top of page
Search

ni Madel Moratillo | March 19, 2023



Nagpasaklolo na ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga opisyal ng Barangay na tulungan sila sa kampanya kontra ilegal na droga.

Hinikayat ni DILG Secretary Benhur Abalos, Jr. ang mga Barangay na samantalahin ang Barangay Assembly Days ngayong Marso para talakayin ang Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan o BIDA Program.

Malaki aniya ang maitutulong nito para mapababa ang mga kaso ng ilegal na droga at masimulan ang maayos na mga pamayanan.

Ang BIDA Program ng DILG ay naglalayong mapababa ang demand ng ilegal na droga.

Ayon kay Abalos, sa war on drugs ng Marcos administration ay titiyakin ang pagsunod sa human rights at Konstitusyon.


 
 

ni V. Reyes | February 27, 2023



Magsasagawa ng regular na drug test sa mga nasa bilangguan. Ayon kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, kapag may preso na nagpositibo sa ilegal na droga, sisibakin ang nakatalagang warden ng piitan.

Samantala, tuloy din ang paglilinis ng DILG sa hanay ng Philippine National Police (PNP) kasunod ng naunang hamon nito sa mga matataas na opisyal ng pulisya na maghain ng courtesy resignation.

Gayunman, ang National Police Commission (Napolcom) ang inatasang sumuri at magdesisyon kung kaninong courtesy resignation ang tatanggapin.

Binabantayan na rin ngayon ang mga pulitiko kaugnay ng kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na droga.

Babala ni Abalos, kakasuhan ang sino mang pulitiko na mapatutunayang sangkot sa illegal drug trade.

Ang pahayag ni Abalos ay kasunod na rin ng mga ulat na may ilang pulitiko at nasa gobyerno ang sabit umano sa mga transaksyon ng ilegal na droga sa bansa.


 
 

ni Lolet Abania | July 9, 2021



Naglagay ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng mga emergency lay-by sa iba’t ibang lugar na inilaan para sa mga motorcycle riders.


“Because alam mo tuwing umuulan, talagang medyo delikado dahil ‘yung iba humihinto sa gilid at baka hindi makita ng sasakyan [at] mabangga sila,” ani MMDA chairman Benhur Abalos sa isang interview ngayong Biyernes.


Ayon kay Abalos, walong lay-by areas ang itinakda ng ahensiya sa kahabaan ng EDSA na nasa Quezon Avenue, GMA Kamuning, Kamias, Santolan, Ortigas, Buendia, Tramo at Roxas Boulevard.


Anim na lugar naman ang inilagay na lay-by sa kahabaan ng C5 Road na nasa Commonwealth Avenue, Luzon flyover; Barilake Highway; Aurora Boulevard; C5-Libis; Pasig Boulevard at C5 Kalayaan elevated U-turn along C5 Road.


Sa kahabaan ng Roxas Boulevard ang lay-by areas ay sa Recto corner ng Roxas Avenue at sa Buendia flyover.


Tatlong lugar din ang inilatag ng MMDA na lay-by sa kahabaan ng Sucat NAIA Road na nasa NAIA Imelda Avenue; NAIA Imelda at ang Parañaque Sucat Road malapit sa SM Sucat.


Sa kahabaan ng Alabang, ang West Service Road at ang Alabang National Road ang inilagay ng ahensiya na lay-by areas.


“Inuulit ko, ito po ‘yung emergency parking habang umuulan. Hindi ito puwedeng maging terminal o ano man,” ani Abalos.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page