilang pinabayaan namin, siyempre, nalulungkot din kami kasi hindi naman nila alam 'yung totoong nangyayari."
Aminado si Vice na siya mismo ay nagde-demand na rin ng bagong segments para sa programa.
"As an artist, nae-excite ka sa ginagawa mo, so nagde-demand din ako."
Naiintindihan naman daw ni Vice ang sitwasyon ngayon ng ABS-CBN lalo pa’t hindi sila nabigyan ng prangkisa ng Kongreso last year.
Paliwanag pa ni Vice, "Nakakaawa nga kasi iyong headwriter minsan, floor director na rin siya. Executive producer, editor na rin siya. Isang tao, ang daming ginagawa.
"Masakit kapag may naririnig ka na mga okray kasi they only presume and assume, but they don’t understand what’s going on.”
Pero natutuwa si Vice dahil maganda ang feedback sa bago nilang segment na Reina ng Tahanan.
Ang hiling naman ng mga avid viewers ng It’s Showtime, “Sana bawas-bawasan nila ang dakdakan sa Tawag ng Tanghalan. Nakakaumay, eh. Humahaba lang ang segment nang wala namang saysay. Nakakainip panoorin, kaya kahit nakatutok kami, napipilitan kaming lumipat sa ibang channel.”